Kabataang Ilokano, sumampa sa NPA! Palakasin ang Pulang Hukbo at paigtingin ang digmang bayan sa pagdurog sa pasistang rehimeng US-Marcos!
Sampu ng mga rebolusyonaryong pwersa at masang Ilokano, pinakamataas na pagsaludo ang iginagawad ng National Democratic Front (NDF)-Ilocos sa New People’s Army (NPA) sa ika-56 anibersaryo nito ngayong araw. Aming iniaalay ang pinakamataas na pagpupugay sa mga martir ng NPA ng Ilocos at buong hukbong bayan na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan.
Pinararangalan namin ang mga matitikas at magigiting na Pulang kumander at mandirigma na nagpapatuloy sa pagpupunyagi sa armadong pakikibaka. Iwinaksi ng mga kasamang ito ang kanilang personal na interes at sumuong sa pinakamahirap na sakripisyo sa pagtangan ng armas at pagbuwis ng buhay, imbes na sumuko sa kaaway. Sila ang mga tunay na bayaning nagsisilbing maningning na tala ng masa at rebolusyonaryong pwersa upang magpunyagi sa pagsusulong ng digmang bayan.
Nagpupugay ang NDF-Ilocos sa mga pioneer ng NPA-Ilocos na nagpundar ng mga larangang gerilya ng rehiyon. Sa pamamagitan ng kanilang di-matatawarang saksripisyo at pagsisikhay, sa gitna ng madilim na panahon ng tiranya ng diktadurang US-Marcos ay nagawa nilang itayo ang mga rebolusyonaryong base para sa digmang bayan sa rehiyon.
Ang NPA sa Ilocos ay nagsimula sa isang platun, na ibinunsod ng pakikibakang anti-pyudal ng magsasaka. Sa pagpapatuloy ng agraryong rebolusyon at pakikibakang masa sa loob ng limang dekada ay tuloy-tuloy na lumawak at lumakas ang NPA at rebolusyonaryong base sa Ilocos. Nag-ambag ito ng paglakas at paglawak ng armadong pakikibaka sa buong bansa.
Ilang taon nang ipinangangalandakan ng AFP at NTF-ELCAC na durog na ang NPA at burado na ang mga larangang gerilya ng Ilocos, sa paulit-ulit na pagdedeklara sa rehiyon bilang “conflict-manageable and ready for development.” Ito ay pagkatapos ng tuloy-tuloy at maigting na militarisasyon sa mga komunidad, panggigipit sa mga samahang masa at kanilang mga lider, maramihan at pwersahang pagpapasuko sa mga sibilyan, red-tagging at samu’t saring karahasan at paglabag sa karapatang-pantao sa pakay na padapain ang kilusang masa at rebolusyonaryong pakikibaka dito.
Upang ipagtanggol ang masa, tuloy-tuloy at matapang na nakipagsagupa ang NPA-Ilocos sa mga maigting at walang-puknat na operasyong kombat ng militar. Nagpatupad sila ng matatagumpay na ambus, reyd at harassment sa militar, pulis at CAFGU. Aktibong nagpatupad sila ng mga aksyong-pamamarusa sa mga intelligence asset ng kaaway, mga masasamang elemento at despotikong panginoong maylupa. Dahil dito ay lalo nilang naani ang tiwala at suporta ng masa, lalo pang nakapagpasampa at nakapagpalakas.
Nagtamo sila ng mga tagumpay sa pakikipagsagupa sa kaaway, gayundin ng mga mabibigat na kaswalti sa hanay nila. Subalit taglay ang diwa ng tunay na hukbo ng masa, nilalagom nila ang mga taktikal na pagkabigo at humalaw ng mga aral mula dito. Ang mga aral na ito ang nagpapataas sa kapasyahan ng mga Pulang mandirigma ng Ilocos na isulong ang armadong rebolusyon.
Niloloko ng AFP ng sarili nito sa pagsisiwalat na durog na ang mga baseng masa ng hukbo sa Ilocos at kinamumuhian ng masa ang NPA. Sa mga eryang pansamantalang iniwan ng hukbong bayan ay patuloy at masugid na nag-aantabay ang masa sa pagbalik nila. Patuloy silang kumikilos para sa suporta sa Hukbo at armadong pakikibaka. Patuloy silang nag-oorganisa at naglulunsad ng pakikibakang masa kahit tuloy-tuloy na ginigipit ng kaaway.
Para sa masang ilokano, mas matapang silang lumaban pag nandiyan ang kanilang Hukbo na umaagapay at nagtatanggol sa kanila. Kung kaya’t kahit ginigipit sila ng kaaway ay gumagawa sila ng paraan upang makaugnay sa mga kasamang NPA upang sumangguni sa kanilang mga suliranin, makipag-aral at magpaabot ng suporta. Saan man mapunta, kahit sa mga eryang ekspansyon ay hindi natatakot o nag-aalangan ang masa sa pagtanggap sa kanila, kundi nagagalak silang napadpad ang NPA sa kanilang lugar. Sa mga eryang rekoberi ay labis na nagagalak ang masa sa kanilang pagbabalik, at sa mga lugar na hindi pa nararating ng hukbong bayan ay hinahanap sila ng masa.
