Ipagdiwang ang ika-54 anibersaryo ng CPP-MLM at ikambyo pasulong ang digmang bayan sa Palawan at buong bansa sa tanglaw ng mga aral ng dakilang komunistang lider na si Kasamang Jose Maria Sison!
Kasama ng buong hanay ng rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ng Palawan, mahigpit na nakikiisa at taas-kamaong nagpupugay ang BVC-NPA Palawan at NDF-Palawan sa maningning na ika-54 anibersaryo ng pagkakatatag ng ating pinakamamahal na Communist Party of the Philippines (CPP). Mahusay nitong pinamunuan sa teoryang gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang buong sambayanang nakikibaka sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at nakapangibabaw sa anim na taon ng brutal na pasistang panunupil sa buong bayan ng nagdaang pasista-teroristang rehimeng US-Duterte at kasalukuyang ilehitimong rehimeng US-Marcos II.
Kasabay ng okasyong ito, nagdadalamhati ang buong rebolusyonaryong kilusan sa Palawan sa pagpanaw ng dakilang tagapangulong tagapagtatag ng CPP na si Kasamang Jose Maria Sison (Amado Guerrero) noong Nobyembre 16, alas 8:40 ng gabi sa Utrecht, The Netherlands sa edad na 83. Pinakamataas na parangal at pagpupugay ang iniaalay sa kanya at sa kanyang iniwang mga pamanang walang-maliw na magniningning at magsisilbing tanglaw ng mamamayang Pilipino at buong mundo sa pagsusulong ng pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Bagamat nasawi si Ka Joma, ang kanyang buhay ay nagpapatuloy bilang gabay at inspirasyon ng nakikibakang mamamayang Pilipino at uring inaapi at pinagsasamantalahan sa buong mundo. Ihahatid tungong imortalidad at pagiging bayani ng rebolusyon si Ka Joma sa kanyang diwang rebolusyonaryo na nagsulong ng interes ng uring proletaryado at iba pang uring anakpawis.
Hindi maisasantabi ang mga dakilang ambag at aral niya upang dalhin ang rebolusyong Pilipino sa wastong landas. Isang mapanuri, mapanlikha at mapangahas na dakilang lider komunista, kumprehensibo at napakatalinong inilapat ni Ka Joma, kasama ang iba pang mga dakilang lider ng Partido, ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan at praktika ng rebolusyong Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Kaya naman nailatag, nakaugat, nakapanatili at ibayong nakasulong ang rebolusyong pinasimulan nila sa kabila ng desperadong pagtatangka ng mga nagpalit-palitang rehimen na durugin ito. Tinangkilik, niyakap at inangkin ng mamamayang Pilipino ang linyang dala ng CPP sa tanglaw ng MLM.
Sa okasyong ito, ginugunita rin natin ang magiting na alaala at dakilang buhay ng mga martir ng rebolusyon sa Palawan na walang pag-iimbot na inialay ang kanilang buhay sa pagsusulong ng rebolusyon sa probinsya. Pinakamataas na parangal ang iginagawad natin sa mga nagbuwis ng buhay sa panahon ng pasista-teroristang rehimeng US-Duterte na sina Bonifacio “Ka Nato” Magramo, Charity “Ka Rise” Diño, Noli “Ka Selnon” Siasico, Ma. Andrea “Ka Naya” Rosal, Rona Jane “Ka Lemon” Manalo, Jay-ar “Ka RG” Sento, Nelyn “Ka Aldin” Dabdab Emon at Remel “Ka Azumi” Padilla Rodriguez. Hindi masusukat ang kanilang mga ambag sa mga naging pagsulong ng rebolusyon sa Palawan.
Malaki ang naging papel ni Ka Joma at iba pang mga martir at bayani ng rebolusyon sa pagkakamit ng mga tagumpay ng Partido sa nakalipas na 54 taong pamumuno nito sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino at mamamayang Palaweño. Ipinagbubunyi natin ang mga tagumpay na ito, lalo’t higit ang paglago ng rebolusyonaryong kilusan sa probinsya. Matapos itong muling balikan noong 1997, tuluy-tuloy itong nakapagpalakas ng armadong pakikibaka, nakapagsulong ng rebolusyong agraryo at nakapagpalawak ng baseng masa hanggang sa kasalukuyan. Bagamat dumanas ng mabibigat na mga pinsala ang NPA sa probinsya sa nakaraang anim na taon, magiting tayong lumaban at nakapagpunyagi, at sa kabuuan ay nabigo ang imbing layunin ng kampanya ng Wescom na durugin ang Partido at buong rebolusyonaryong kilusan sa probinsya.
