Pahayag

Bagong Pilipinas, bigo at palpak sa pagharap at paglutas sa mga kalamidad

,

Patuloy pang tumataas ang bilang ng mga pinsala ng bagyong Kristine pinakahuli ang 145 na nasawi, 150 nawawala, higit 100 ang nasugatan at 1.8 milyong pamilyang apektado o 7 milyong indibidwal. May 1 milyon ang nasa sentro ng ebakwasyon at 40,000 bahay ang nasira. May taya na ₱2.87B ng nasirang agrikultura, ₱3.6B sa imprastraktura at 160 lugar na nasa state of calamity at 504 bayan ang walang kuryente.

Isa sa mga pinakamatinding tinamaan ang CALABARZON sa rehiyon. Isinailalim ang buong Batangas sa state of calamity. Sa Talisay, may 15 patay at 12 dito ay bata habang may dalawa pang nawawala sa landslide; Sa Laurel, nagdala ang malaking pagbaha ng malalaking bato at kahoy; sa Balete, isang mag-anak naman ang biktima ng landslide na may anim na patay at may nawawala; Sa Lemery, nanawagan na ang Mayor ng ayuda mula sa pambansang ahensya dahil sa tindi ng baha; Sa Lipa, naiulat ang pag-bakwet ng mga taga Barangay Halang. Hinahanap pa sa lalawigan ang 16 nawawala. Nasa 47 na barangay sa buong batangas kulang at walang kuryente habang 17 barangay ay pawala-walang kuryente.

Sa Cavite, ang binaha ang mga barangay sa Tagaytay, Imus, Noveleta, Kawit City at Alfonso. May 2000 pamilyang nasa evacuation center. Sa harap nito, nalantad ang kawalang pananagutan ng lokal na gubyerno kung saan sa panayam sa isang programa sa radyo, di makasagot o makasang-ayon ang kasalukuyang Gobernadora na ang sanhi ng malawakang pagbaha sa baybay-dagat ng lalawigan ay dahil sa 47,000 libong proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Sa Laguna, limang bayan ang binaha: ang San Pedro, Cabuyao, Biñan, Sta Rosa at Calamba. Naiulat ang 1,205 bahay na partially damage at 29 damaged. Libong pamilya rin ang lubog sa baha, kung saan ayon sa kanila, tila naulit ang karanasan nila noong bagyong Ondoy.

Sa Quezon, umabot ng 3-4 araw pa bago humupa ang tubig-baha. Binaha ang evacuation site sa Lopez na may 7-8 barangay apektado; sa Calauag, may mga barangay na bubong na lang ang kita dahil sa baha; at naiulat naman sa San Andres at Sariaya ang pagkasira ng mga pananim.

Bangkaroteng Bagong Lipunan, retorikong tulong

Atrasado, depektibo at palyado ang solusyon ni Marcos Jr. sa sakuna at delubyo. Hindi ramdam ng bayan ang iniika niyang “naka-pre-position na ang mga relip o ayuda” kapag may mga bagyo na papasok sa bansa. Sa isinagawa niyang aerial inspection, lulan ng helikopter na gamit ang kaban yaman ng bansa, tila nanood ng pelikula ang inutil na presidente. Wala siyang ibang ginawa kundi panay magpapogi at makipagpanayam habang nasa himpapawid sa mga pahayagan, media at social media platform para manlinglang.

Malinaw na iskripted ang salamangkang presidential briefing. Pero hindi magawang doktorin ang bilang ng mga napinsala dahil sa kapabayaan at kainutilan ng estado. Muli, walang ibang binalingan ng sisi ang mga burukrata kapitalista at sibilyang militar na opisina kundi ang mamamayan sa naganap na pagbaha at pagguho ng lupa at iba pang epekto ng bagyo.

