Hindi makakalimutan ng masang Ilokano ang Martial Law! Isinusulong nila ang rebolusyonaryong pakikibaka laban sa pasismo at pang-aapi ng Rehimeng US-Marcos Jr!

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa IlocoIloco

Ngayong araw, Setyembre 21, 2023 ang ika-51 taon ng deklarasyon ng Martial Law na ipinataw ng dating presidenteng diktador na si Ferdinand Marcos Sr noong 1972.

Ipinailalim ni Marcos Sr ang bansa sa batas militar upang apulain ang naglalagablab na paglaban ng mamamayang Pilipino sa kanyang diktadura. Subalit kagaya ng ihip ng hangin, lalong pinaypayan ng teror ng Martial Law ang liyab ng armadong rebolusyon. Ang NPA na noo’y tatlong taon pa lamang ay mabilis na lumaki, lumakas at nagpalawak, kung kaya’t kumalat ang apoy ng digmang bayan sa buong kapuluan.

Kabilang sa mga pinakamatingkad na pag-aalsa ng mamamayan dito sa hilagang Luzon noong panahon ng Martial Law ay ang paglaban ng pambansang minorya sa Cordillera laban sa Chico dam projects at logging ng Cellophil ng unang rehimeng US-Marcos, kung saan tagumpay na napatigil ang mga proyektong ito. Dito sa Ilocos, naumpisahan ang pakikibaka ng magsasaka laban sa mataas na upa sa lupa at usura ng panginoong maylupa. Ang mga pakikibakang ito ang nagluwal sa NPA at nagsindi sa digmang bayan sa rehiyon, na bumigo sa pakay ng Martial Law na pitasin ang bubot nito.

Ang Martial Law ay resulta ng kabiguan ng unang rehimeng Marcos na lutasin ang krisis ng Pilipinas sa panahon niya, bunga ng masunuring pagpapatupad niya sa dikta sa ekonomiya ng imperyalistang US na kumamkam sa lupain at kayamanan ng bayan at lalong nagbunga ng napakalaking utang at depisito sa pondo. Sa panahon ng Martial Law, kasabay ng pagsidhi ng kahirapan at pang-aapi sa masang Ilokano na nagtulak sa kanila upang mag-armas at makibaka, nangyari dito sa Ilocos ang mga masaker, pagsalbeyds, hamlet, panununog sa mga komunidad, pagdukot at maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao.

Pinabagsak ng mamamayang Pilipino si Ferdinand Marcos Sr at nagpatuloy na sumulong ang armado at demokratikong rebolusyon ng sambayanan.

Ngayon, nagmamalaki ang mga Marcos dahil nakabalik sila sa poder sa pamamagitan ng walang-hiyang pandaraya sa eleksyon. Ngayon, kagaya ng panahon ng diktadurang Marcos Sr, dominado at kontrolado ng pangkating Marcos ang kongreso na nagtutulak sa mga kontra-mamamayang patakaran, gayundin ang sistema ng hustisya na nagtutulak sa pagwawalang-sala sa mga kaso nila sa pagnanakaw at korapsyon, at naglilikha ng kondisyon upang malaya pa rin silang maglimas sa kaban ng bayan. Sa Ilocos Norte na kanilang bayan, monopolyado ng pamilyang Marcos ang lokal na gubyerno, at ang mga warlord na loyalist nila ang mayhawak sa poder sa iba pang prubinsiya sa rehiyon.

Sa paghahari ng pinagtambal na diktadura ng Marcos at Duterte, lumalabas na naman ang mga malalaking anomalya, kagaya ng agarang pagpirma ni Marcos Jr sa batas na lilikha ng Maharlika Investment Fund kung saan mailalaan ang daang bilyon pisong pondong pampubliko para sa pamumuhunan kung saan pangunahing magkakamal sa limpak-limpak na ganansya ang malalaking burges kumprador at dayuhang kapitalista kabilang ang mga Marcos. Si Presidente Marcos at si Bise Presidente Sara Duterte ay kapal-mukhang humihiling sa Kongreso ng malalaking confidential at intelligence funds, na sumasabay sa muling pagkaltas ng badyet para sa mga pinakamahalagang serbisyo na kinakailangang mapondohan ng mas malaki gaya ng kalusugan, edukasyon at agrikultura. Gaya ng motibo nilang umupo bilang presidente at bise, nais nilang lumimas ng mas malaki na namang kayamanan sa pangungurakot sa pondo ng gubyerno sa harap ng labis-labis na pagbagsak ng kabuhayan ng karamihang mamamayang Pilipinong na naghihintay ng kagyat na ayuda at libreng serbisyong panlipunan. Ang Ilocos na balwarte nila ay ipinangangalandakang nabubuhusan ng ayuda, subalit hindi maramdaman ng mamamayang Ilokano ito, kundi kabilang sila sa nakakaraming masang Pilipino na umaamot ng ayuda sa pagkabuwal nila sa sunod-sunod na kalamidad at pagbagsak ng kanilang ani at kita.