Kailanman at saanman ay hindi naglubay ang NPA ng Ilocos sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Hindi nito binibitawan ang tungkulin sa pag-agapay sa masa sa pagresolba sa kanilang mga samu’t-saring suliranin, mula sa pag-resolba sa mga pangunahing suliraning pyudal at malapyudal na pagsasamantala ng mga panginoong maylupa, komersyante-usurero at malalaking burges-kumprador hanggang sa mga domestikong usapin. Sa masugid na pag-agapay ng hukbong bayan, ang mga magsasaka ng Ilocos ay nagkamit ng mga tagumpay sa pakikibaka kontra usura, pagpapababa sa upa sa lupa, pagpapataas sa sahod ng manggagawang bukid at iba pang tagumpay ng pakikibakang magsasaka. Kung kaya’t anumang kampanya ang ilunsad ng kaaway upang ihiwalay ang masa sa kanilang hukbo ay nabibigo ang mga ito, sa halip ay lalo pang humihigpit ang pagyakap ng masa dito.
Labis na napopoot ang sambayanang Pilipino, kabilang ang mamamayang Ilokano sa rehimeng US-Marcos na walang pinag-iba sa tiraniko at kontra-mamamayang rehimeng Duterte. Binigyang-daan ni Ferdinand Marcos Jr ang pagkakaaresto at pagkakakulong ng International Criminal Court kay Rodrigo Duterte (upang sagutin ang mga kaso nito sa krimen laban sa sangkatauhan), samantalang siya ay nasasakdal din sa International People’s Tribunal sa parehong krimen. Dahil ito sa pagtutuloy niya sa marahas na pasistang kampanya ni Duterte sa paglupig sa demokratiko at rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan na nagreresulta sa malawakan at lumalalang militarisasyon at lumalaking bilang ng mga kaso sa paglabag sa karapatang pantao.
Katulad ni Duterte, si Marcos ay masugid na nagpapatupad ng mga neoliberal na patakaran na sanhi ng lalo pang pagkasira ng produksyon sa agrikultura at pagbagsak ng kita ng magsasaka, pangangamkam sa mga lupain at ansestral na teritoryo ng mga magsasaka’t katutubo at pang-aagaw sa kabuhayan ng mangingisda para sa mga dayuhang kapitalistang kumpanya ng renewable energy, minas at mga plantasyon, nananatiling bagsak na sahod ng manggagawa, di-maampat na pagsirit ng presyo ng langis, mga bilihin at serbisyo. Katulad ni Duterte, si Marcos Jr ay sagadsaring tuta ng imperyalistang US na nagpapagamit sa Pilipinas bilang base-militar nito sa pang-uupat ng imperyalistang gera at paghahari nito sa Asya. Mariing kinukundena ng masang Ilokano ang pagpapagamit ni Marcos sa Ilocos bilang base-militar at palagiang lunsaran ng mga mapanganib na war exercises ng US.
Kaisa ang mamamayang Ilokano sa sigaw ng mamamayang Pilipino na Marcos at Duterte walang pinag-iba na pahirap, pasista at tuta ng imperyalista. Ang pagkakapiit ngayon ni Duterte ay malaking tagumpay ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa tiranya at pagtataguyod ng karapatang pantao na kailangang itulak hanggang tuluyang maparusahan ito. Kasabay nito ay kailangang itulak din ang parehas na pagsasakdal kay Marcos Jr hanggang sa maparusahan din sa parehas na krimen sa malawakang paglabag sa karapatang pantao.
Bilang isang tunay na hukbong bayan, ang NPA ay kampeon sa pagtatanggol ng karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Sa mahigpit na gabay ng Partido, ang NPA ay istriktong tumatalima at nagbibigay ng mataas na pagpapahalaga sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas sa pagsusulong ng digmang bayan. Sa harap ng umiigting na kabangisan at pagpapahirap ng rehimeng US-Marcos sa masang Pilipino ay mahigpit silang sumasalig sa NPA bilang kanilang pinakamaasahang tagapagtanggol. Sa gayon ay kailangan nitong paigtingin ang armadong pakikibaka at pagbayarin ang rehimen sa lumalaking krimen nito sa sambayanang Pilipino.
Sa pagkilala sa NPA bilang kanilang sandata at kalasag sa paglaban sa pasismo, pagsasamantala at pang-aapi, tungkulin ng mamamayan na palakihin at palakasin ito. Nararapat lamang na ituon ang pangunahing mga rebolusyonaryong pagsisikap sa pagpapasampa at pagbibigay ng lahat ng porma ng suporta sa hukbong bayan at armadong pakikibaka—base, armas, bala, lohistika, paniktik, mga serbisyo at iba pa.
Sa ika-56 anibersaryo nito, pangunahing panawagan ng NDF-Ilocos sa masang Ilokano at rebolusyonaryong pwersa, lalo na ang mga kabataan na sumapi sa NPA! Magpunyagi sa pag-oorganisa ng Kabataang Makabayan sa hanay ng mga kabataang magsasaka, mangingisda, manggagawa, mga estudyante at peti-burges para sa pagpapasampa. Itayo, palakasin at palawakin ang mga Milisyang Bayan! Palakasin ang mga rebolusyonaryong base, laging maghanda ang mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa pagbabalik ng Hukbo sa mga eryang temporaryong naiwan, at hawanin ang mga bagong erya na pagpapalawakan nito. Kaalinsabay nito ay isulong ang pakikibakang masa sa paglaban sa pasismo at sa lahat ng porma ng pagpapahirap at pagkamit ng mga demokratikong karapatan at kagalingan.
Paigtingin ang ating paglaban sa rehimeng US-Marcos, ubos-kayang palakasin at paramihin ang NPA! Paigtingin ang digmang bayan upang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay!
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!