Ang pagkalugmok sa kahirapan at abang kalagayan ng mamamayang Palaweño ang dahilan bakit hindi magagapi ang rebolusyon sa probinsya. Nananatiling atrasado ang kabuhayan nila laluna ng masang magsasaka at pambansang minorya—hiwa-hiwalay at maliitan ang pagsasaka, napakababang presyo ng produktong bukid tulad ng palay, saging, maging ng bagtik habang napakamahal ng mga farm inputs. Ang mga pambansang minorya ay patuloy na inaagawan ng lupa at sinasalanta ang mga lupaing ninuno para sa dambuhalang proyektong mina, agro-korporasyon at eko-turismo ng mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri. Hirap din ang kabuhayan ng mga mangingisdang hindi pa nakakarekober matapos ang pananalanta ng mga bagyong nagdaan at napakamahal ng petrolyong panggatong sa kanilang mga bangka. Nananatiling sagka sa kanilang hanapbuhay ang mga milisya at People’s Liberation Army-Navy ng China sa West Philippine Sea. Samantala, hindi makahabol ang sahod at arawang kita ng mga manggagawa at mala-manggagawang Palaweño dahil nananatiling nakapako ito sa napakababang halaga habang patuloy ang pagsirit ng implasyon.
Pinalubha pa ng nagpalit-palitang lokal na gubyerno sa probinsya ang paghihikahos ng mga Palaweño sa pamamagitan ng mga batas at patakarang ipinatupad nito pabor sa mga malalaking kumpanya at negosyo. Sa dominasyon sa pulitika ng sabwatang Socrates-Alvarez, ibayong dadambungin ang likas na yaman ng probinsya, magiging laganap ang pagpapalit-gamit ng lupa, muling makakapag-opereyt ang mga dambuhalang mina at lalong ipagkakait sa mga Palaweño ang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan, kuryente, patubig, transportasyon, at iba pa.
Para magawa ito, agresibong inilalarga ng WESCOM ang walang-puknat na mga focused military operations at community support program operations sa buong probinsya. Dulot nito ang kaliwa’t kanan ang mga paglabag ng mga pasistang sundalo at pulis sa karapatang pantao ng mga Palaweño sa mga operasyong militar na nilulunsad nila sa tabing ng gera kontra-terorismo. Kasabay nito ang tuluy-tuloy na pagsasanay militar at kabi-kabilang pagpapaputok at pagpapasabog kasama ang mga tropang imperyalista. Garapalan nang inilalantad ng WESCOM at Palawan PNP ang pagiging tagapagtanggol ng interes ng imperyalismong US at naghaharing pangkatin sa lalawigan kaya naman muhing-muhi na sa kanila ang mga Palaweño. Napakalaki ng pondong nailalaan nila para sa makabagong mga kagamitan at pasilidad pero halos walang maibigay na ayuda ang mga lokal na gubyerno sa mamamayan. Ipinagmamalaki ngayon ng WESCOM at PTF-ELCAC ang mga “sumuko” umanong mga kasapi ng CPP-NPA at baseng masa sa probinsya na ang kalakha’y mga biktima ng sapilitang pagpapasuko. Hindi makakapamayagpag ang sasandakot na mga taksil na bumaligtad sa rebolusyon at tiyak na mapaparusahan sila ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya. Sa pamumuno ng CPP, sisingilin sila at ang lahat ng mga kaaway sa uri ng mamamayang Palaweño at pagbabayarin sa paghahasik ng lagim at mga inutang na dugo sa rebolusyonaryong pwersa at masa sa Palawan.
Pinahihintulutan din ng pangkating Alvarez-Socrates ang panghihimasok ng imperyalismong US at ang pagpusisyon ng karagdagang base militar nito sa probinsya. Sa basbas ng numero-unong tuta ng US na si Marcos II, isinasapanganib nila ang kaligtasan ng buhay at kabuhayan ng mamamayan hindi lang ng Palawan, kundi ng buong bansa.
Tumpak ang pagsusuri ni Ka Joma na ang pag-igting ng pasismo-terorismo ng estado ang palatandaan ng napakasahol na krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan sa bansa. Nililikha nito ang napakapaborableng kondisyon para higit na lumakas at ibayong sumulong ang rebolusyon sa bansa. Kasabay nito, ang di-malutas na krisis ng imperyalismo ay papalalang sumasambulat sa buong daigdig at nagtutulak ng pag-aaklas ng mamamayan sa iba’t ibang dako. Paparami ang sumasalig sa mga turo, gabay at pagsusuri ni Ka Joma hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Sa harap ng mga kalagayang ito, buo at mataas ang kapasyahan ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Palawan at patuloy itong matatag na makikibaka, magpupunyagi at magpapalakas. At tinatanaw nitong patuloy na paglalagablabin ng mapanlabang diwa ng mamamayang Palaweño ang apoy ng paglaban sa buong probinsya sa pamumuno ng Partido.
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang mamamayang Palaweñong nakikibaka!
Mabuhay ang proletaryado at sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!###