Pinatitindi ng PH-US critical minerals pact ang pandarambong sa yamang mineral ng Pilipinas
Ngayong anibersaryo ng pagsasabatas ng Mining Act of 1995, marapat na buong-lakas na labanan ang pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa imperyalistang pandarambong at pagwasak sa likas na yaman ng bansa. Sa harap ng panibagong kasunduang pinasok ng Pilipinas sa US na PH-US Critical Minerals Pact na lalong magsasailalim sa bansa sa walang-habas na pandarambong sa likas na yaman, nananawagan ang NDFP-ST na dapat itong tutulan at labanan ng mamamayan ng rehiyon at buong bansa.
Sa loob ng tatlong dekada, pinahirapan ng Mining Act of 1995 ang sambayanang Pilipino. Naiulat ang 51.2% pagtaas ng halagang inilalabas ng Pilipinas ng yamang mineral mula $1.95 bilyon noong 2020 tungong $2.95 bilyon noong 2024. Mayor na inilalabas ng Pilipinas ay ang copper at nickel. Habang malaking yaman ang inilalabas ng mga dayuhang kumpanya sa mina sa bansa, iniwan nitong butas-butas ang mga bundok, kalbo ang kagubatan at wasak ang kalikasan. Nasa 7.014 milyong ektarya na lamang ang kagubatan sa bansa; napakalaki ang ibinawas nito mula sa 17.8 milyong ektarya noong 1934. Sa isang pag-aaral, noong Nobyembre 2025, naiulat ang pagkawala ng 9,000 ektaryang kagubatan (forest cover) ng Sierra Madre kada taon resulta ng malawakang pamumutol ng puno at pagmimina.
Binigyang-luwag pa ito sa mga dagdag na batas at probisyon ng gubyerno ng bawat rehimen kagaya ng EO 79 ni Aquino at EO130 ni Duterte na kapwa nagpalala sa malakihang pagmimina sa bansa. Hinikayat nito ang maraming operasyon ng pagmimina kung saan gamit ang EO 79 ay ibinaba ang taripa sa export ng mineral habang inalis ng EO 130 ang moratorium o pagbabawal sa mga bagong mining permit. Sa ilalim ni Marcos Jr., ipinasa ang 99-taong lease agreement na umakit sa dayuhang negosyo habang ibinuyangyang ang mga lupain para sa pangangamkam. Kinatatangian ang pagmimina sa Pilipinas ng open-pit mining na isa sa pinakamapanirang anyo dahil hinahawan at binubutas nito ang mga kabundukan at kagubatan, nagdudulot ito ng pagguho ng lupa at pagkalason ng hangin, lupa, ilog, karagatan, at pinagkukunan ng inuming tubig ng maraming komunidad ng mga katutubo, magsasaka at setler sa kanayunan.
At nitong Pebrero, pumirma ang Pilipinas sa Memorandum of Understanding sa US para sa kritikal na mineral at rare earth elements. Dumalo ang Pilipinas sa inorganisang pulong ng US kabilang ang 53 iba pang bansa para sa isang kasunduang kopohin ng US ang produksyon ng mineral sa daigdig. Nasa likod ng ambisyon ng US na putulin at agawin ang suplay ng China sa kritikal na mineral partikular ang cobalt, nickel, chromite at iba pang rare earth elements sa karera nito para sa pagpapaunlad ng artificial inteligence (AI). Kasalukuyang dominado ng China ang suplay ng mga mineral na 70% ng pandaigdigang suplay ng pagmimina ng rare earth elements at 90% ng pagpoproseso at pagrerepina ng mga kritikal na mineral.
Hindi lamang sa industriyal at komersyal na silbi, kundi maging sa larangang militar ay nangangailangan ng malaking suplay ng mineral para sa AI, computer chips, data center at imprastrakturang pang-enerhiya. Sa tabing ng “pangangailangan ng rekursong enerhiya” at “ligtas na transisyon sa malinis na enerhiya”, ginamit ni Marcos Jr. ang mga palusot na ito bilang matapat na tuta ng kanyang imperyalistang amo. Kung tutuusin, pagsunod ito ni Marcos Jr. bilang tuta, na buong galak na kakawag-kawag ang buntot, sa mga plano ng amo nitong imperyalismong US hindi lamang sa ambisyong mamonopolyo ang rekurso kundi sa paghahasik ng gerang agresyon sa daigdig.
Pinaglalawayan ng US ang nickel ng Pilipinas na pinakamalaking exporter nito noong 2023, ikalawa sa pinakamalaking prodyuser ng nickel at ikatlo sa may pinakamalaking reserbang nickel (higit 10% ng pandaigdigang reserba ng nickel) sa mundo. Sa Timog Katagalugan, pangunahing apektado nito ang Mindoro at Palawan na may mayayamang reserba ng nickel. Tampok na minahan ng nickel sa Palawan ang kumpanyang Ipilan Nickel Corporation, MacroAsia Mining Corporation, Lebach Mining Corporation at Celestial Nickel Mining and Exploration Corporation sa Brooke’s Point, Rio Tuba Nickel Mining Corporation sa Bataraza; habang Mindoro Nickel Project naman ang nasa Sablayan, Occidental Mindoro at Victoria, Oriental Mindoro. Mariin ang paglaban ng mamamayang Palaweño at Mindoreño laban sa naturang mga kumpanya ng mina.
Makatarungan ang paglaban at pagtutol ng mamamayan sa panibagong tagibang na kasunduang pinasok ni Marcos Jr. sa US lalo’t ang bayan ang pangunahing magdurusa sa pinsalang dulot ng malawakang pagmimina. Notoryus ang rekord ng mga dambuhalang minahan sa pangwawasak sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan ng rehiyon. Hanggang ngayon ay hindi pa nalilimutan ng mamamayan sa TK ang pinsalang dulot ng malawakang pagmimina ng Marcopper Mining Corporation sa Marinduque noong dekada 1990. Ang trahedyang ito ang tinaguriang pinakamalaking sakunang idinulot ng pagmimina sa bansa na pakana ng pakikipagsabwatan ng pasistang rehimen ni Marcos Sr. sa isang kumpanyang Canadian.
Nararapat na patuloy na iparating ng mamamayan ang kanilang pagtutol at paglaban sa panibagong kasunduang mineral sa US at mga batas na patuloy na nangwawasak sa kinabukasan ng bayan. Magkaisa upang tutulan at pigilan ang malakihang pagmimina sa rehiyon at buong bansa. Ipinakita ng tagumpay ng pansamantalang suspensyon ng permit sa eksplorasyon ng Woggle Corporation sa Dupax Del Norte sa Nueva Ecija ang matapang at konsistenteng paglaban ng mamamayan at mga grupong makakalikasan. Marapat itong paghalawan ng aral at gawing inspirasyon ng kilusan ng mamamayan laban sa mapaminsala at iresponsableng mina.
Kasabay nito, marapat na palakasin ang armadong pakikibaka sa kanayunan na tunay na garantiya para unti-unting pahinain hanggang ibagsak at wakasan ang estadong nangangalaga at nagtatanggol sa interes ng dayuhan at lokal na mga mandarambong at mangwawasak ng kalikasan. Pinatunayan ng kasaysayang tanging ang New People’s Army ang seryosong Hukbo sa pagpapataw ng karampatang mga hakbangin tungo sa pagpapahinto at pagpapalayas sa mapanirang mga operasyong mina, quarry, dredging at iba pa sa rehiyon at buong bansa.