Ang pagka-pasista ni Marcos Jr ay katulad ng pagka-pasista ng kaniyang diktador na ama. Masigasig na ipinapatupad niya ang Anti-Terror Law, na hindi man napangalanang Martial Law ay pinamamayani nito ang batas militar. Sa pamamagitan ng batas na ito ay militarisado ang buong lipunan. Sa pamamagitan ng NTF-ELCAC, ang buong aparato ng gubyerno ay naatasang ipatupad ang kontra-insurhensiyang programa ng rehimen na durugin ang rebolusyonaryong kilusan, kabilang ang mga garantisado ng Konstitusyon at lehitimomg pagkilos ng mamamayan. Nagreresulta ito sa malalang pagyurak sa karapatang pantao na laganap sa buong bayan, gaya ng pagbobomba sa kabundukan at mga sibilyang komunidad na pinaniniwalaang kuta ng NPA, paghahamlet, malalaki at walang-patid na combat at intelligence operations, masaker, pagdukot, pwersado at pekeng pagpapasurender sa mga komunidad, mga samahan at lider-masa, red-tagging at mahigpit na surbeylans.

Nagaganap ang malawakang paglabag sa karapatang pantao sa Ilocos at Northern Luzon. Nangyari ang aerial bombings sa mga kabundukan at komunidad sa Cagayan, Kalinga at Abra. Maraming pulitikal na bihag ang nagdurusa sa piitan dahil sa mga gawa-gawang kriminal na kaso. Dinukot at hanggang sa kasalukuyan ay di pa inililitaw sina Dexter Capuyan at Gene Roz de Jesus, mga tagapagtanggol sa karapatan at sariling pagpapasya ng pambansang minorya ng Cordillera. Ang mga aktibista at masang kasapi ng mga demokratikong samahan sa rehiyon ay iniipit, inaaresto at sinasampahan ng gawa-gawang kaso, pilit na pinapasurender at nire-redtag sa publiko. Kalabisan na ang pagdadawit nila sa mga pari at pastor ng simbahan sa kanilang red-tagging at surbeylans.

Ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang pagpapakatuta ng kaniyang ama sa imperyalistang US sa pagpapagamit sa Pilipinas bilang base sa gera nito sa kaniyang mga karibal na imperyalista upang kontrolin ang Asya. Kabilang ang Ilocos Norte sa mga prubinsiya sa Pilipinas na nagagamit na poste ng imperyalistang US sa surbeylans nito sa imperyalistang China at pinagdadausan ng mga ehersisyong militar bilang paghahanda sa napipintong digmaan ng China at US. Nakikipagkutsabahan si Marcos Jr. sa imperyalistang US sa paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas at paglalagay sa panganib sa mamamayan. Labis na naliligalig ang masa sa Ilocos sa anumang oras na pumutok ang inter-imperyalistang gera ng US at China sa mismong bakuran nila na ginawang hedkwarter ng US Marines.

Sa igsi pa lamang ng panahong nasa poder ti Marcos Jr. ay malakas na ramdam ang malalang pagbagsak sa kabuhayan ng mamamayan dulot ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya na pinaggaganansyahan ng mga monopolyo kapitalista.

