Mamamayan ng TK, lumahok sa armadong pakikibaka! Ipagdiwang ang ika-55 anibersaryo ng NPA!
Nagdiriwang ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng Timog Katagalugan sa ika-55 anibersaryo ng New People’s Army. Okasyon ito upang ipagbunyi ang nagpapatuloy na apoy ng armadong pakikibaka sa rehiyon at sa buong bansa sa nakalipas na mahigit limang dekada.
Sa araw na ito, nagpupugay ang NDFP-ST sa mga rebolusyonaryong martir at bayani ng sambayanan na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan. Pinakamataas na parangal ang iginagawad ng NDFP-ST sa mga martir noong 2023 at nitong unang kwarto ng 2024 na sina: Josephine “Ka Sandy” Mendoza, kagawad ng Komite Sentral at ikalawang pangalawang kalihim ng Komite ng Partido sa rehiyong Timog Katagalugan; Emmanuel “Ka Angelo” Nazareno, Joseph “Ka Ken” delos Santos, Dayna Benna “Ka Karen” Lagrama, Divine “Ka Zoe/Ka Joy” Soreta, Paulo “Ka Isko” Cruz at Ricanio “Ka Jenny” Bulalacao ng Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon; Junalice “Ka Arya” Arante-Isita, Isagani “Ka Ringgo” Isita, Leonardo “Ka Mendel” Manahan, Baby Jane “Ka Binhi” Orbe, Ma. Jetruth “Ka Orya” Julongbayan, Bernardo “Ka Mamay” Bagaas, Joy “Ka Kyrie” Mercado, Allyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta at Erickson “Ka Ricky” Cueto ng Eduardo Dagli Command-NPA Batangas; at kina Jethro Isaac “Ka Pascual” Ferrer, Peter “Ka Tagub/Rochie” Rivera, Arc John “Ka Hunter/Ka Baron” Varon, Jessie “Ka Aja” Almoguera, Nancy “Ka Mamay” Looy Yaw-an, Kure “Ka MC/NY” Lukmay at Abegail “Ka Laura/Esang” Bartolome ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro. Dagdag inspirasyon ang kanilang buhay upang higit na pasiglahin at isulong ang rebolusyon.
Binibigyang-pugay din ng NDFP-ST ang mga ipiniit na rebolusyonaryong pwersa, kabilang ang mga kasapi ng NPA na nagpapatuloy ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa likod ng rehas. Sinasaluduhan si Jaime “Ka Diego” Padilla at iba pa na kailanma’y hindi nagtaksil sa rebolusyon sa kabila ng panggigipit sa kanila ng estado.
Ang kabiguan ng reaksyunaryong estado na durugin ang NPA ay patunay na patuloy na tinatangkilik ng masang magsasaka at iba pang inaaping mamamayan ang NPA. Walang tigil ang pagsuporta ng mamamayan sa NPA dahil sa kawastuhan ng isinusulong nitong armadong pakikibaka para ibagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo na ugat ng kahirapan sa bansa.
Hinog na hinog ang sitwasyon ngayon upang patuloy na sumulong at lumagablab ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa bansa. Nanganganib na pumutok ang isang gera sa Asia Pacific sa pangunguna ng imperyalismong US upang panatilihin ang hegemonyang militar at ekonomya nito sa rehiyon laban sa karibal nitong imperyalistang China. Higit na tumataas ang panganib at risgo na madawit ang Pilipinas sa magaganap na gera dahil sa pagpapakatuta ni Marcos Jr at pagiging desperado ng US.
Habang lumalala ang krisis ng imperyalismo, patuloy na nagdarahop ang mamamayan sa mga kolonya at malakolonya kagaya ng Pilipinas. Patuloy na bumabagsak ang ekonomya ng mga bansang ito, partikular ang Pilipinas na natali sa pagiging atrasado, agraryo at pre-industriyal.
Mas papalubha ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa uring anakpawis. Iniinda pa rin ng mga Batangueño ang pagsasara ng tatlong departamento sa CADPI na may kaugnayan sa paggigiling ng tubo at ang nakaambang mga pangangamkam ng lupa kagaya ng Hacienda Roxas sa ngalan ng huwad na proyektong pangkaunlaran. Hindi pa rin tumataas ang presyo ng mga produktong bukid na niyog at palay na isa sa mga pangunahing produktong agrikultural sa rehiyon. Patuloy na winawasak ang kalikasan sa Rizal, Quezon, Cavite at Laguna dulot ng mga proyektong reklamasyon at proyektong dam; sa Batangas, Mindoro, Romblon, Marinduque at Palawan dulot ng pananalasa ng mga proyektong mina at enerhiya. Nananatiling barat ang sahod ng mga manggagawa na hindi man lamang mangalahati sa family living wage sa rehiyon.