Palpak ang ipinagmalaki ng adminitrasyong Marcos Jr. na 5,500 flood control projects nito na pinondohan ng ₱244.57 bilyon noong SONA. Tumambad sa taumbayan ang kawalang kapakinabangan sa mga proyektong ito sa panahon ng matinding pag-ulan at pagbaha. Sadyang substandard ang mga proyektong ito dahil kinukurakot ang pondo at patsi-patsi ang pagpapatupad ng mga proyektong flood control kaya’t hindi epektibo sa panahon ng kalamidad.

Samantala, bumaba ng ₱470 milyon ang inilagak na calamity fund mula sa pambansang badyet nitong 2024. Maliit na nga, ipinagdadamot pa ang pondong ito sa mamamayan. Kinakailangan pang magdeklara ang mga LGU ng state of calamity upang mabilis na mapakinabangan ang pondo para sa kalamidad. Kinukulimbat at ginagamit naman ito ng mga lokal na burukrata para sa panlilinlang sa panahon ng sakuna.

Bukod sa kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno, marapat na ugatin ang delubyo na dinaranas ng bayan sa mga kalamidad na dumaan. Ang palalang epekto ng bagyong Carina, Kristine at Leon na bunsod ng mabilis at malalang pagbabago ng klima ay hindi purong natural na penomenon. Mayor na salik sa mabilis na pagbabago ng klima ang imperyalistang pandarambong sa kalikasan. Kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri, sila ang nasa likod ng pagkakalbo ng kagubatan, malawakang kombersyon ng mga lupang sakahan para sa minahan at quarrying, agri-business (na monocropping), ekoturismo at iba pang mapaminsalang aktibidad sa kalikasan sa bansa. Ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Marcos II ang patakaran ng pagwasak sa kapaligiran alang-alang sa dambuhalang tubo.

Sa MIMAROPA, lubog sa baha tuwing may kalamidad ang mga bayan ng Baco, Naujan, Calapan, at Victoria sa Oriental Mindoro dahil sa patuloy na mapangwasak na operasyon ng Sta. Clara Power Corporation (SCPC) na sumisira sa Upper Amnay Watershed Region. Dagdag pa ang paparaming bilang ng quarry operations sa buong kahabaan ng Mag-asawang Tubig at Bucayao River. Sa Timog Palawan, ang malawakang dayuhang pagmimina ang dahilan kung bakit bumilis ang pagbaha gayong dati itong hindi bahaing lugar. Labis din ang pinsalang dulot ng bagyong Yolanda, Odette sa iba apang panig ng Palawan. Bukod pa ang mga kontsahan (Pearl Farm) na pag-aari ng namayapang Danding Coangco.

Matatagpuan naman sa lalawigan ng Rizal ang pinakamaraming operasyon sa pagmimina at quarry na sumasaklaw sa 3,622 ektaryang kabundukan nito kabilang na ang Upper Marikina River Watershed. Bukod dito, nagpapatuloy rin ang konstruksyon ng mga dambuhalang Wawa-Violago at Kanan-Kaliwa Dam. Ayon sa mga Rizaleño, bumilis ang pagragasa ng tubig sa mga ilog at gumuho ang ilang mga bahagi ng kabundukan mula nang itayo ang Wawa Dam na nagdulot ng mabilis na pagbaha sa mga mas mababang lugar malapit dito. Damang-dama na rin ng mamamayan sa prubinsya ang epekto ng pagkasira ng daan-daang ektaryang kabundukan ng Sierra Madre dahil sa konstruksyon ng Kaliwa-Kanan Dam.

Masyadong minamalaki ng gubyerno ang usapin ng solid waste management at pagkakaingin ng maralitang mamamayan gayong lansakang pinahihintulutan ang mga pabrika na gawing tambakan ng basura ang karagatan at patagin ang kabundukan dahil sa mina. Sa halip na papanagutin ang malalaking pabrikang nagbubuga ng karbon na sumisira sa ozone layer ng mundo, pilit na ipinapasa ng gubyerno ang sisi sa mamamayan. Kung kaya’t ang pakikibaka para sa climate justice ay hindi hiwalay sa pakikibaka ng mamamayan para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo!

