Pahayag

Pagpupunyagi ng mga kabataan sa TK sa harap ng pasismo ng estado

,

Nagdiriwang ang rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan sa matagumpay na pagkilos ng mga kabataan para sa National Youth Day of Action Against Corruption noong Oktubre 17 sa harap ng samutsaring pakana ng estado na pigilan ito. Umabot ng lagpas 500 ang mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng Calabarzon habang may naglunsad pang online na pagkilos na nilahukan ng 150 netizen. Kasama ng mga kabataan sa protesta ang iba pang sektor ng mga guro, maralita at magsasaka. Karugtong ito ng pagkilos ng libu-libong kabataan sa National Capital Region at iba pang probinsya sa buong bansa.

Sabayang nagkilos protesta ang mga kabataang estudyante sa kani-kanilang mga probinsya. Lumahok dito ang mga estudyante mula sa De La Salle University-Dasmariñas, National University-Dasmariñas, National College of Science and Technology, Asian Institute of Science and Technology, Cavite State University, University of the Philippines Los Baños, City College of Calamba, Lyceum of the Philippines University-Laguna, Pamantasan ng Cabuyao, Lyceum of the Philippines-Batangas, Batangas State University, University of Batangas, Lipa City Colleges, Southern Luzon State University, Manuel S. Enverga University Foundation, Dalubhasaan ng Lunsod ng Lucena at iba pa.

Ang pagkilos ng mga kabataan sa Timog Katagalugan ay bahagi ng nagpapatuloy na protesta sa buong bansa para singilin at papanagutin ang mga burukratikong kurakot. Napakarami na ang namumuhi sa nalantad na ₱545 bilyong korapsyon ng proyektong flood control. Nabubunyag pa ang iba pang pondong malamang na kinukurakot kagaya ng unprogrammed appropriations, confidential and intelligence, iba pang mga programa ng gubyerno tulad ng farm-to-market roads, mga pondong laan sa militar kagaya ng Tatag ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad, intelligence funds, NTF-ELCAC, barangay development program at iba pa. Buong talas nilang dinadala ang panawagang panagutin si Marcos, bilang siyang hari ng kurapsyon sa bansa. Makatwiran at pag-eehersisyo lamang ito ng mga kabataan sa kanilang karapatan para sa malayang pamamahayag, igiit ang transparency ng gubyerno at papanagutin ang mga tiwaling opisyal.

Subalit sa halip na kilalanin ay pilit itong sinusupil ng reaksyunaryong gubyerno. Pumupostura pa si Marcos Jr. na nauunawaan kuno ang mga protesta sa pagsasabing “kung hindi ako presidente, sasama ako sa protesta” pero ang utos nya sa kanyang mga armadong pwersa ay walang-habas na nagpatupad ng marahas na pagsupil sa mga walang kalaban-labang nagpoprotesta. Hindi pa nasapatan dito, nagbuhos ng malamig na tubig ng estado kasabwat ang mga lokal na gubyerno para pahupain ang protesta. Sunud-sunod na nagdeklara ang mga probinsya ng CALABARZON ng suspensyon ng pasok bago pa itinakda ang araw ng protesta at ilang araw pagkatapos nito. Imbing pakana ito ng estado para pigilan ang malakihang walkout na naganap noong Setyembre. Sa takot pa sa pagprotesta ng mga kabataan, nagpakat ang rehimen ng mga pwersa ng AFP-PNP sa iba’t ibang lugar kung saan may mobilisasyon. Sa Rizal, iniulat ang pagpakat ng 200 pulis sa harap ng mga nagpoprotesta at nagsagawa pa ng mapanlinlang na relief operation drive sa mga komunidad para pigilang palahukin ang mga maralita sa pagkilos.

Pangita ang desperasyon ng estado na supilin ang pakikibaka ng mamamayan sa harap ng hindi mapigilang galit ng bayan bunsod ng nalalantad na katiwalian ng reaksyunaryong gubyerno. Nayuyugyog ang rehimeng US-Marcos II sa kabi-kabilang protesta kaya upang isalba ang sarili, sumasalig ito sa kamay na bakal ng estado. Hanggang ngayon, naghahasik ang AFP-PNP ng takot, ligalig at karahasan sa mga komunidad, eskwelahan, pagawaan, sakahan at iba pang pook-trabaho at tipunan ng masang Pilipino. Tugon ito ni Marcos Jr. dahil minumulto siya ng diwa ng Sigwa ng Unang Kwarto noong 1970 kung saan sumambulat ang mga kilos protesta na nilahukan ng puong libo hanggang daang libong mamamayan sa panahon ng kanyang diktador na ama.

Sa harap nito, nagpupugay ang NDFP-ST sa ipinakikitang katapangan at diwa ng mga kabataan, kasama ang iba pang mga sektor, na iparating ang kanilang panawagan. Hindi nila inaalintana ang panganib dahil batid nilang wasto ang kanilang paglaban sa landas ng pambansa demokratikong pakikibaka.

Nananawagan ang NDFP-ST sa mga kabataan at sa malawak na mamamayang Pilipino laluna sa kabataan na ipagpatuloy ang pakikibaka upang singilin at papanagutin ang mga salarin sa korapsyon at paggigiit ng demokratikong karapatan ng iba’t ibang uri at sektor. Kailangan nilang itaas ang antas ng kanilang kamulatan, kaugnay sa ugat ng korapsyon ng gubyerno—na ito ay sistematikong sakit ng burukrata kapitalismo. Dapat magsikap ang pinakaabanteng hanay ng kabataang makabayan na pangibabawan ang lahat ng balakid sa malawakang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Dapat sagpangin ng mga pambansa demokratikong pwersa ang lahat ng pagkakataon para maagap na magbigay linaw sa burukrata kapitalismo at relasyon nito sa pyudalismo at imperyalismo na pangunahing ugat ng kahirapan sa bansa at kung paano ito lulutasin. Kailangang isagawa ang masiglang kampanyang pag-aaral at propaganda at abutin ang malawak na hanay ng sambayanan upang sila’y pukawin, organisahin at pakilusin. Mabilis na itayo ang mga bag-as ng pambansa demokratikong kilusan at paramihin ang kasapian ng kilusang lihim na magdidirehe sa pakikibaka ng mamamayan upang ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Pagpupunyagi ng mga kabataan sa TK sa harap ng pasismo ng estado