Pahayag

Mga susing obserbasyon hinggil sa nagdaang reaksyunaryong eleksyong midterm

, ,

Narito ang ilang susing obserbasyon namin hinggil sa katatapos lamang na idinaos na reaksyunaryong eleksyon:

1. Hinding-hindi mapagkakatiwalaan ang resulta ng eleksyong midterm sa harap ng nag-uumapaw na ebidensya ng malawakan at sistematikong panlolokong isinagawa pangunahin sa pamamagitan ng automated o dekompyuter na pandaraya, gayundin sa bilihan ng boto, karahasan, disimpormasyon, Red-tagging at iba pang paraan. Mula ito pangunahin sa kabiguan ng Commission on Elections (Comelec) na tiyakin ang transparency o pagiging bukas sa pagbubusisi ng automated na sistema ng bilangan na inihanda ng Miru Systems Co, isang kumpanyang South Korean na ang rekord sa ibang bansa ay may bahid ng mga kapalpakan at suhulan.

Tinukoy ng mga ekspertong teknikal na ang sistemang inilagay sa mga makinang magbibilang ay hindi mabusising nirebyu, at hindi dumaan sa sertipikasyong alinsunod sa mga tuntunin. Mas malubha, kwestyunableng inihabol ng Comelec ang “upgrade” o pagbabago sa sistemang software na inilagay sa mga makinang magbibilang (kaiba sa bersyon na kinilatis), sanhi na ganap na maalis ang tiwala ng publiko, dahil seryoso nitong ikinompromiso ang integridad ng sistema ng bilangan. Nagpahayag ng pangamba ang mga eksperto na maaring nagamit ito para magpasok ng malisyosong code at algorithm para manipulahin ang resulta ng bilangan ng boto.

Napakaraming inulat sa midya na reklamo ng mga botante na ang mga resibong inilabas ng mga makina sa bilangan ng Miru ay hindi tumugma sa kanilang boto, maalinmang sobra o kulang. Sinabi ng election watchdog o tagabantay sa eleksyon na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nakatanggap ito ng walang kapantay na dami ng mga reklamo sa unang mga oras ng halalan, higit sa mga nasaksikahan nila sa pagbabantay sa automated na eleksyon simula nang inumpisahan ito noong 2010 sa Pilipinas. Bilang karagdagan, nag-ulat ang mga tagamasid ng bilihan ng boto (laluna sa anyo ng paglalabas ng pondong pang-ayuda ng gubyerno) at pre-shading ng mga balota.

Marami ring ulat ng mga anomalya sa quick count ng malalaking midya at mga nagbabantay sa eleksyon. Sa isang panig, nag-ulat ang PPCRV ng “hindi karaniwang pagkaantala.” Sa kabilang banda, mayroon mga “nadoble” sa pagtatala ng mga resulta ng eleksyon, kung saan sinasabing 15,000 election return na katumbas ng limang milyong boto ang naiulat ng midya na “dalawang beses nabilang” sa unang mga oras ng “quick count,” at pagkatapos ay “iwinasto” nang walang paliwanag at maayos na pagtutuos at proseso. Sinasabi ng Comelec na makasaysayan ang naabot nitong 81.37% voter turnout. Gayunman, ayon sa National Citizens’ Movement for Free Elections at mayroong nasa 18 milyong boto na “overcount,” batay sa datos na direktang mula sa mga counting machine.

Ang lahat ng mga anomalyang ito ay isinasaisantabi lamang ng Comelec bilang “glitch” o maliliit na aberya, na binabatikos ng mga tagamasid bilang lubhang pagmamaliit sa tindi ng mga anomalyang ito. Inilarawan ng International Observer Mission na matindi ang naging disenfranchisement o pagwawalang saysay ng boto ng mga tao.

