Ang pakikibaka laban sa mga mapaminsalang dam ay pakikibaka para sa pagpapasya sa sarili

,

Nakikiisa ang Kadumagetan sa pagdiriwang ng International Indigenous People’s Day ngayon Agosto 9, 2023. Kasama ng mga katutubo sa buong mundo, nakikiisa kami sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya.

Sa Pilipinas, wala pa ring natatamasang karapatan sa sariling pagpapasya ang mga katutubo at pambansang minorya. Sa kabila ng Indigenous People’s Rights Act (IPRA), hindi pa rin kinikilala ang boses ng mga katutubo lalo kaugnay ng kanilang lupang ninuno. Malaking banta sa buhay ng mga katutubo sa kasalukuyan ang mga nakahanay na proyektong pang-imprastraktura ng rehimeng Marcos-Duterte sa saklaw ng mga lupang ninuno.

Para sa mga katutubong Dumagat at Remontadong hene-henerasyon nang pinaninirahan ang Sierra Madre, malaking pagyurak sa kanilang lupang ninuno ang mga nakaambang proyektong dam at hydropower sa iba’t ibang dako ng kabundukang ito. Pinakamalaki at kontrobersyal sa mga ito ang Kaliwa-Kanan-Laiban Dam sa North Quezon at Rizal, na ang unang komponenteng Kaliwa Dam pa lamang ay kukuha ng 9,500 ektarya ng lupang ninuno. Samantala, isa rin sa mga flagship projects ng rehimen ang Wawa-Violago Dam sa Rizal.

Taliwas sa sinasabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage Systems (MWSS), walang malaya at mulat na pagsang-ayon ang mga katutubo sa mga proyektong ito. Para sa Kadumagetan, ang pagraratsada ng mga dam na ito ay malinaw na pagbalewala sa kanilang paninindigan at pagsagasa sa lahat ng aspeto ng kanilang pamumuhay na nagmumula sa kanilang lupaing ninuno. Ikinagagalit nilang pinabibilis ang pagratsada sa nabanggit na proyekto habang walang programa ang gubyerno para sa kanila, laluna sa pagbibigay ng atensyong medikal para lutasin ang taun-taong pananalasa ng mga epidemya tulad ng tigdas, cholera, at dengue.

Upang patahimikin ang mamamayan, winawasiwas ng estado ang kamay na bakal nito. Isa sa karumaldumal nilang krimen ang pagpaslang sa dalawang lider-aktibistang mga Dumagat na sina Puroy at Randy Dela Cruz sa Brgy. Sta. Inez, Tanay, Rizal sa inilunsad na COPLAN ASVAL noong Marso 7, 2021 o mas kilala bilang Bloody Sunday Massacre. Kabilang ang dalawang Dumagat sa siyam na akibistang pinaslang sa araw na iyon. Sa salaysay ng masa, brutal na pinaslang at sinalaula ang labi ng mga biktima. Hinataw ng halo (ng lusong) ang mga braso ni Randy Dela Cruz. Kinaladkad siya sa sapa, itinubog sa tubig ang mukha at itinihaya matapos takpan ng batya. Hindi pa nasapatan, inupuan pa siya ng dalawang sundalo. Ito ang naging sanhi ng pagkamatay niya. Samantala, hindi iginalang ang labi ni Puroy na matapos patayin ay pinutulan pa ng ari ng mga berdugo. Ang magpinsang Dela Cruz ay kabilang sa mga nasa unahan ng paglaban sa pagtatayo ng dam.

Hindi nilulubayan ng operasyong militar ang mga komunidad ng mga Dumagat hanggang sa kasalukuyan. Karaniwan silang biktima ng panghaharas, pananakot at intimidasyon, isinasailalim sa sarbeylans, sapilitang pinasusuko at ipiniprisinta bilang mga pekeng NPA at sapilitang nirerekrut bilang CAFGU. Isinasagawa ng estado ang lahat ng anyo ng pasismo para sa pagpapatuloy ng mga anti-mamamayang proyekto.

Imbes na matakot, magiting na hinaharap ng mga Dumagat at Remontado ang panunupil at paniniil ng estado. Makatwiran ang pakikibaka ng mga katutubo para palayasin ang mga militar sa kanilang komunidad at igiit ang hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao.

Magpapatuloy ang matatag na paglaban ng mga katutubong Dumagat at Remontado para tutulan at pigilan ang Wawa-Violago at Kaliwa-Kanan-Laiban Dam. Handa ang Kadumagetan na ipagpatuloy ang pakikibakang ito dahil katumbas nito ang pagtatanggol sa kanilang buhay, lupa at sa kanilang pagpapasya sa sarili.###

Ang pakikibaka laban sa mga mapaminsalang dam ay pakikibaka para sa pagpapasya sa sarili