Dakilain ang buhay at pakikibaka ni Josephine "Ka Sandy" Mendoza, isang huwarang komunista at pinuno ng masa!
Magkasanib na pahayag
Leona Paragua
Tagapagsalita, NDF-Palawan
at
Andrei Bon Guerrero
Tagapagsalita, BVC-NPA Palawan
Sampu ng buong kilusang rebolusyonaryo sa Palawan, nagpupugay ang National Democratic Front-Palawan at lahat ng yunit ng Bienvenido Vallever Command-NPA Palawan sa dakilang buhay ni Josephine “Ka Sandy” Mendoza. Si Ka Sandy ay isang dakilang pinuno at gabay ng rebolusyon sa Palawan. Sa rehiyong Timog Katagalugan, tumayo siyang ikalawang pangalawang kalihim ng Partido, at sa buong bansa bilang kagawad ng Komite Sentral. Pumanaw siya sa sakit noong Nobyembre 10, sa edad na 59.
Nagluluksa at nagdadalamhati ang mamamayang Palaweño sa pagpanaw ni Ka Sandy na higit na kilala bilang Ka Cecille at Ka Billy. Kumilos siya sa probinsya mula 1995-99 sa panahon ng muling pagsisikap ng Partido na balikan at epektibong ilatag ang rebolusyonaryong kilusan sa Palawan. Kabilang siya sa mga nagpasimulang kadre ng Partidong ipinadala sa probinsya para hawanin ang pagtatayo ng mga sonang gerilya, sa ilalim ng Komiteng Rehiyon ng Timog Katagalugan. Itinalaga siyang pangalawang kalihim ng komiteng probinsya na itinayo sa Palawan noong 1997.
Sa gabay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, matalas na nakibaka sina Ka Sandy at binunot ang ugat ng mga maling linyang sumagipsip sa ilang gawain ng Partido sa puting purok. Bilang itinalagang kalihim ng Partido sa puting purok ng probinsya, kinumpuni ni Ka Sandy ang mga organisasyon ng Partido at masa at epektibong pinamunuan ang pag-ugat nito sa mamamayan. Pinangasiwaan niya ang tatlong pangkat pagsisiyasat na itinalaga sa norte, gitna at timog na bahagi ng probinsya. Masigasig niyang inalam ang kalagayan at resulta ng gawain ng mga tim, ginabayan at inarmasan ang mga kasama sa pagharap sa mga hamon ng gawain.
Dahil sa epektibong gawaing pagsisiyasat at gawaing masa ng Partido, matagumpay na nailatag ang mga sandatahang yunit pampropaganda (SYP) sa probinsya noong 1997 kabalikat ni Bonifacio “Ka Boywan/Nato” Magramo at iba pang mga kadre ng Partido na naitalaga sa Palawan. Binuo ito ng mga reimporsment na pwersa at opisyal, at mga lokal na kadre at mandirigmang resulta na ng panimulang pagsulong ng gawaing sinimulan ng mga naunang kasama, kabilang si Ka Sandy.
Kasabay ng mga tagumpay sa armadong pakikibaka at pagtatayo ng base sa kanayunan, sumulong rin ang gawain sa puting purok ng probinsya na pinamunuan ni Ka Sandy. Tampok sa mga labang napasigla at napamunuan ng Partido sa kanyang panahon ang mga lokal na isyu ng mina, pagpapalayas sa mga masang nakatira sa isla Sombrero, isyu ng masa sa asinan, at marami pang iba. Sa panahon ni Ka Sandy, kauna-unahang nakapagpalahok ang Palawan sa pambansang pagkilos sa Maynila noong huling kwarto ng 1997. Halos kasabay nito, nailunsad din ang kauna-unahang kilos-protestang antas-probinsya sa Puerto Princesa upang gunitain ang Araw ng Karapatang Pantao.
Nang malipat sa ibang gawain sa saklaw ng rehiyon noong 1999, iniwan ni Ka Sandy ang probinsya na may tatlong sonang gerilya at malakas na komite ng Partido sa puting purok na magiging angkla ng tuluy-tuloy na pagsulong ng mga gawain sa mga susunod na taon at dekada. Bagama’t maiksing panahon lamang ang nailaan ni Ka Sandy sa Palawan, naging pangmatagalan ang bunga ng kanyang mga pagsisikap.
Kahit pa nalipat na si Ka Sandy sa ibang gawain, hindi niya kinalimutan ang mga usapin sa Palawan. Habang gumagampan ng namumunong papel sa pagpapasigla ng kilusang masa sa rehiyon mula 1999, dinala niya sa panrehiyon at pambansang entablado ang pakikibakang masa ng mga Palaweño. Kabilang sa mga ito ang nagpapatuloy na interbensyong militar ng US sa bansa, pagtatayo ng lihim na naval base ng US sa Oyster Bay, pagsadsad ng barkong pandigma ng US na USS Minesweeper sa Tubbataha Reef, laban ng mga magsasaka sa Yulo King Ranch, pakikibaka ng mga mangingisda, atbp.
Para sa mga Palaweño at mga rebolusyonaryong pwersa sa probinsya, si Ka Sandy ay isang mahusay na guro, pinuno at kasabay nito’y mag-aaral ng masa. Magiliw siya sa masa—ito man ay sa panahon ng mga pormal na pag-aaral at mga talakayan, mga simpleng integrasyon at kwentuhan, hanggang sa pagbabahagi ng kanyang angking galing sa pag-awit at paggigitara. Para sa mga kasamang nakasama niya sa gawain at napamunuan niya, hindi lamang siya isang mahusay na pinuno at taktisyan sa mga gitgitang labanan sa pulitika, kundi pati na rin sa iba pang aspeto ng buhay-rebolusyonaryo ng mga kasama. Huwaran din siya bilang isang babae at inang rebolusyonaryo at pinuno.
Habampanahong dadakilain ng mga rebolusyonaryo at mamamayang Palaweño ang mga ambag ni Ka Sandy sa pagsusulong ng gawain sa Palawan! Tulad ng kanyang awit na “Kandila”, hindi magmamaliw ang kinang ng liwanag na dinala niya at ng Partido sa probinsya at ngayo’y hawak ng bagong henerasyon ng mga kadre, mandirigma at mamamayan sa Palawan!
Mabuhay ang alaala ni Ka Sandy!
Paglingkuran ang sambayanan