Ang laganap na mga anomalya sa kondukta ng kamakailang eleksyon ay umantig sa iba’t ibang grupong pampulitika at mga tagabantay sa eleksyon na manawagan ng manwal na muling pagbibilang ng boto. Pinalalakas rin nito ang matagal nang panawagan para wakasan na ang automated na bilangan at bumalik sa manwal na bilagan (kakombina ang elektronikong transmisyon), sa tulak na tiyakin na maayos na nabibilang ang mga boto sa eleksyon.

2. Sa estratehikong layuning tiyakin ang kanyang pangmatagalang interes sa ekonomya at heyopulitika, gumampan ng susing papel ang imperyalistang US sa kamakailang eleksyon sa Pilipinas. Ginamit nito ang tuwiran at hindi tuwirang impluwensya sa iba’t ibang reaksyunaryong pangkatin, ang ganap nitong kontrol sa militar at establisyemento sa depensa, at ang kanyang buong arsenal sa panghihimasok (pampulitika, diplomatiko at teknikal). Inayos ng imperyalistang US ang mga kasunduan at ayusan sa pinakamatataas na antas sa pamamagitan ng kanilang mga ahente, na nakita sa lantarang reaskyunaryong pulitika ng areguluhan na matagal nang tatak ng sistemang pampulitika sa Pilipinas.

Nang may malinaw na sipat sa halaga ng Pilipinas sa “Indo-Pacific Strategy” nito laban sa China, layunin sa panghihimasok ng imperyalistang US na tiyakin ang katatagan at pahigpitin ang kontrol nito sa kliyenteng rehimen. Labis silang nag-aalala (a) sa umiigting na marahas na tunggalian sa pagitan ng pangkating Marcos at Duterte na nagtutulak sa mamamayan na labanan ang bulok na naghaharing sistema; (b) sa lumalalim na bitak sa loob ng naghaharing pangkatin, at lumalalang pagkahiwalay ng papet na rehimeng Marcos sa harap ng sosyo-ekonomikong pagbulusok; at (c) sa makabuluhang lakas at paghahamon ng kampong Duterte, na nagagamit ng China para palaguin ang pampulitikang impluwensya nito.

Sa partikular, nababahala ang imperyalistang US kung mapipigilan ba ng naghaharing pangkating Marcos ang paghahabol ni Sara Duterte na maging presidente, laluna kung hindi siya ma-impeach ng Senado. Kaya, habang patuloy na nagbibigay ng suportang pangmilitar at pampulitika sa naghaharing pangkating Marcos, ginamit ng imperyalistang US ang kanyang mga operatiba, power broker o mga tagapagkasundo ng hatian sa poder, tagapondo at mga tagapamagitan sa mga pampulitikang pangkatin ng naghaharing uri sa Pilipinas, upang impluwensyahan at manipulahin ang halalan para mapalitaw ang “ikatlong pwersa” mula sa mga grupong kumakatig sa US na kasalukuyang nakahanay sa koalisyon ng Liberal-Akbayan-Pink (LAP), isang samahan ng magkakaibang pwersa sa pulitika.

Nais ng US na magsilbi ang grupong ito bilang “reserbang kabayo” sa pangkating Marcos, na magbibigay rin ng kritikal na suporta sa paglaki ng presensyang militar ng US sa Pilipinas, tuloy-tuloy nitong mga war games, at panghihimasok ng US sa mga operasyong kontra-insurhensya ng AFP. Sa pangmatagalan, hangad ng US na alisan ng impluwensya ang China sa mga pangkatin ng naghaharing uri, at maibalik ang dating kaayusan na lahat ng pangkating pampulitika ay kaibigan o may utang ng loob sa US, habang sinisiil ang mga pwersang anti-imperyalista ng pambansa-demokratikong kilusan.

