Huwag umasa sa reaksyunaryong eleksyon! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Ngayong araw, Pebrero 25 ang kaarawan ng pagpapatalsik ng mamamayang Pilipino sa diktador at kurakot na presidente, si Ferdinand Marcos Sr noong 1986. Subalit dahil sa panlilinlang at kawalanghiyaan ng pamilya niya ay sinikap nilang makabalik upang ituloy ang pagpapakasasa sa kapangyarihan.
Magaganap muli ang eleksyong midterm sa Mayo 2025 sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Sa kabila ng pagpapaganda sa kaniyang imahe, hindi mabubura ang pagpapatalsik sa kanila ng sambayanan at ang paghablot sa poder sa pamamagitan ng pagdaya sa eleksyong presidensyal noong 2022. Ang rehimeng Marcos ay balot ng kalupitan sa lumalalang pagpapahirap sa masa, paglapastangan sa karapatang pantao at pagyurak sa soberanya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapakatuta sa imperyalistang US.
Tinitiyak ng rehimen US-Marcos na sa pamamagitan ng eleksyon 2025 ay magpapatuloy ang mga programang sumusunod sa patakaran ng imperyalistang US sa globalisasyon, liberalisasyon at pribatisasyon sa ekonomya. Ang mga patakarang ito ang nagtutulak sa tuloy-tuloy na pagdausdos ng kabuhayan ng mayorya ng mamamayang Pilipino. Sa utos ng imperyalistang US, tinitiyak din ng rehimeng Marcos na mapagtitibay ang EDCA, VFA at iba pang patakaran na nagpapahigpit sa militar na kontrol ng imperyalistang US at paggamit sa Pilipinas bilang base militar nito. Dagdag pa, ngayong eleksyon ay iigting ang kampanya sa panunupil ng rehimen upang durugin ang rebolusyonaryo at demokratikong pakikibaka ng mamamayan, kabilang na ang panggigipit sa mga progresibong partido, partylist at kandidato na nagdadala ng tunay na platapormang makabayan.
Halos isandaang porsiento ng Kongreso at Senado ay nagmumula sa mga pulitikal na dinastiya ng mga panginoong maylupa at burges kumprador. Kahit ang partylist system, na linikha upang magkaroon ng representasyon sa Kongreso ang mga nasa laylayan ay inaagaw pa ng mga mayayamang pulitiko.
Ang mga pulitikal na dinastiyang ito ay mga warlord na nagpapasimuno sa marahas at maduming eleksyon. Sa Ilocos, ang dinastiyang Marcos ang nananatiling may kontrol sa pulitika ng Ilocos Norte hanggang sa pambansang saklaw. Ang La Union ay deka-dekada nang pinangingibabawan ng dinastiya ng Ortega, gayundin ng Singson sa Ilocos Sur. Ang mga dinastiyang ito ay mga panginoong maylupa at malalaking negosyante na nangangamkam ng lupain at kakutsaba ng mga monopolyo kapitalista ng tabako, renewable energy at iba pang kapitalistang kumpanya.
Sa kabilang banda, 75 % o higit pa sa populasyon ng Pilipino ay naghihikahos. Sa tinagal-tagal na nilang nasa kapangyarihan, hindi natutugunan ng mga plataporma ng mga reaksyonaryong pulitiko ang kahirapan dahil sa sumusunod ang mga ito sa patakaran na nagsisilbi sa interes ng mga monopolyo kapitalista, malalaking burges-kumprador at panginoong maylupa. Ibig sabihin nito na anuman ang resulta ng eleksyong ito ay hindi natin aasahan na magaganap ang pundamental na pagbabago sa lipunan.
Rebolusyon, hindi reaksyunaryong eleksyon
Tanging ang pagpawi sa malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan ang aahon sa labis na kahirapan at pang-aapi sa mamamayang Pilipino. Ito ay ang pagpapatupad sa tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at pagkakaroon ng soberanya ng bansa, sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
Kailanman ay hindi isusuko ng naghaharing uri ang kanilang kayamanan at kapangyarihan, kundi gagamitin nila ang dahas at panlilinlang, kagaya ng burgis na eleksyon upang manatili at ibayo pang magpapayaman. Ang armadong pakikibaka ang dudurog sa moog ng uring panginoong maylupa, malalaking burges-kumprador at imperyalista at aagaw sa kanilang pampulitikang kapangyarihan.