Dito sa Ilocos, tuloy-tuloy na bumabagsak ang produksyon ng palay, mais, sibuyas, bawang, tabako at gulay. Dahil ito sa napakataas na gastos sa produksyon, sa kabilang banda ay nakapakong presyo ng produktong bukid, kasabay ng hindi angkop na binhing HYV na ipinapatanim ng DA at ng ibayo pang pagluwag ng importasyon. Lumiliit din ang huli ng mga mangingisda sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Epekto ng pagbebenta ng rehimeng Marcos II sa Ilocos sa mga dayuhang mamumuhunan, tuloy-tuloy na naaagaw ang lupain at kabuhayan ng mamamayan. Malawakang nakakamkam ang ansestral na teritoryo ng pambansang minoryang Isnag, Yapayao, Balangon at Kankanaey sa Ilocos sa pagpapalawak ng mga energy projects na windmill, solar at dam, habang patuloy na pinapasan ng masang Ilokano ang napakataas na singil sa kuryente at ng banta ng pribatisasyon ng nasabing serbisyo. Lalo pang hindi na makasapat ang napakababang arawang sahod ng mga manggagawa na ₱300-₱500, gayundin ng mga maliliit na empleyado at middle-income na sektor na hindi nalalayo sa manggagawa ang kababaan ng kanilang sahod, sa harap ng walang-awat na pagtaas ng presyo ng langis, napakamahal na bigas at lahat ng bilihin.

Nasasabi lamang na balwarte at loyalist nila, subalit ang katotohanan ay nakahiwalay ang dinastiyang Marcos sa nakararaming mamamayang Ilokano, gaya ng pagkahiwalay nila sa sambayanang Pilipino. Ito ay dahil sa ang dinastiyang ito ay kumakatawan sa mayayamang naghaharing uri ng malalaking burges kumprador, panginoong maylupa at imperyalista. Wala silang alam sa paghihirap ng masang Ilokano na nagbubungkal ng lupa at nagbabanat ng buto, dahil nasanay sila sa maluhong pamumuhay ng mayamang uri nila. Madalas na ang paglalamyerda ni Marcos Jr. sa ibang bansa, kasa-kasama lagi ang kaniyang asawa’t mga anak gamit ang pondo ng bayan, gayundin ang mga marangyang piging sa Malacañang. Lahat ng ito ay nagpapanumbalik sa mistulang royal family na istilo ng pamumuhay at paghari-harian ng dinastiyang ito, mula pa sa panahon ng paghahari ng kanilang magulang na Ferdinand Sr. at Imelda Marcos, sa gitna ng paghihikahos ng milyon-milyong masang Pilipino.

Pinalalakas nila ang panatisismo ng mamamayang Ilokano sa dinastiyang Marcos upang manatili ang kanilang paghahari. Pinipilit nilang burahin sa kasaysayan at sa memorya ng mamamayan ang kilabot ng Martial Law at pilit na itinatapal ang pantasyang Bagong Pilipinas. Noong Setyembre 11, kaarawan ni Marcos Sr. ay ginanap nila ang pyesta sa Ilocos upang muling itambol ang nagpanibagong Bagong Lipunan sa Bagong Pilipinas. Kagaya ng panaginip ng yumaong Marcos Sr na Bagong Lipunan, hindi mababago ng rehimeng Marcos Jr. ang Pilipinas kundi lalo lamang nitong binubulok ang malapyudal at malakolonyal na lipunan, sa pamamagitan ng patuloy na pagpapailalim niya sa ekonomiya at armada ng bansa sa kontrol ng imperyalistang US at pagpapanatili sa monopolyo sa lupa ng panginoong maylupa.

Matatamo lamang ang bagong Pilipinas kung mababago na ang malapyudal at malakolonyal na lipunan sa pamamagitan ng paghulagpos sa kontrol ng imperyalistang US sa bayan, maipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na hahawan sa landas tungo sa sosyalistang istruktura ng ekonomiya at buong lipunan. Ito ang magbubunsod ng tunay na kaginhawaan at pag-unlad ng buhay, kapayapaan at kalayaan ng bayang Pilipinas. Ito ang layunin ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Sa harap ng paghahambog ng AFP na nagawa na nilang “insurgency-free” ang Ilocos, ang CPP-NPA-NDF sa rehiyon ay matibay na nakatindig at nagsisigasig sa pamumuno sa masang Ilokano sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon.

Kailanman ay hindi makakalimutan ng masang Ilokano ang Martial Law. Patuloy na nagsisilbing inspirasyon nila ang mga tagumpay sa paglakas ng armadong rebolusyon at demokratikong pakikibaka ng mamamayan sa panahong ito. Nakataas ang kanilang armas at kamao na nagsisigaw ng kanilang kapasyahan na isulong ang pakikibaka laban sa pasismo at pang-aapi ng rehimeng US-Marcos II.

Hindi makakalimutan ng masang Ilokano ang Martial Law! Isinusulong nila ang rebolusyonaryong pakikibaka laban sa pasismo at pang-aapi ng Rehimeng US-Marcos Jr!