Pagdaong ng barkong nabal ng US sa Legazpi, layong gawing normal ang presensya ng mga dayuhang tropa sa bansa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ang pagdaong kahapon sa Legazpi City ng barkong nabal ng US, ang City of Bismarck, na lulan ang 500 sundalong Amerikano, Japanese at South Korean ay bahagi ng mga operasyong militar ng US na naglalayong gawing normal ang permanenteng presensya ng mga dayuhang tropa sa bansa. Nakadisenyo ang mga operasyon para magsilbing pampamanhid sa diwang pangkasaysayan at makabayan ng mga Pilipino, na ang pinakalayuni’y ipatanggap sa kanila ang walang pakundangang mga paglabag sa kasarinlan ng bansa.

Ang mga dayuhang sundalong ito na ipinakat sa ilalim ng Pacific Partnership na pinamumunuan ng US ay pinagmumukhang maamo sa pagsusuot ng balabal ng “humanitarian assistance” at “disaster preparedness.” Itinatago nila ang tunay na mapanggerang pakay ng militar ng US, na gamitin ang Pilipinas bilang bahagi ng teatro ng mga operasyon nito sa Asia na bahagi ng estratehiya nitong palibutan at pigilan ang paglakas ng imperyalistang karibal nitong China.

Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagbibigay ng armadong seguridad sa mga tropang US sa Pilipinas. Ang pagdating ng mga tropang US ay karaniwang sinasabayan ng matitinding paglabag sa karapatang-tao, sa pagsupil ng mga lokal na pwersang militar at pulis sa mamamayang tumututol.

Dapat maging alerto ang sambayanang Pilipino at itakwil ang mga iskema ng normalisasyong militar ng US at igiit ang kagyat na pag-alis ng lahat ng sundalong Amerikano at iba pang dayuhang tropa mula sa bansa. Dapat silang makiisa sa mamamayan ng Japan, Korea at iba pang mga bansa na katulad nila’y tutol sa presensya ng mga pwersang militar ng US sa kanilang mga bansa. Dapat silang patuloy na lumaban para sa tunay na pambansang soberanya, tutulan ang ginagawa ng US na paghahanda at pang-uupat ng gera, at igiit ang non-alignment (patakarang walang kinakatigan) ng Pilipinas sa gitna ng inter-imperyalistang tunggalian.

Pagdaong ng barkong nabal ng US sa Legazpi, layong gawing normal ang presensya ng mga dayuhang tropa sa bansa