Ilitaw si Gerald Gestole, dating myembro ng NPA Sorsogon

Mariin naming kinukundena ang sapilitang pagdukot at sikretong detensyon ng mga elemento ng AFP kay Gerald Gestole alyas Ka Chris noong November 17, bandang 4:30 ng hapon sa may terminal ng tricycle sa Barangay Crysanthemum, San Pedro, Laguna. Si Gestole ay myembro ng rebolusyonaryong kilusan na pinahintulutang umuwi noong Oktubre upang magpagamot sa iniinda niyang sakit sa likod.
Ayon sa pamilya ng biktima, pauwi si Gestole kasama ang kanyang nakababatang kapatid mula sa Robinson’s Mall nang damputin ng apat na kalalakihan at sapilitang ipinasok sa puting Mitsubishi L300.
Agad na nagpablotter ang pamilya ni Gestole sa barangay at sa police station pagkatapos ng insidente. Pagkagabi ng November 17, nagvideo call si Gestole sa kanyang ina at nagsabing huwag nang magreklamo sa pagkakadukot sa kanya, at na mga dati niyang kasama na ngayo’y mga ahente ng AFP ang dumukot sa kanya.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring balita ang pamilya kung nasaan si Gestole.
Ang sapilitang pagdukot kay Gestole ay labag sa internasyunal na makataong batas at maging sa reaksyunaryong batas. Dapat iharap sa korte si Gestole kung mayroong nakahain na mga kaso laban sa kanya sa halip na itago sa hindi tukoy na lokasyon.
Kaisa ang NPA Sorsogon sa pamilya ni Gestole sa panawagang kaagad siyang ligtas na ilitaw at pahintulutang makipagkita sa pamilya at kanyang piniling abugado.