Pahayag

Patakarang deregulasyon at liberalisasyon, ugat ng krisis sa presyo ng bigas Importasyon at Rice for All ni BBM, palyadong solusyon

,

Habang tumatagal, lalong hindi maabot ng mamamayang Pilipino ang sumisirit na presyo ng bigas sa bansa. Ayon sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa kalakalan ng bigas sa bansa, ₱88 bilyon ang nalulugi o nawawala sa kabang yaman ng bansa ng panahon ng matandang Duterte. Samantala, hindi pa rin natutupad ang pangako ni Marcos Jr na pabababain sa ₱20 ang kada kilo ng bigas. Pinalala pa ito sa pamamagitan ng EO 62 na nagbabawas ng taripa mula 35%-15% sa pag-import ng bigas.

Hindi nauubusan ng palusot ang Department of Agriculture (DA) sa pamumuno ni Tiu-Laurel, may-ari ng Frabelle at dambuhalang-monopolyo sa kalakalan ng pangisdaan sa bansa. Sinisisi niya ang mga magkakasunod na bagyo at pati ang pagtaas ng halaga ng dolyar kontra sa piso. Nagsagawa din siya ng mga pantapal na solusyon kagaya ng pagbabago ng planting season, mekanisasyon, pagtatanim ng high-yielding variety ng palay mula sa pinapanginoon ni Marcos Jr na International Rice Reasearch Institute o IRRI para mapataas umano ang produksyon ng bigas at lutasin ang kagutuman ng mamamayan. Inililihis nito ang tunay na ugat ng suliranin sa di maampat na pagtaas na presyo ng butil ng bigas. Sa mga pakana ng estado, itataboy nito ang mga magsasaka sa kanilang lupain para sa panghihimasok ng mga kontrata ng pagsasaka ng mga agrokorporasyong dayuhan at pag-aari ng malalaking burgesya kumprador. Dagdag pang pasakit rito ang paglalaro sa presyo ng bigas ng mga sindikato ng bigas sa bansa na kakutsaba ng mga ahensya ng gubyerno na Bureau of Customs at DA.

Sa harap ng mga ito, ipinagyayabang ng rehimeng US-Marcos II ang niresiklong tindahang KADIWA na minana sa amang diktador ang mga kalakal na mabibili umano nito sa mas murang presyo. Ang  Rice for All na laman ng balita at pinaghahambog ng DA ay hindi pa rin sapat, de kuritas at palyadong solusyon. Taliwas sa kahambugan nito, ang mga kalakal dito ay kapos sa tinda, lalo ng bigas at hindi rin nakamit ang ipinangakong halagang ₱20. Hindi rin totoong nakatutulong sa mga mahihirap na magsasaka dahil karamihan sa mga kinukuhanan dito ng bigas ay nasa mas matataas na saray. Liyad din ang dibdib ng mga taga NIA, na gagawa at nakakapaglako ng mura-murang bigas pero hindi rin sapat ang panindang bigas sa mga konsyumer na manggagawa, maliit na kawani ng gobyerno at mala-mangagawa na gamumo ang sahod at kita sa araw-araw.

Sa kabila ng kahirapan ng bayan, nagkakamal ng limpak na salapi ang malalapit sa Malakanyang at patron ni Marcos Jr na mga importer ng bigas. Sa pagdapa ng mga palayan noong nagdaang bagyo, walang hiyang namamalimos ito ng tulong at suporta sa imperyalismong US. Samantala, sinusupil nito ang mamamayang Pilipino gamit ang dahas na pinopondohan ng estado at ayudang militar ng imperyalismong US.

Minsang tinuran ni Ka Joma Sison, na “Sinumang manalo sa nakaraang burges at reaksyonaryong halalang pang-panguluhan ay mamanahin at makakaharap na walang kaparis ng krisis ng malapyudal at malakolonyal na lipunan. Bukod tanging solusyon dito ang armadong paglaban ng mamamayan para ibagsak ang burukrata kapitalismo na pangunahing mukha ay si Marcos Jr, katutubong pyudalismo at Imperyalismong US. Kinakailangang ibwelong muli ang mga anti-pyudal na pakikibaka at pakikibakang pang-ekonomiya sa mga sentrong lunsod para sa pansamantalang pagpapabuti ng kalagayan ng mamamayan. Nakikiisa rin tayo sa panawagan ng mga magbubukid na libre at sapat na ayuda para sa pagpapalakas ng lokal na produksyon. Higit sa lahat, ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at pambansang Industrialisasyon.

Importasyon at Rice for All ni BBM, palyadong solusyon