Pahayag

Bagong AFP Strategic Command: Instrumento ng gera at pangyuyurak sa pambansang soberanya

,

Tahasang pangyuyurak sa pambansang soberanya ng bayan ang nakatakdang pagbubuo ng rehimeng US-Marcos II ng bagong AFP Strategic Command sa taong ito. Pinalalabas itong gagamitin sa pagdepensa ng Pilipinas ngunit ito ay pangangayupapa sa imperyalismong US. Dagdag kadena itong gagamitin ng US para kaladkarin ang Pilipinas sa gerang niluluto laban sa China.

Ang AFP Strategic Command ang mamamahala sa lahat ng mga pinagsanib na ehersisyong militar sa mga internasyunal na kaalyado at kasosyo sa seguridad, lalo na ang US. Iniluwal ito sa gitna ng Balikatan Exercise 40-2025, na tinuran ng mga heneral sa Pilipinas na “defense rehearsal” o paghahanda sa pagdedepensa ng Pilipinas. Kung tutuusin, labis at hindi kinakailangan ng isa pang departamento para dito dahil ang mga pinagsanib na pagsasanay-militar ay nasa ilalim na ng Education, Training and Doctrine Command ng AFP. Mayroon na ring Joint US Military Assistance Group na mga pwersang US na nagsasanay sa AFP. Sa gitna ng pagsadsad ng kabuhayan ng mayorya ng mamamayang Pilipino, dagdag gastusin ang AFP Strategic Command at gagamitin ng US para sa mas episyenteng panghihimasok upang mapabilis ang pagputok ng gera.

Mismong nagmula na sa bibig ng mga heneral ang malamang na pagputok ng gera sa Asia Pacific laban sa China. Dahil dito, ang pagkakabuo ng AFP Strategic Command ay magbibigay ng dagdag na ligal na bihis sa lantarang panghihimasok ng imperyalismong US sa pamamagitan ng mga magkasanib na ehersisyong militar at iba pang aktibidad sa Pilipinas. Katulad ng Bilateral Security Guidelines, Task Force Ayungin at mga nauna pang kasunduang militar, pinahihigpit nito ang kontrol ng US sa AFP upang maidirihe ang mga armadong pwersa at lahat ng mga makinarya ng gubyernong Pilipinas upang mang-udyok ng gera sa China.

Ang presensya ng mga tropa ng imperyalismong US sa Pilipinas ay naghahatid ng banta ng gera, pasismo at perwisyo sa sambayanan. Kada taon, nasa 500 pinagsanib na ehersisyong militar ang inilulunsad ng imperyalismong US sa Pilipinas kabilang ang taunang Balikatan Exercises. Sa nagdaang Balikatan pa lamang, nasa 9,000 tropang Amerikano ang lumahok. Ang mga pagsasanay ay tabing para maluwag na ipasok ang mga tropa at kagamitang militar ng US sa PIlipinas. Ngayong Balikatan, pinasok sa bansa ang mga makabagong sandata ng US na Navy Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS). Bago pa ito, nakapwesto na ang Typhon Missile System noong 2024 at High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) noong 2023.

Takot at pangamba ang iniresulta ng paggamit ng mga naturang makabagong sandata sa kalupaan at karagatan ng Pilipinas sa proseso ng ehersisyong militar. Sa Palawan, binulabog ng mga ehersisyong militar ang tahimik na mga komunidad sa mga pasabog at pagpapalipad ng helikopter at drone sa ere. Ang HIMARS na nakapakat sa isla ay nagpakawala ng anim na bala sa kurso ng nagdaang Balikatan. Naiulat din ang paglahok ng mga tropang Amerikano maging sa mga operasyong militar ng AFP. Nitong Abril, nakita ng mga lokal sa Quezon ang mga sundalong Amerikano na kasama ng berdugong AFP sa paghalihaw sa komunidad ng mga magsasaka.

Dagdag pahirap sa bayan ang pagdagan ng libu-libong tropang Amerikano sa Pilipinas. Bukod sa pasismo, gutom din ang sinapit ng mga Pilipino habang nagaganap ang mga pinagsanib na ehersisyong militar. Pinagbawalan ang mga Pilipinong mangisda at magsaka sa kanilang sariling karagatan o lupain kung saan inilulunsad ang mga ehersisyong militar. Masahol pa, ang iba’y napipilitang lumikas sa kanilang mga komunidad sa takot na madamay sa firing at iba pang aktibidad ng kolonyal na pagsasanay. Winawasak rin ng mga ehersisyong militar ang kapaligiran. Nag-iiwan ito ng mga dumi at sinisira ang ekosistema sa karagatan at kabundukan.

Marapat lamang na tuligsain ng buong bayan ang pagbubuo ng bagong AFP Strategic Command na gagamitin lamang ng US para sa adyendang gera sa Asia Pacific. Palakasin at palawakin ang anti-imperyalistang prente at sama-samang labanan ang pinapakanang gera ng imperyalismong US sa Asia Pacific. Igiit ang diplomatikong paraan ng paglutas sa tunggalian ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea. Makipagkaisa sa mamamayang Amerikano at ganundin sa iba pang mamamayan ng daigdig na tutol sa pandidigma ng imperyalismo.

Patuloy na ipanawagan ang pagpapalayas ng tropang militar at base militar ng US sa loob ng bansa. Ipanawagan ang pagbabasura ng mga hindi pantay na kasunduang militar gayundin ang mga binuong ahensya kagaya ng Task Force Ayungin na idinidirehe ng US at yumuyurak sa pambansang soberanya.

Ang tunay na kapayapaan at pagtatanggol sa soberanya ng bayan ay makakamit sa landas ng pambansa demokratikong rebolusyon. Ito lamang ang nag-aadhikang ibagsak ang imperyalismong US at puksain ang mga kasabwat nitong malalaking burgesya komprador at panginoong maylupa. Sa pag-alpas mula sa kuko ng imperyalismong US, maitatatag ang tunay na gubyernong kumakatawan sa aping uri ng sambayanang Pilipino.

Bagong AFP Strategic Command: Instrumento ng gera at pangyuyurak sa pambansang soberanya