Pahayag

NTF-ELcac-AFP-PNP, mistulang mga basang sisiw matapos ang inilunsad na press conferece para sa dalawang organisador ng mangingisda

,

Mistulang mga sisiw na binuhusan ng malamig na tubig ang mga opisyal ng NTF-Elcac-AFP-PNP sa kalagitnaan ng kanilang inilunsad na press conference para kina Jhed Tamano at Jonela Castro, matapos ang matapang na pagbubunyag ng dalawang aktibista ng tunay na nangyari sa kanila mula sa kamay ng NTF-ELCAC at AFP.

Matatandaang dinukot ng mga mersinaryong tauhan ng reaksyonaryong estado sina Tamano at Castro noong Setyembre 2 ng gabi, sa harap ng Orion Water District sa Barangay Lati, Orion, Bataan. Si Tamano ay coordinator ng Community and Church Program for Manila Bay ng Ecumenical Bishops Forum habang si Castro ay isang volunteer para sa AKAP Ka Manila Bay. Ang AKAP Ka Manila Bay ay isang network ng iba’t-ibang sektor na nagtatanggol sa kalikasan, kabuhayan at tahanan na maaapektuhan ng mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Matapos ang halos dalawang linggo ay inilitaw ng AFP ang dalawang kabataan dahil sa kusa umano itong sumuko mula sa pagiging kasapi ng NPA. Matapos nito ay mayabang na nagpahayag si National Security Council Assistant Director-General Jonathan Malaya na maglulunsad umano sila ng isang press conference para kina Tamano at Castro upang ang dalawa na mismo ang magkwento ng totoong nangyari sa kanila.

Ngunit taliwas sa inaasahan ng mga opisyal ng NTF-ELCAC- AFP-PNP, buong tapang na nilahad ng dawalang environmental activist ang labis na panggigipit at pantotortyur sa kanila habang nasa kamay ng mga pasista, dahilan para magulantang ang mga opisyal ng NTF-ELCAC-AFP-PNP at itigil ang nasabing press conference. Sa pag-aakala ng mga pasistang ito na matapos ang matinding pagpapahirap, psywar at tortyur sa dalawang aktibista ay basta-basta na lamang nito mapapasuko. Hindi rin pwedeng igiit at gamiting batayan ng NTF- ELCAC ang ipinakitang pinirmahan ng dalawa na umanoy katibayan ng kanilang pagsuko, dahil nasa kustodiya nila ang dalawang aktibista ng maganap ang pekeng pagpapasurender. Kasabay nito ang pananakot na papatayin sila kapag hindi pumirma.

Matagal nang modus ng NTF-ELCAC at AFP ang pasismo at sapilitang pagpapasuko sa mga sibilyan at mga kasapi ng demokratikong organisasyon upang bigyang katwiran ang epektibo kunong programa ng NTF-ELCACsa pagsugpo sa rebolusyonaryong kilusan.

Animoy mga bangag at mistulang nagmamakaawa sa publiko at sa hanay ng midya upang pilit na pagtakpan ang pagkakalantad ng totoong mukha ng NTF- ELCAC.

Dapat ipanawagan ng malawak na masa ng sambayanan ang kagyat na pagbasura ng NTF-ELCAC dahil ito ang numero unong katulong ng AFP-PNP sa paghasik ng pasismo at pagsupil sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Gamit ang bilyun-biyong pondo mula sa taumbayan.

Samantala, pinupuri ng KM-Camarines Norte sina Jhed Tamano at Jonela Castro sa katapangan at paninindigan sa harap ng kanilang mapait na sinapit sa kamay ng mga pasistang NTF-ELCAC-AFP-PNP. Sila ang halimbawa ng totoong Kabataang may paninindigan at malasakit sa sariling bayan.

NTF-ELcac-AFP-PNP, mistulang mga basang sisiw matapos ang inilunsad na press conferece para sa dalawang organisador ng mangingisda