Pahayag

Humalaw ng aral at inspirasyon mula sa Pag-aalsang EDSA! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

,

Mahigpit na kaisa ang mamamayang nakikibaka, ginugunita ng buong rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Mindoro ang ika-39 na anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA at pagpapatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr na may determinasyong isulong at dalhin sa bagong yugto ang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon at upang buklurin ang lakas ng mamamayang Mindoreño para sa pakikibaka laban sa ikalawang rehimeng US-Marcos.

Ang Pag-aalsang EDSA ay patunay na ang pinakamatinding krisis at kahirapan ang nagluluwal sa mga daluyong ng pag-aaklas ng mamamayan. Dapat nating hawakan nang mahigpit ang mga aral na iniwan ng matagumpay na kilusan laban sa diktadurya ni Marcos Sr. laluna’t pilit itong binubura at binabaluktot ng kasalukuyang rehimen.

Ang Pag-aalsang EDSA ay maningning na halimbawa ng epektibong paglahad ng mamamayan sa kanilang galit sa pagpapahirap at panunupil ng reaksyunaryong gubyerno. Pinatunayan ng pagpapatalsik kay Marcos Sr na ang organisado at kolektibong pagkilos ng mamamayan ang tunay na lumilikha ng kasaysayan. Mahalagang ilinaw na hindi isang simpleng mapayapang kilos-protesta ang Pag-aalsang EDSA na hiwalay sa mga naunang pampulitikang pagkilos ng mamamayan bago ang Pebrero 1986. Ang Pag-aalsang EDSA ay lunduan ng higit isang dekadang pakikibaka ng mamamayan sa sukdang pagkapapet at malupit na pasistang paghahari ni Marcos Sr laluna matapos ang asasinasyon kay Benigno “Ninoy” Aquino II noong 1983 at ang harap-harapang pandaraya ni Marcos Sr sa snap elections. Mapagpasya sa pakikibakang ito ang papel at lakas ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan sa buong kapuluan, laluna ang tuloy-tuloy na mga patama ng armadong pakikibaka at ng Bagong Hukbong Bayan laban sa diktaduryang paghahari. Sa ganito’y nararapat nating bigyan ng pinakamataas na parangal at pagpupugay ang libu-libong martir at bayani ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at pambansa-demokratikong prente, ganundin ang iba pang martir na nakibaka laban sa diktadurya.

Matapos maibagsak ng mamamayan ang unang diktaduryang Marcos, nanatiling malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Sa ilalim ng bandila ng “liberal na demokrasya” ng rehimen ni Cory Aquino na pumalit kay Marcos Sr, isinagawa ang pagsasaayos sa imahen ng “gumaganang” demokrasya matapos ilantad ng diktaduryang Marcos ang likas na kabulukan sa pampulitikang sistema ng bansa. Habang tadtad ng mga palamuti ng huwad na demokrasya, sukdulang nagpakatuta ang rehimeng Aquino sa US. Sunod-sunod na isinabatas ang mga maka-dayuhan at anti-mamamayang reporma sa ekonomya gaya ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at Herrera Law na yumurak sa mga batayang karapatan ng mga magsasaka at manggagawa. Kasabay nito,ipinatupad ni Cory Aquino ang total war policy sa balangkas ng Oplan Lambat Bitag laban sa mamamayan sa layuning durugin ang rebolusyonaryong kilusang malaon nang umugat nang malalim sa buong bansa. Pumalit kay Cory Aquino ang sunod-sunod na mga rehimeng pare-parehong nagpalala sa kahirapan ng sambayanan.

Ang panunumbalik ng sagad-sagaring papet, mandarambong at mamamatay-taong angkan ng mga Marcos sa estado poder ang mukha ngayon ng paglalim ng krisis sa bansa. Mula nang maluklok sa kapangyarihan noong 2022 gamit ang pandaraya sa eleksyon, ibayong pang-aapi at pagpapahirap ang ipinaranas ng rehimeng US-Marcos II sa mamamayan. Ang mamamayan ang bumabalikat sa krisis na idinudulot ng pagbubuyangyang ni Ferdinand Marcos Jr. sa Pilipinas sa imperyalistang US. Sinasaid ng mga patakaran sa ekonomya ni Marcos Jr. ang likas na yaman ng bansa at inilalako ang lakas-paggawa ng mga Pilipino sa mga dayuhan sa murang halaga na lalong nagbabaon sa mamamayan sa kahirapan. Sa Mindoro, nagkakaanyo ito sa panghihimasok ng mga mapangwasak na negosyo at proyektong dayuhang mina, kwari, renewable energy at ekoturismo na nagpapalayas sa mga magsasakang Mindoreño at katutubong Mangyan mula sa kanilang lupa. Ibayong pinalala ang pandarambong sa pangunguna ng pamilyang Marcos sa bagong antas at anyo tulad ng pagkontrol sa paggasta ng trilyun-trilyong badyet sa ilalim ng kapangyarihan ng pangulo, Maharlika Investment Fund, maanomalyang ayudang AKAP atbp. Ginagamit din ni Marcos Jr. ang kapangyarihan bilang pangulo upang mapasakamay muli ng kanyang pamilya ang mga nakaw na yaman na nabawi mula sa kanila matapos ang Pag-aalsang EDSA. Ipinaiilalim ni Marcos Jr. ngayon ang Mindoro at ang buong bansa sa di deklaradong martial law na nagreresulta sa libo-libong kaso ng paglabag sa karapatang tao. Kapalit ang suportang pampulitika, nagpapagamit si Marcos Jr. sa adyenda ng US na upatan ang gera sa Asya laban sa Tsina at isinusubo ang bansa sa peligro ng digma sa pagitan ng dalawang makapangyarihang bansa. Ang mga ito ang batayan bakit kailangang tumbasan at higitan ng mamamayan ang lakas na ipinamalas nito noong ibinagsak ang unang diktaduryang Marcos.

Sa pag-alala natin sa Pag-aalsang EDSA at sa tagumpay ng kilusang anti-diktaduryang Marcos, tanawin natin ang muling pagsigla ng mga pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang mga karapatan at kagalingan sa harap ng hagupit ng krisis na dulot ng rehimeng US-Marcos II. Dapat dumagundong mula sa kanayunan hanggang sa kalunsuran ang panawagan ng mamamayan para sa lupa, sahod, trabaho, karapatan at hustisya. Dapat palakasin ang organisasyon ng mga magsasaka, manggagawa, katutubo, kabataan, kababaihan at iba pang aping uri’t sektor upang magsisilbing pundasyon ng malawak na paglaban sa katiwalian, kabulukan, terorismo at pagkapapet ng ikalawang rehimeng US- Marcos. Panghuli, dapat sunggaban ang bawat pagkakataon upang ibayong isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon sa bagyong yugto at lakas.

Mamamayang Mindoreño, gunitain ang tagumpay ng pakikibaka laban sa unang diktaduryang Marcos! Magkaisa upang singilin, labanan hanggang maibagsak ang ikalawang rehimeng US-Marcos!

Ipagtagumpay ang pambansa demokratikong mithiin ng sambayanan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!

Humalaw ng aral at inspirasyon mula sa Pag-aalsang EDSA! Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!