Labis na “ikinagulat” ng mga kandidato na sinuportahan ng LAP na sina Bam Aquino at Francis Pangilinan ang kanilang biglang pag-akyat sa ikalawa at ikalimang pwesto (mula sa labas ng listahan ng mga pangalang inaasahang manalo sa iba’t ibang sarbey ilang araw bago ang halalan). Ang “malakas na pagkapanalo” na ito ay pinalalabas ngayong bunga ng pagsuporta ng dating bise presidente na si Leni Robredo, na kabilang sa mga inihahanda para sa muling pagtakbo laban sa mga Duterte sa 2028. Ikinadismaya ng marami na nakipag-aregluhan sa pulitika si Robredo nang inendorso niya ang masugid na maka-Duterte at kandidato ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Rodante Marcoleta (taga-atake ni Duterte laban sa ABS-CBN noong 2020) kapalit ng suporta ng INC kay Aquino. Si Marcoleta ay “nakagugulat” ding umangat sa ikaanim na pwesto. Sinuportahan din ni Robredo ang mga kandidato ni Marcos na sina Manny Pacquiao at Benhur Abalos, ngunit iniulat na tumanggi siyang hayagang suportahan ang ibang mga kandidato ng Pink.

Ang pagpasok nina Aquino at Pangilinan ay nakatulong kay Marcos na mabuo ang mayoryang anti-Duterte sa Senado. Gayunpaman, nasa peligro ang dalawang-katlo niya na kinakailangan upang matiyak ang pag-impeach kay Vise President Sara Duterte. Habang gusto ni Marcos na pigilan ang pagtakbo ni Duterte sa 2028, nangangamba din siya na sumabog ang paglilitis sa impeachment sa isang malawakang krisis sa pulitika, kaya naman dumidistansya siya ngayon sa mismong proseso.

Kasama rin sa koalisyon ng LAP ang kilalang abugadong tagapagtanggol ng karapatang-tao na si Chel Diokno at ang dating senador na si Leila de Lima, na nakapwesto sa House of Representatives sa pamamagitan ng sistemang party-list. Kapwa silang matatag na tumindig laban sa gera kontra droga ni Duterte at matagal nang mga kaalyado ng mga organisasyong ng taumbayan na nagtatanggol sa karapatang-tao.

Nanahimik ang grupong LAP sa kabila ng kawalan ng transparency sa katatapos lamang na halalan, at tila binabalewala na lamang ang mga ulat ng anomalya. Ang mga susing tao sa grupong LAP, na marami’y nanahimik din matapos ang malawakang pandaraya na nagbigay sa mga Marcos at Duterte ng 32 milyong boto noong 2022, ay tahimik din ngayon sa harap ng malawakang anomalya na kinasasangkutan ng Miru Systems. Ipinaliliwanag nila ang “nakagugulat” na resulta nina Aquino at Pangilinan sa pamamagitan ng mga haka-haka tulad ng “boto ng Gen-Z” at iba pang pagteteorya sa pulitika.

Ang krisis ng naghaharing sistemang pampulitika ay patuloy na lumalala kasabay ng tumitinding bangayan sa hanay ng mga reaksyunaryong pangkatin. Tiyak na lalala pa ito habang papalapit ang halalan para sa pagkapresidente sa 2028. Lalong nahihiwalay ang rehimeng Marcos mula sa mamamayan dahil sa mga patakaran at programang kontra-mamamayan. Ang pampulitikang iskema ng US na palakasin ang grupong LAP ay tila nagpapahina sa pangkating Marcos, salungat sa plano ng pamilyang Marcos na palawigin ang kanilang paghahari. Naaalala pa rin ng mga Marcos paano sila “iniligtas” ng gubyerno ng US at inilipad ang kanilang pamilya patungong Hawaii noong 1986. Makikita pa natin kung papayag ang mga Marcos sa mga plano ngayon ng US.

Nakatakdang palakasin ng grupong LAP ang kanilang pagsabak sa halalan ng 2028. Maaaring makapili ang koalisyon ng isang kandidato ngunit kailangan pa rin nilang mapangibabawan ang mga tungalian sa pagitan ng kanilang magkakaibang pwersa.

