Pahayag

Biguin ang tangka ng US na gawing pambala sa kanyon ang Pilipinas!

,

Pinatunayan muli ni Bongbong Marcos na siya ang maamong tuta ng imperyalismong US sa Asya-Pasipiko. Sa kabila ng tumatalas na mga kontradiksyon ng pandaigdigang sistemang imperyalista, pangunahing tugon pa rin ni Marcos ang pagbebenta ng soberanya at pagluhod kay Donald Trump sa niluluto nitong gera laban sa China.

Pinakita ni Marcos sa nagdaang mga linggo kung gaano siya kasigasig bilang pangunahing ahente ng US sa ating bayan. Pinahintulot niya ang Pax Silica Initiative na magtatakda ng mga special economic zone para sa pagbubuo ng materyales pandigma. Sa ilalim ng Pax Silica, malayang binebenta mismo ng US ang mga engklabo ng Pilipinas sa mga dambuhalang negosyante, sa layuning tapatan ang industrial output ng karibal nitong China at magkaroon ng madaliang akses sa mga semiconductor na kailangan ng US para sa mga drone at missile nito.

Pinahintulot din niya ang Balikatan 41-2026 na linahukan ng 17,000 sundalo mula sa US, Japan, Canada, France, New Zealand at iba pang bansa. Kabilang sa nagdaang ehersisyo ang pagpapalipad ng Tomahawk missile mula sa Tacloban Airport patungo sa mga target sa Laur, Nueva Ecija. Hayagang paglalagay ito sa mga sibilyan sa panganib, at paglabag sa mga batas ng digmaan na nagbabawal sa paggamit ng mga gusaling sibilyan para sa mga operasyong militar.

Sa nagdaang ASEAN Summit, hinayaan ni Marcos na pumostura ang US bilang pangunahing tagalutas ng krisis sa enerhiya sa rehiyon. Ito ay sa kabila ng pawang katotohanan na US ang pasimuno ng sigalot matapos bombahin nito ang Iran sa tangkang agawin ang industriya ng langis nito.

Malinaw na nagsisilbi ang mga hakbang na ito para gawing foward base ng US ang Pilipinas. Tinatambak sa Pilipinas ang mga kagamitan, base, sundalo, at imprastrukturang militar-industriyal ng US sa layong ihanda ito sa gera laban sa China. Bilang bahagi ng Indo-Pacific Strategy ng US, pinopostura nito ang mga bansang nasa saklaw ng impluwensya nito para magsilbing mga bala sa kanyong nakatutok sa mga imperyalistang karibal niya.

Nananatili ang US bilang pangunahing tagapaghasik ng digmaan at sigalot sa buong daigdig. Tahasang kataksilan sa bayan ang ginagawa ni Marcos sa araw-araw na pagyuko niya sa US.

Marapat lamang na paigtingin ng mamamayang Lagunense ang anti-imperyalistang pakikibaka at lansagin ang tanikala ng imperyalismong US sa ating bayan. Buuin natin ang pinakamalapad na pagkakaisa ng lahat ng patriytiko at demokratikong uri at sektor para biguin ang panghihimasok ng US sa ekonomya, pulitika, at kultura ng Pilipinas.

Palakasin natin ang saligang alyansang manggagawa-magsasaka bilang pangunahing sandata ng mamamayan laban sa imperyalismo. Ang Bagong Hukbong Bayan ay ang pinakamagiting na anti-imperyalistang sandata ng mamamayan, sa ilalim ng pamumuno ng proletaryong partido ng sambayanang Pilipino, ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Susing komponente ng demokratikong rebolusyong bayan ang pakikibakang anti-imperyalista. Hinihimok natin ang lahat ng makabayang Lagunense na makiisa sa rebolusyonaryong pakikibaka at sa 12-puntong programa ng NDFP bilang bahagi ng patriyotikong tungkulin natin sa ating bayan.

Mabuhay ang sambayanang Pilipino! Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

Biguin ang tangka ng US na gawing pambala sa kanyon ang Pilipinas!