Ilantad at kundenahin ang Balikatan 25 ng imperyalismong US at ng papet na rehimeng Marcos! Isulong ang Pambansa Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Laguna at ng buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ang mga joint clearing operation sa likod ng kasalukuyang serye ng Balikatan exercises o Balikatan 25 na kasalukuyang naghahasik ng takot at lumalabag sa karapatang pantao ng mamamayan ng Aurora, Bulacan at Nueva Ecija. Ang mga operasyong ito ay isinasagawa ng mga sundalo ng US kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP) bago pa ang pormal na pagsisimula ng Balikatan exercises ngayong Abril 21.
Ayon sa pahayag ng NPA-Aurora noong Abril 16, dumaong ang United States Navy Vessel (USAV) SSGT Robert T. Kuroda (LSV-7) at ang Phillipine Navy Vessel BRP Waray (LC288) sa pantalan ng Dingalan, Aurora lulan ang mga tropang Kano at Pinoy na imbwelto sa Balikatan Combined Joint Logistics Over-the-Shore (CJLOTS). Komponente ng Balikatan 25 ang CJLOTS na may layuning mapalakas ang bilateral inter-operability at logistical readiness ng US at AFP.
Isiniwalat ng NPA-Aurora na isang buwan nang nanghahalihaw sa mamamayan ang mga pasistang sundalo hanggang sa kasalukuyan. Pinagbabawalan ang mamamayang pumunta sa kanilang mga kaingin at pook pangalapan ng pagkain. Ngunit hindi maitatago na layunin rin ng nabanggit na “clearing operations” ang puksain/palayasin ang NPA at pahinain ang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayan sa erya. Nang sa ganun ay walang sagka na gagamitin sa Balikatan 25 ang erya.
Bahagi ang Balikatan 25 ng pakana ng imperyalistang US na itayo ang paghahari nito sa Indo-Pasipiko. Lalahukan ito ng 16 na bansa kasama ang Australia at Japan, at ng mahigit 9,000 sundalong US at 5,000 sundalong Pilipino. Magpoporma itong fullbattle test para ipamalas ang mga modernong armas ng US tulad ng Typhon missile system at ang Navy Marine Expeditionary Ship Inderdiction System (NMESIS).
Malinaw na pagpopostura at pang-uupat lamang ito laban sa China bilang pangunahing imperyalistang karibal ng US sa rehiyon. Hinahayaan ni Bongbong Marcos na gamiting staging area ang Pilipinas sa linulutong giyera ng US laban sa China. Wala siyang pakialam sa sakunang idudulot nito sa mamamayan dahil nagagamit ni Marcos at ng mga pasista sa AFP ang sitwasyon upang mangulimbat ng milyun-milyon at magpalawak ng terorismo sa kanayunan.
Bukod dito, sisirain ng Balikatan ang kabuhayan at kalikasan ng mga apektadong komunidad. Babalutin ng lason ng mga pulbura ang kapaligiran, bubutasin ng mga bomba ang kabundukan at kalupaan, wawasakin ang kagubatan, pipinsalain ang marine life sa mga bakawan at karagatan, magugulo ang buhay ng flora and fauna. Mawawasak ang biodiversity at buong ecosystem at hindi na ito maibabalik pa. Wasak ang buhay ng mamamayang mabibiktima. Sasaklawin ng Balikatan 25 mula Gitnang Luzon hanggang Palawan.
Kailangang mapagbantay, ilantad at labanan ang mga panlilinlang ng sagad-sa-butong pagpapakapapet ng rehimeng Marcos sa imperyalismong US. Si Marcos at ang mga naghaharing uring malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa ang puno ng pagsasamantala’t pang-aalipin ng US sa Pilipinas.
Dapat singilin at panagutin si Marcos sa lahat ng kapinsalaang ibubunga ng Balikatan 25! Pabaya at pahirap siya sa mamamayan, mula sa walang-umpat na taas presyo ng bilihin, serbisyo, at edukasyon; kawalan ng trabaho at panirikan; malawakang kumbersyon sa lupa ng mga mgasasaka’t pambansang minorya; pagtatayo ng mga dambuhalang proyektong mapanira sa kalikasa’t kabuhayan; malawakang korapsyon at pagdadambong sa kaban ng bayan, hanggang sa pagpapalaganap ng EDCA sites para sa interes ng US, pagpapatuloy ng focused military operations sa kanayunan, at panlilinlang ng NTF-Elcac sa porma ng huwad na modified community programs nito.
Manipestasyon ang Balikatan 25 ng tumitinding krisis ng imperyalismo. Digmaan ang magiging resulta ng inter-imperyalistang kontradiksyon ng US at China. Pagpapatuloy ito ng agawan at bangayan ng dalawang estado sa pulitika at ekonomya.
Nagsisilbi lamang ang pagkatuta ni Marcos sa US sa pagkaladkad ng Pilipinas tungo sa isang giyerang hindi nais at hindi kailangan ng mamamayang Pilipino. Tumututol ang buong sambayanan sa inter-imperyalistang digmaan, kung kaya’t tinututulan natin ang Balikatan 25 at ang lahat ng pang-uupat ng US sa China.
Sa halip, dapat natin ibaling ang imperyalistang digma tungo sa isang digmaan laban sa imperyalismo. Nananatiling wasto ang paglunsad ng isang digmang bayan laban sa imperyalismong US at mga lokal na papet nito. Nananawagan ang NDFP Laguna sa sambayanang Lagunense na isulong ang patriyotiko, makabayan, at ant-imperyalistang kampanyang masa.
Hamigin natin ang lahat ng progresibo, patriyotiko, at makabayang pwersa sa batayang pagsulong ng nagsasariling patakaran sa ugnayang panlabas at pagtutol sa digmaan. Kaakibat nito, maaari nating hikayatin ang masa na gamitin ang nalalapit na reaksyunaryong halalan para hamunin ang mga tumatakbo na manindigan laban sa Balikatan exercises at panghihimasok ng US sa bansa. Tulungan silang kilatisin ang mga kandidato upang kilalanin ang mga pulitikong traydor sa bayan at ang mga kandidatong nagtataguyod sa makabayang adhikain.
Buuin natin ang pinakamalapad na nagkakaisang prente ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan-estudyante, propesyunal, negosyante, at lahat ng maralita’t anakpawis. Ilunsad natin ang kampanyang masa na nagtatanggol at ipinaglalaban ang ating karapatan sa pambansang soberanya na may sariling pagpapasya.
Ibayong mag-organisa sa ating hanay, pasiglahin at palawakin ang baseng masa at determinadong isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon na armadong pakikibaka ang primaryang anyo ng paglaban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo—ang mga salot na siyang ugat ng kahirapan ng mamamayang Pilipino.