Sa kabila ng impeachment kay Sara Duterte at pagkakakulong kay Rodrigo Duterte sa The Hague, patuloy pa rin silang nakapagpapalakas ng impluwensya sa pulitika, sa pamamagitan ng kanilang kuneksyon sa militar, suporta ng mga lokal na grupo ng naghaharing uri, at di-tuwirang suporta ng China. Nagagawa nilang linlangin ang publiko gamit ang mga bayarang social media influencer at mga troll army. Gayunpaman, kailanganin nilang harapin ang mga internal na hidwaan sa harap ng paglaki ng impluwensya at paglakas ng ilang grupo sa kanilang hanay, at sa mismong pamilya Duterte (laluna nang maka-unang pwesto sa Senado s Bong Go, matagal nang sidekick ni Duterte).

3. Batay sa mga paunang resulta ng nagdaang eleksyong midterm, lalong naalisan ng boses ang mga party-list na kumakatawan sa mga batayang sektor ng lipunang Pilipino, lalo na ang mga nakahanay sa pambansa-demokratikong kilusan. Kinukubabawan ngayon ang sistemang party-list ng mga grupong pinondohan at kontrolado ng mga pulitiko at dinastiya ng naghaharing uri.

Ang pagtutulak na tanggalan ng boses ang grupo ng mga progresibong party-list, na inilunsad kasabay ng matinding kontra-kampanya laban sa Koalisyong Makabayan, ay alinsunod sa estratehikong hangarin ng US at ng mga pasistang ahente sa seguridad at depensa sa NTF-Elcac at National Security Council na sipain ang mga patriyotiko at demokratikong kinatawan sa parlamento, na naging tinik sa lalamunan ng mga nagdaang reaksyunaryong rehimen. Ito ay dahil patuloy nilang itinataguyod ang mga isyu ng mamamayan, inilalantad ang korapsyon, at tinutuligsa ang mga paglabag sa karapatang-tao. Militante nilang nilalabanan ang paninikluhod ng rehimeng Marcos sa mga iskema ng US na gamitin ang Pilipinas bilang lunsaran para sa inihahanda nitong gera at pang-uupat sa karibal na imperyalistang China, iskema na sinasang-ayunan at aktibong sinusuportahan ng Akbayan at ng tagabandera nitong si Risa Hontiveros.

Sa pamamagitan ng iba’t ibang galamay at programang pampondo, itinataguyod ng US ang mga “katanggap-tanggap na ‘Kaliwa'” (tinatawag minsan na “awtorisado” o “pinahihintulutang Kaliwa”) na binubuo ng mga grupong repormistang burgis na maling inilalarawan na mga “progresibo” o “sosyalista.” “Katanggap-tanggap” ang mga grupong ito dahil hindi nila hinahamon ang makauring paghahari ng maka-US na malalaking burgesyang kumprador, mga burukratang kapitalista at malalaking panginoong maylupa, ni aktibong nilalabanan ang paghahari ng US sa militar, pulitika, ekonomya at kultura. Layunin ng US na kontrahin ang lakas at impluwensya ng mga pambansa-demokratikong pwersa sa Pilipinas, na walang puknat na nananawagan para sa pambansang paglaya mula sa imeryalistang kontrol ng US, at para sa pagbabago ng mapang-api at mapagsamantalang makauring istruktura sa bansa.

Sa ilang nagdaang eleksyon, ang mga progresibong grupong party-list na ito, na parating nangunguna sa eleksyon sa party-list noong dekada 2000 at 2010, ay naging target ng masinsing kampanya ng pampulitikang panunupil sa porma ng ekstrahudisyal na pagpaslang, pagdukot, pag-aresto, Red-tagging at atakeng militar upang pwersahing kumalas ang mga myembro ng kanilang mga lokal na balangay. Ang suportado ng US na kampanyang ito ng estado laban sa mga grupo ng progresibong party-list ay tumindi simula 2019 at nagpatuloy sa ilalim ng rehimeng US-Marcos na layuning lumpuhin ang ang mga grupo upang hindi epektibong makapaglunsad ng pambansang kampanyang pang-eleksyon. Naging target sila ng pandaraya sa eleksyon sa porma ng automated na pagkakaltas ng boto para unti-unting bawasan ang kanilang nakukuhang pwesto sa parlamento sa nagdaang mga eleksyon. Sa lahat ng mga taktikang ginamit ng AFP-NTF-Elcac laban sa kanila, ito ang pinaka-direktang bigwas na layuning sipain sila sa kongreso.

