Pahayag

Nobyembre: Buwan ng pagkatatag ng Katipunan, Kabataang Makabayan at magkakasunod na labanan sa rehiyon ng Timog Katagalugan

,

Bigo ang mga mayabang na anunsyo at pahayag ng AFP-PNP sa burges na midya na madudurog nila ang BHB at ang paglaban ng mamamayan sa pagtatapos ng taong 2024. Sa kabila ito ng BILYONG PISO nilang badyet, labas pa ang alokasyon sa NTF-ELCAC at pondong nilalaspag at kinukulimbat mula sa lokal na pamahalaan na hosteyds ng militar at pulisya sa ilalim ng palagatasang whole of nation approach. Nakakatanggap pa ito ng ayuda at gamit militar (mga niresiklo/refurbished) mula sa US, Japan at iba pang alyado ng imperyalistang US para lamang durugin ang rebolusyonaryong kilusan. 

Nitong Nobyembre, nabigo ang 203rd Brigade na lipulin ang isang yunit ng NPA-Mindoro. Nakuha ng Pulang hukbo ang inisyatiba at aktibong nagdepensa kaya nakapinsala sa 76th IB sa dalawang labanan sa Socorro at Bansud, sa Oriental ng Mindoro. Walo ang kaswalati, bukod pa ang mga sugatan o maaring namatay sa pagamutan sa hanay ng upahan militar ng 203rd Bde.

Bagamat may mga depensibang labanan sa Mindoro at Laguna na puminsala sa dalawang mahal na kasama, patuloy na tinatangkilik, mahal at nakaugat sa masa. Higit na nagngangalit ang mamamayan sa mga krimen ng 80th IB at 203rd Bde. Sa naganap na labanan sa Famy, Laguna, pinuntirya ng 80th IB ang mga sibilyan kung saan pinaputukan, pinadapa at iginapos ang masang sibilyan at mga bata matapos ang labanan. Sunud-sunod din ang RCSPO ng 203rd Bde sa mga komunidad na malapit sa pinaglabanan sa Socorro aty Bansud sa Oriental Mindoro at San Jose, Occidental Mindoro. Malaking karuwagan at bahag ang buntot ng mga pasista kaya ang binalingan ay mga sibilyang mamamayan. Mga desperadong hakbang ito ng mga talunan sa politika at militar.

Samantala, pag-amin din ng kabiguan ang pag-reinpors sa 1st IB sa Mindoro. Ang 1st IB ay pamoso sa pagpatay ng mga Hor de Combat, sibilyan at opisyal ng barangay at sangkot sa marami pang atrosidad sa masa ng Laguna, Quezon at Rizal. Napailalim sa kumand ng berdugong heneral na si Jovito Palparan, nakapiit sa Muntinlupa dahil sa pagpatay at pag-kidnap sa mga kabataang babaeng aktibista, ang 1st IBPA kaya naman minana nila ang brutal at pasistang pamamaraang tatak-Palparan. 

Sa harap nito, inspirasyon ang mga kasamang martir na nagbuwis ng buhay para sa pinakamamahal na mga magsasaka, katutubo, setler at iba pang aping uri sa kanayunan. Batid ng masang anakpawis na ang BHB ang kanilang tunay na hukbo. Gamit na puhunan ang dugo ng mga martir at mga tagumpay ng rebolusyon, patuloy na nakakapagpalawak at nirereaktiba ng rebolusyonaryong kilusan ang mga baseng bukid. Kailangan ang marubdob na pagkokonsolida ng rebolusyonaryong hanaysamahan at higit na magpalakas sa loob upang makapagpunyaging labanan at gapiin ang kaaway.

Higit na napapanahong balikan ang mga aral sa rebolusyong 1896 matapos ang pagdiriwang sa Araw ng Anakpawis na itinakda noong Nobyembre 30, sa kaarawan ng Dakilang Plebian na si Andres Bonifacio na nagtatag sa KKK na naglunsad ng lumang tipo ng pambansa-demokratikong pakikibaka sa Kolonyalistang Espanyol. Gawing inspirasyon ang Katipunan para paghugutan ng mga gintong aral ng kasalukuyang pambansa demokratikong rebolusyon na ipinatutupad ng BHB sa pamumuno ng PKP-MLM. Maglunsad ng opensibang militar, patatagin ang mga baseng bukid at magpatupad ng rebolusyong agraryo.

Gayundin, pambihirang okasyon ang ika-60 taon na pagkakatatag ng Kabataang Makabayan (KM) na itinaon din sa kaarawan ni Bonifacio. Ang KM ay bukal ng mga kasapi ng Partido, kadreng militar at pampulitika ng Bagong Hukbong Bayan rebolusyon. Puhunan ang tapang, kapangahasan at pamilyarisasyon sa kanilang mga lalawigan ng rehiyon ay naghasik, naipunla at naging moog na mga base ng rebolusyon ang kanilang mga kinilusan. Isang pambihirang katangian ng mga kabataan na di natakot sa batas militar ni Marcos Sr, maging sa mga kampanyang militar ng mga sumunod pang rehimen ay di rin napayukod ang mga rebolusyonaryong kabataan na patuloy na tumahak sa kanayunan at sumapi sa hukbong bayan.

Kaya ang buwan ng Nobyembre 2024 ay dakila at makasaysayan. May isang tangkas tayong dahilan ng pagdiriwang ng patuloy na paglawak at paglakas ng baseng kinikilusan ng BHB, pagtibay ng kapasyahan ng BHB na ipagtanggol ang base at pinsalain ang kaaway at magpreserba at magpalakas ng sarili. Kadugsong ito nang di matutuyuang bukal ng mga kabataan na kasapi ng KM na sumasampa sa BHB at taglay ang mga aral at turo ng luma at bagong tipo ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Patuloy na biguin at labanan ang paninibasib ng pasistang militar sa kanayunan ng rehiyon!
Lubusin ang kilusang pagwawasto at kampanyang edukasyon sa masaROM, BHB at PKP!
Mahigpit na tanganan at huwag bibitaw sa linyang militar ng matagalang digmang bayan ng BHB!
Mabuhay ang baseng lumalaban, Kabataang Makabayan at Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang PKP-MLM!

Nobyembre: Buwan ng pagkatatag ng Katipunan, Kabataang Makabayan at magkakasunod na labanan sa rehiyon ng Timog Katagalugan