Pahayag

Pinapatay ng mga dambuhalang proyektong pang-imprastruktura ang magsasakang Bikolano

Pinapatay ni Gov. Miguel ‘Migz’ Villafuerte at ng iba pang pulitikong nagtutulak ng puspusang pagtatayo ng mga dambuhalang imprastruktura ang magsasakang Bikolano. Nitong Hunyo 3, basta-basta na lamang tinabunan ng municipal government ang ekta-ektaryang taniman ng palay sa Pili, Camarines Sur upang masimulan na ang pagpapatayo ng ala-Colloseum na munisipyo. Kung hindi ito tinabunan, malamang inaani na ito ng mga magsasaka ngayon.

Ito ang danas ng magsasakang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Tinatabunan ng semento at rinaragasa ng mga trak ang kanilang mga taniman upang bigyang-daan ang mga dambuhalang proyektong pang-imprastruktura. Libu-libong ektarya ng taniman ang nababawas sa sektor ng agrikultura kada taon para sa banderang programa ng rehimeng US-Duterte na Build, Build, Build at iba pang proyektong ikabubundat lamang ng mga dayuhang kontrakor, pulitiko at mga kasabwat nilang mersenaryong hukbo at paramilitar.

Sa Bikol, ikinakamatay at ikinagugutom ng libu-libong pamilya ng magsasaka ang talamak na pang-aagaw ng lupa at pagdagsa ng mga proyektong pang-imprastruktura, ekoturismo, mapaminsalang pagmimina at quarrying. Ang pagdagsa ng mga tim ng Retooled Community Support Program (RCSP) at kumpiskasyon ng kagamitan ng maliliit na magkakabod mula sa Lagonoy hanggang sa Tinambac sa prubinsya ng Camarines Sur ay hudyat ng mabilis na pagpapatayo ng malalaking haywey para sa mga dayuhang minahan. Gamit ang militarisasyon, dinarahas, tinatakot at pinalalayas, kung hindi man ay napipilitang lisanin ng mga magsasaka sa Masbate, Albay at Camarines ang kanilang sariling lupa.

Likas sa isang sistemang malakolonyal at malapyudal na isuko ang mayamang lupain ng bansa para sa imperyalistang pandarambong. Paano nga naman makakamit ng Pilipinas ang seguridad sa pagkain, gayong wala nang lupang matamnan ang magsasaka? Paano nga naman matitiyak ng mamamayan ang kanilang kinabukasan, kung ipinagkakait sa kanila ang tangi nilang ikinabubuhay? Ito ang sumpa ng bulok na sistemang babaliin ng mamamayang nakikibaka laban sa pyudalismo, burukrata kapitalismo at imperyalismo.

Mahigpit na nananawagan ang PKM-Bikol sa magsasakang Bikolano at sa iba pang aping sektor ng lipunang ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa. Igiit sa kanilang mga mayor, gubernador at iba pang upisyal ng mga lokal na yunit ng gubyernong tunay na tumindig para sa interes ng kanilang komunidad. Dapat magbigkis ang masang Bikolano upang ipagtanggol ang ikabubuhay ng kanilang kapwa at labanan ang mga dambuhalang proyektong pang-imprastrukturang sisira at papatay sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka.

Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokrationg rebolusyong bayan!

Pinapatay ng mga dambuhalang proyektong pang-imprastruktura ang magsasakang Bikolano