Ang mga atake laban sa Makabayan ay malinaw na pinlano ng US, ng rehimeng Marcos at ng NTF-Elcac nito alinsunod sa kalalabas na Memorandum Order No. 83 o tinatawag na National Action Plan for Unity, Peace and Development. Naramdaman maging ng Comelec ang panggigipit ng NTF-Elcac nang wala itong ginawa kahit na idineklara nitong isang “paglabag sa eleksyon” ang Red-tagging. Ang pagsisikap na tanggalan ng boses ang mga organisasyong masa ay inilulunsad sa tabing ng pagsugpo sa “insurhensya na nagtatago sa eleksyon,” na katunayan ay mayroong kabaligtarang epekto ng pagtutulak sa mas marami pang tao na lumahok sa armadong rebolusyon.

Kapuri-puri ang mga grupong party-list na ito, kasama ang mga progresibo at patriyotikomg kandidato sa pagka-senador sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, na nagawa pa rin nilang makapaglunsad ng malakas na kampanya sa eleksyon, sa kabila ng lantarang tulak ni Marcos at ng NTF-Elcac na supilin ang kanilang pagsisikap. Binigo ng mga kandidato at tagakampanya ang mga banta ng mga pasistang ahente ni Marcos at kanilang iskema ng pagsupil, habang naglulunsad sila ng pambansang kampanyang masa para ugnayan at palakasin ang kanilang hanay sa malawak na masa.

Ang mga grupong ito, kasama ang mga unyon, organisasyon ng mga estudyante, mga asosasyon ng mga magsasaka at maralitang-lunsod, at iba pa, ay nahaharap sa malaking pampulitikang hamon na ilang ulit na magpalawak at magpalakas ng kanilang organisadong hanay upang mapataas ang kanilang kakayahan na labanan ang panghihimasok ng US sa pulitika at militar at ipaglaban ang kagyat na mga kahingian ng mamamayan. Dapat nilang buuin, konsolidahin at palawakin ang kanilang solidong organisadong lakas. Ang solidong organisadong lakas na ito ang batayang rekisito para epektibo nilang maisulong ang anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalistang mga pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos.

Dapat nilang labanan at ihiwalay ang rehimeng US-Marcos sa pamamagitan ng pagpapaigting ng mga pakikibakang masa para sa mas mataas na sahod, trabaho at mas mababang presyo ng mga bilihin, at kanilang paglaban sa pampulitikang panunupil at pang-aagaw sa kanilang kabuhayan. Kakailanganin nilang magbuo ng isang malapad na nagkakaisang prente at magpaunlad ng matatag na kilusan laban sa umiigting na interbensyong militar ng US sa Pilipinas na nagsasapanganib sa bansa na kinakaladkad ng US sa inuudyukan nitong armadong sigalot sa China.

Sa darating na mga buwan, dapat pakilusin ng demokratikong kilusang masa ang malawak na sambayanan at pagkaisahin ang lahat ng mga positibong pwersa, kabilang ang mga bagong halal sa kongreso, upang isulong ang panawagan ng mamamayan na mahatulan si Vice Presidente Sara Duterte sa Senado para sa korapsyon at iba pang kasalanan, at si Rodrigo Duterte sa International Criminal Court para sa krimen laban sa sangkatauhan. Dapat patuloy na itampok muli ang mga pasistang krimen, korapsyon, at pang-aapi ng rehimeng Duterte para labanan ang mga kasinungalingan at panlilinlang na isinusubo nila sa mamamayang Pilipino.

