Pakikiisa sa linggo ng pag-alala para sa mga martir ng rebolusyong Indian

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishSpanish

Ipinararating ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang hindi nagmamaliw na pakikiisa sa Partido Komunista ng India (Maoista) at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa India sa pagdaos ng kanilang linggo ng pag-alaala (Hulyo 28 hanggang Agosto 3) upang parangalan ang kanilang mga bayani at martir na sukdulang nagsakripisyo para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya ng India.

Nakikiisa kami sa CPI (Maoist) sa pagbibigay-puri sa kanilang mga pinunong nabuwal, sina Kasamang Dama (Sujan Singh Madkam, Rajesh), Kasamang Joganna (Cheemala Narasayya), at Kasamang Sagar (Anne Santosh, Sridhar).

Kung walang sakripisyo ng lahat ng kanilang mga rebolusyonaryong martir, ang inaapi at pinagsasamantalahang masa ng India ay walang rebolusyonaryong kilusan na nagbibigay sa kanila ng pag-asang lumaya mula sa imperyalistang dominasyon at pagsasamantala. Ganito rin ang katotohanan para sa masang manggagawa, magsasaka at iba pang inaapi at pinagsasamantalahang uri at sektor sa Pilipinas, na ang mga adhikain para sa magandang kinabukasan ay hindi matatamo kung wala ang sakripisyo ng mga martir at bayani ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Malalim na komitment sa internasyunal na proletaryong pagkakaisa ang ipinamalas ng CPI (Maoist) sa pagsasama ng mga rebolusyonaryong Pilipinong nabuwal sa kanilang linggo ng pag-alaala. Ipinapahayag namin ang aming malalim na pagpapahalaga sa mga rebolusyonaryong Indian sa pagkilala at pag-alala kay Ka Toto (Dionisio Micabalo), kagawad ng Kawanihang Pampulitika ng PKP, Ka Sandy (Josephine Mendoza), kagawad ng Komite Sentral ng PKP, at Ka Jude Fernandez, matatag na proletaryong haligi ng kilusang manggagawa sa Pilipinas.

Sa gitna ng malalim at matagalang krisis, tiyak na pakakawalan ng mga imperyalista at reaksyunaryong uri ang ibayong kontra-rebolusyonaryong karahasan laban sa mga manggagawa, magsasaka at lahat ng iba pang uri, sa kanilang desperasyon panatilihin ang bulok na sistema. Kaya, upang ibagsak ang lumang sistemang nakabatay sa pang-aapi at pagsasamantala, at palitan ito ng bago, makatarungan at progresibong sistema, ang mga kadre ng Partido at ang malawak na masang anakpawis ay dapat na handa na isulong ang isang buhay-at-kamatayang pakikibaka.

Tunay na walang rebolusyonaryong tagumpay kung walang rebolusyonaryong sakripisyo.

Pakikiisa sa linggo ng pag-alala para sa mga martir ng rebolusyong Indian