Pahayag

Ipagtanggol ang Masa, Isulong ang Rebolusyon!

, ,

Ilang beses nang pinatunayan ni Gen Eduardo Año, pinuno ng National Security Council ng rehimeng Marcos Jr, ang pagiging militarista at matindi niyang kaaway ang kapayapaan. Nitong huli, nagpahayag siyang muli na hindi dapat makipag-usap ang GRP sa PKP-BHB-NDF dahil hindi naman daw ito handang bumitaw sa armas at armadong pakikibaka. Hindi niya matanggap na humaharap sa usapang pangkapayapaan ang rebolusyonaryong kilusan para sa kalutasan ng ugat ng armadong tunggalian at hindi upang magsurender o magkompromiso ng mga prinsipyong ipinaglalaban. Mapanlinlang ang pahayag si Gen. Eduardo Año na sa lokal na antas ng PKP-BHB ang haharapin ng GRP sa usapang pangkapayapaan imbes na antas pambansa. Lumang tugtugin na ang patakarang ito ng GRP. Ang layunin nito ay pagmukhaing walang pagkakaisa sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan, paghiwalayin ang mga pwersa sa antas lokal at sa pambansang pamunuan, at maliitin ang pamumuno ng huli.

Walang kalutasan sa lokal na usapang pangkapayapaan ang batayang problema sa kawalan ng lupa ng maraming magsasaka sa Cagayan Valley, sa pagkatali sa malalaking dayuhang negosyo ng ating agrikultura, sa kawalan ng batayang industriya, sa korupsyon sa gobyerno at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Mali ang pumasok sa lokal na usapang pangkapayaan para sa kalutasan ng ugat ng armadong tunggalian.

Pabor ang lokal na usapang kapayapaan sa mga mapagsamantala’t naghaharing uri at mga kanegosyo nitong malalaking dayuhang korporasyon. Hindi masasaling ang kanilang interes—magpapatuloy ang pangangamkam ng lupa, pambabarat ng sahod ng mga manggagawa at monopolyo ng ilang mayayamang pamilya sa pulitika ng bansa. Kaya’t para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan, naninindigan ang Partido at Hukbo sa Cagayan Valley sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa antas pambansa sa pagdadala ng mga piniling negosyador ng magkabilang panig.

Ang mga patakaran ng mga rehimen sa huling dekada ay pumabor sa mga kartel sa agrikultura, mga importer at ismagler, mga malalaking burgesya komprador- panginoong maylupa, mga dayuhang mangangalakal at mga imperyalistang bangko. Pinabayaan ang lokal na agrikultura, ibinaon sa ilalim ng lupa ang presyo ng palay habang todong suporta sa dayuhang produkto sa pagpapalaki ng importasyon. At ang mga lupang pinagyaman ng mga maliit na magsasaka at pambansang minoryang na ultimo kamay ang gamit sa pagtatanim ay inaagaw ng mga dayuhan malalaking minahan at negosyong eko-turismo ng mga pulitiko.

Sa mga baryo, nangingibabaw ang patakarang militar ng AFP-PNP-CAFGU at mga barumbado nitong tauhan. Tinatakot at pinapatay ng mga ito ang sigla ng komunidad sa organisado at sariling pagsisikap para sa pagpapaunlad ng kabuhayan, pang-ekonomya, pangkultura at pang-organisasyon. Nagpapakalat ng dekadenteng kultura at gawi. Nambabastos ng kababaihan at nanggagahasa. Sa mga probinsya ay nilulumot na ang mga dinastiya sa kanilang trono dahil hanggang antas distrito, munisipyo at malalaking baryo ay kapamilya nila—asawa, anak, apo, pamangkin at manugang—ang mga kapit-tuko sa pwesto. Sila rin ang may monopolyo ng ekonomya sa lugar, pati illigal na aktibidad.

Kahit hindi pa rebolusyonaryo ay nasusuka na sa sitwasyon ng Cagayan Valley at ng bansa. Kaya nilalayun ng mga rehimen na madurog ang rebolusyonaryong kilusan na pinamumunuan ng Partido Komunista para patayin ang apoy ng paghihimagsik. Mabigat ang dahilan ng paghihimagsik at paghawak ng armas ng mga ordinaryong tao o ng isang organisasyon. Kung gayun hindi rin madaling bitiwan ang armas hangga’t walang maliwanag na katugunan sa dahilan ng paghawak nito.

Nagdudumilat ngayon ang paglala ng kahirapan nang mamamayan, wala kahit katiting na batayan para magluwag ng hawak sa armas. Mas tama na higpitan ang tangan dito. Lalong tibayan ang determinasyon na pasiglahin ang armado at pulitikal na pakikibaka ng mga magsasaka at iba pang inaaping uri, palakasin ang rebolusyunaryong armadong paglaban at ang rebolusyunaryong hukbo. Matibay ang paninindigan na mga kadre, kasapi at mandirigma sa rehiyon na isulong at pagtagumpayan ang adhikain para sa masagana at malayang bukas ng mamamayan. Buhay man ay i-alay. Ang uring anak-pawis ay di-maampat na balon ng mga magigiting na bayani—hindi mauubos ang pupulot ng nabitawang baril at walang humpay na magpapaluwal ng baril hanggang ang usapang pangkapayapaan ay tunay na tutugon sa paglaya ng mamamayan. At kapag hindi ito makakamit sa usapang pangkapayapaan, kakamtin ito sa tagumpay ng rebolusyunaryong armadong pakikibaka.

Ipagtanggol ang Masa, Isulong ang Rebolusyon!