Rebolusyong agraryo, hindi reaksyunaryong eleksyon ang lulutas sa suliranin ng kalakhan ng mamamayang Pilipino, ang suliranin sa lupa. Sa halip na aasa sa hungkag na pangako sa reaksyunaryong eleksyon, mas mahalagang isulong ang pakikibaka ng magsasaka para sa tunay na repormang agraryo. Mula sa monopolyo ng panginoong maylupa, burges-kumprador at dayuhang monopolyo kapitalista, ang lupain, rekurso at industriya ng bansa ay manasyunalisa. Sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, uusbong ang lahatang-panig na pag-unlad at istabilidad ng ekonomiya.
Buwagin ang reaksyunaryong estado at itayo ang demokratikong gubyerno ng bayan. Sa eleksyong pinaghaharian ng mayayamang panginoong maylupa at burges-kumprador, walang aasahan ang masang anakpawis at pinagsasamantalahan sa lipunan na pagbabago sa kanilang kabuhayan, kundi lalo lang mapagtitibay ang sistemang malakolonyal at malapyudal na nagpapahirap sa kanila.
Sa demokratikong gubyerno ng bayan lamang matitiyak na naisusulong ang interes ng magsasaka, manggawa, kabataan, kababaihan, mangingisda, pambansang minorya, panggitnang pwersa at lahat ng inaapi sa lipunan. Taliwas sa reaksyunaryong gubyerno, ang pagtatayo ng demokratikong gubyerno ng bayan ay dadaan sa malaya at malinis na proseso ng botohan hanggang sa maitayo ang Demokratikong Republika ng Pilipinas.
Ang mga rebolusyonaryong samahan ng mamamayan ang binhi ng demokratikong gubyerno ng mamamayan. Nararapat na itayo, palawakin at palakasin ang mga rebolusyonaryong samahan upang matipon ang kapangyarihan ng mamamayan na lalaban sa iba’t ibang porma ng pagsasamantala ng naghaharing-uri hanggang maitayo nila ang demokratikong gubyerno ng bayan.
Ang New People’s Army (NPA) ang armadong puersa ng mamamayan na dudurog at hahalili sa kasalukuyang bulok na AFP at PNP at magsisilbing gulugod sa pagsusulong nila sa demokratikong a rebolusyon at magtatanggol sa kanilang mga tagumpay.
Ang Communist Party of the Philippines ang tanging partido na tunay na kumakatawan sa uring manggagawa at lahat ng inaapi sa lipunan dahil sa taglay nitong ideolohiya na pumapawi sa burges na ideolohiya ng pagkamakasarili, kasakiman at pagsasamantala at nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay. Ito ang namumuno sa demokratikong rebolusyon ng bayan at ang pagtatayo ng demokratikong gubyerno ng bayan.
Ito ang mga organo ng demokrating kapangyarihang pampulitika na hahalili sa bulok na pampulitikang kapangyarihan ng nagsasamantalang uri. Kailangang itayo, palawakin at palakasin ang mga ito mula kanayunan hanggang mapatalsik ang mga sakim na naghahari sa sentro ng reaksyunaryong poder sa kalunsuran.
Habang ipinapatupad ang mga pangunahing tungkulin sa demokratikong rebolusyon ng bayan, kailangang sa reaksyunaryong eleksyon ay ilaban ang mga plataporma ng maralita at inaapi. Sa loob ng reaksyunaryong gubyerno ay ibasura ang mga batas at patakaran ng mga imperyalista, malalaking burges kumprador at panginoong maylupa at igiit ang tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, sapat na serbisyong panlipunan, pambansang soberanya at kalayaan mula sa imperyalistang kontrol, hustisyang panlipunan at pagtataguyod ng karapatang pantao. Ang mga patriyotiko at progresibong partido, partylist at kandidatong naghahain sa mga platapormang ito ay nararapat lamang na ipanalo, habang hinihimok o di kaya’y hinahamon ang iba pa na itaguyod ang mga ito para sa tunay na pagbabago.
Sa huling pagtutuos, hindi tayo umaasa sa reaksyunaryong eleksyon. Ito ay pamamaraan ng naghaharing-uri upang linlangin ang mamamayan at inililihis sila sa landas tungo sa tunay na pagbabago, sa gayon ay mapatibay at magtutuloy-tuloy ang kanilang paghahari. Sa panahon ng burgis na eleksyon, labanan ang mga sagadsarin at despotikong naghahari na pinapangunahan ng rehimeng Marcos. Isulong ang gawaing pag-oorganisa at pagpapalawak sa mga rebolusyonaryong samahan ng masa, ipaglaban ang mga adyenda ng mamamayan at palakasin ang armadong pakikibaka.