Pag-asa sa sarili, Anti-pyudal na pakikibaka at Demokratikong Gobyernong Bayan

Dapat na ilantad at kundenahen ang greenwashing o pagpoposturang maka-kalikasan ng gubyernong Marcos Jr. para pagtakpan ang mga dambuhalang proyekto na itinutulak ng imperyalismong US at iba pang dayuhang monopolyo-kapitalista. Higit pang pangwawasak at hindi pagsalba sa kalikasan ang idinudulot ng mga proyektong ito na nagreresulta ng matitinding panganib sa buhay at kabuhayan ng mamamayan sa panahon ng kalamidad. Singilin si Marcos Jr. at ang kanyang pamilya sa malawakang pandarambong sa yaman ng bansa at paninira sa kalikasan. Noong diktadurang US-Marcos Sr., ibinuyangyang ang Pilipinas sa mga kumpanya ng mina at troso na nanalasa sa buong bansa. Naging mayor na taga-eksport ang Pilipinas ng troso sa US at Japan sa ilalim ng konsesyon nina Enrile at Ramos. Higit walong milyong ektarya ng kagubatan ang nawala. Samantala, malaki ang pananagutan ni Marcos Sr. sa pinsala sa mina ng Marcopper sa Marinduque. Nagsimula ang Marcopper na manalasa noong 1969 sa Marinduque. Pagmamay-ari ni Marcos Sr. ang kalahati ng sapi ng Placer Dome, ang kumpanyang nagkokontrol sa Marcopper.

Dapat na panagutin ang rehimeng US-Marcos II sa kriminal na pagpapabaya nito sa panahon ng kalamidad at igiit ang kagyat na pamamahagi ng calamity fund. Dapat na isakdal ng taumbayan ang gubyernong Marcos Jr. dahil sa lansakang pagnanakaw nito sa pondo ng bayan para sa kalamidad.

Habang kumikilos para panagutin ang rehimeng US-Marcos II, dapat na magtulungan ang mamamayan at maglunsad ng mga proyekto ng pagbangon. Sa pangunguna ng mga samahang masang kaanib ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), isagawa ang programang pangkalamidad ng Demokratikong Gubyernong Bayan (DGB). Ilunsad ang kampanyang relief at rehabilitasyon sa anyo ng mga tulungan para sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay at pagsasaayos ng mga nasirang pananim. Ilunsad rin ang kampanya sa rebolusyong agraryo at isulong ang minimum na programa ng reporma sa lupa sa panahon ng kalamidad. Habang isinusulong ang pagkakaroon ng makatwirang subsidyo para sa mga magsasaka, buuin ang pagkakaisa at ipaglaban ang pagpapawalambisa ng utang sa produksyon ng mga magsasakang nasalanta ang hindi bababa sa 20% ng kanilang inaasahang ani.

Bukod dito, dapat ding tiyakin ang pagbubuo at pagpapatupad ng mga patakaran sa pangangalaga sa kalikasan laluna sa mga eryang bulnerable sa pagbaha at pagguho ng lupa. Ilunsad ang kampanyang edukasyon sa layuning ipalaganap ang epekto ng patuloy na pangwawasak sa kalikasan dahil sa proyektong dam, mina at quarry. Bukod dito, tuluy-tuloy na ikampanya sa taumbaryo ang tamang pagtatapon ng iba’t ibang klase ng basura at sistema ng “recycling”.

Walang ibang aasahan ang mamamayan kundi ang sarili nilang lakas. Sa harap ng kriminal na pagpapabaya ng naghaharing estado sa panahon ng kalamidad, higit lalong nauunawaan ng mamamayan ang pangangailangang ibagsak ito at itayo ang Demokratikong Gubyernong Bayan na magsisilbi para sa kanilang mga demokratikong interes at kagalingan. Sa pamumuno ng CPP-NPA-NDFP, ubos-kayang magpupunyagi ang rebolusyonaryong kilusan na ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan at hawanin ang daan tungo sa lipunang masagana, mapayapa at makakalikasan!###

Bagong Pilipinas, bigo at palpak sa pagharap at paglutas sa mga kalamidad