4. Higit na nalantad sa nagdaang eleksyon ang bulok na kaibuturan ng reaksyunaryong sistema sa pulitika, na kasalukuyang pinaghaharian ng pasista at korap na dinastiyang pulitikal ng mga Marcos at Duterte at kanilang mga tagasunod, na kinatampukan ng automated na dayaan, pampulitikang aregluhan at sistematikong pag-atake para tanggalan ng boses ang malawak na masa ng sambayanan. Sa resulta ng eleksyong 2025, na pinangingibabawan ng luma at bagong kinatawan ng naghaharing uri, tiyak na patuloy na magdurusa sa mas matinding pang-aapi ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng mga patakaran at programa ng rehimeng US-Marcos.

Pinatutunayan ng resulta ng eleksyong 2025 ang pangangailangang makibaka para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasyang bayan, kung saan prayoridad ang interes ng malawak na masa ng manggagawa, magsasaka, ng anakpawis at iba pang demokratiko at patriyotikong sektor at uri. Muli nitong pinagtitibay ang pangangailangan sa paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Kada eleksyon, nagbibitaw ang mga reaksyonaryong partido at pulitiko ng hungkag na mga pangako ng “pagbabago,” sa mapangutyang panliligaw sa malawak na masa ng mga Pilipino na matagal nang naghahangad ng pagbabago. Lalong lumalakas ang panawagan ng mga mamamayan para sa tunay na pagbabago habang sila ay naghihirap dahil sa lumalalang kalagayang sosyo-ekonomiko. Habang mas nalalantad ang bulok at korap na sistema, mas nagiging malinaw sa mga Pilipino na ang pagbabago ay hindi magmumula sa mga reaksyonaryong pulitiko at mga burukratang kapitalistang nangangako nito. Habang hinahamon nila ang dominasyon sa eleksyon ng mga nang-aapi sa bayan, dapat nilang ituon ang pagtanaw sa landas ng pakikibaka lampas sa eleksyon.

Ang pagbabago ay makakamtan lamang ng mamamayang kolektibong nakikibaka at naglulunsad ng paglaban sa mga tumututol sa pagbabago. Sa mga rebolusyonaryong erya, lumilitaw ang pagbabago habang binubuklod ng aping mamamayan ang kanilang hanay at inaarmasan ang kanilang sarili upang baguhin ang balanse ng kapangyarihan at ang mapagsamantalang relasyon ng mga uri.

Sa pamamagitan ng paglulunsad ng digmang bayan, naipupunla ang mga binhi ng demokratikong gubyernong bayan sa kanayunan. Nagpupunyagi ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagtatatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, o mga batayang yunit ng demokratikong gubyernong bayan, na tumatayo sa pundasyon ng lakas ng organisadong mamamayan at armadong pwersa. Taliwas ito sa reaksyunaryong gubyerno na ang bigat ay nakapataw sa mamamayan. Ang Partido at ang Bagong Hukbong Bayan, gayundin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa ng National Democratic Front kapwa sa mga syudad at sonang gerilya ay patuloy na nagpapalakas at nagpapalawak.

Sa diwang ito, nananawagan kami sa sambayanang Pilipino na sumapi at suportahan ang Bagong Hukbong Bayan sa alinmang yunit nito sa buong bansa. Nananawagan kami sa lahat ng may malulusog na pangangatawan at pag-iisip, laluna sa mga kabataan, na magsilbi bilang Pulang mandirigma ng BHB. Sa pamamagitan lamang ng pagbalikat sa mga kahirapan at kinakailangang sakripisyo sa paglulunsad ng digmang bayan mababago ng sambayanan ang takbo ng kasaysayan ng Pilipinas para kamtin ang kanilang mithiin para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Mga susing obserbasyon hinggil sa nagdaang reaksyunaryong eleksyong midterm