Asahang patuloy pang malulubog sa kumunoy ng kahirapan ang mamamayan lalo’t iniraratsada ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II ang economic charter change sa balangkas ng neoliberalisasyon na maghahandog ng patrimonyang yaman ng bansa sa monopolyo kapitalismo, magkokonsolida at magpapalawig sa kapangyarihan ng paksyong Marcos-Romualdez at higit na magpapakitid sa demokratikong karapatan ng mamamayan.
Samantala, ibayong hinagpis ang dinaranas ngayon ng bayan sa pagpapabaya ng gubyernong Marcos sa gitna sa tagtuyot na hatid ng El Niño. Matinding pinsala ang dulot nito sa buhay at kabuhayan ng mamamayan laluna sa agrikultura, kung saan nangunguna na ang MIMAROPA na nagtamo ng pinakamalaking pinsalang P770 milyon habang P7 milyon naman sa CALABARZON. Bukod pa ito sa matagal nang problema ng mamamayan ng Timog Katagalugan sa lupa, kabuhayan, sahod, trabaho at panirikan.
Upang maipataw ang maka-imperyalista, anti-demokratiko at kontra-mamamayang mga programa at patakaran, at supilin ang makatarungang pakikibaka ng bayan, pinaiigting ng estado ang pasistang pang-aatake. Binobomba ang kanayunan at militarisado ang mga komunidad kaya napipilitang lumikas o pinalilikas ang mga residente. Laganap pa rin ang pamamaslang, iligal na pang-aaresto, pagdukot, tortyur, panggagahasa at panghaharas, pananakot at intimidasyon. Walang tigil ang sapilitang pagpapasuko sa mamamayan at pinalolobo ang bilang nito sa hibang na layuning palabasing nananaig ang kontra-rebolusyonaryong kampanya.
Sa lahat ng ito, walang pakinabang na natamo ang mamamayan, habang ang estado ng magkasabwat na naghaharing uring malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa gamit ang AFP-PNP ay nagkakamal ng limpak-limpak na salapi mula sa kikbak at pondo. Nag-aaway-away pa ang mga ito para makopo ang kapangyarihan sa estado na sinasalamin ng bangayan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte.
Dahil dito, nagpupuyos sa galit ang taumbayan sa bulok, parasitiko at pasistang estadong malakolonyal at malapyudal. Ito ang obhetibong kalagayan na kailangang sagpangin ng rebolusyonaryong kilusan upang ibayong magpalakas at umigpaw pasulong sa pagtupad ng mga kritikal na tungkulin at gawain. Malakas ang pananalig na NDFP-ST at ng mamamayan na tatalima ang lahat ng kumander, opisyal, at mandirigma ng NPA sa panawagan ng CPP na magwasto upang makamit ang mga rekisitos sa pagtataas ng antas ng digma.
Ilulunsad nito ang masisiglang kampanyang pag-aaral at pagwawasto ng mga kamalian. Mahigpit na pag-aaralan ang mga saligang dokumento ng Partido at mga sulatin ni Jose Maria Sison. Panghahawakan nang mahigpit ang mga aral laluna ang dokumentong Partikular na Katangian ng ating Digmang Bayan at isapraktika ito sa pagsusulong ng digmang bayan sa Pilipinas.
Mahigpit na susuportahan ng NDFP-ST ang mga ipuputok na mga taktikal na opensiba ng BHB na dudurog sa kaaway, maggagawad ng rebolusyonaryong hustisya at magsasamsam ng armas. Suportahan ng malawak na masa ang mga aksyong militar ng NPA. Pinakamahusay, mag-ambag ng kanilang mabubuting anak sa NPA.
Ilunsad ang malawakang kampanyang pagpapasampa sa hanay ng magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, pambansang minorya at iba pang inaaping uri at sektor. Balik-aralan ang mayamang tradisyon ng paglaban ng mamamayang Pilipino mula sa panahon nina Lapu-lapu laban kay Magellan, ng Katipunan sa kolonyalismong Spain, pakikibaka sa imperyalismong US, ng Hukbalahap sa pasistang Japan at ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan sa unang bahagi ng papet na republikang 1946 hanggang sa maitatag ang NPA noong Marso 29, 1969.
Isulong nang may diyalektikong ugnayan ang tatlong sangkap ng digmang bayan na armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatatag ng baseng masa. Iputok ang mga anti-pyudal na laban upang pahinain ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan at anihin ang malawak na suporta ng masang magsasaka. Itayo at pandayin tungong matitibay na muog ang mga baseng masa at palawakin ang eryang saklaw ng Pulang kapangyarihan. Pahigpitin ang ugnayan ng malawak na mamamayan at kanilang Pulang hukbo.
Taglay ang kabayanihang minana sa ating mga dakilang ninuno, buo ang loob ng mga pulang kumander at mandirigma ng NPA na mag-alay ng buhay para sa masang api at kamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Matibay na sandata nito ang MLM sa ilalim ng absolutong pamumuno ng CPP. Mahigpit ang hawak sa paninindigang, anumang hirap at tagal, tiyak na magwawagi ang demokratikong rebolusyong bayan.