Puspusang magwasto at iabante pasulong ang makatarungang digma ng Bagong Hukbong Bayan!
Ating marubdob na salubungin ang ika-55 taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan ng may mahigpit na pagtangan sa mga kagyat at kritikal na mga tungkulin ng Kilusang Pagwawasto at malayong tumanaw na ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan at gapiin ang kaaway.
Ating pagpugayan ang lahat ng mga pulang mandirigma at mga kumander na araw-araw na sumusuong at nagpupunyagi sa pinatinding supresyon ng kaaway. Bigyan natin ng pinakamataas na pagsaludo ang lahat ng mga martir ng rebolusyon. Ang bawat patak ng dugo na kanilang idinilig sa matabang lupa ng pag-aalsa ng mamamayang pinagsaamantalahan ay habambuhay na mananalantay sa mga susunod pang henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Ialay natin ang mga sandaling ito sa pinakabagong martir ng rebolusyon na sina Junalice “Ka Arya” Arante-Isita, Bernardo “Ka Mamay” Bagaas at Erickson “Ka Ricky” Cueto na magiting na nakipaglaban hanggang sa kanilang huling hininga sa Rosario, Batangas noong Marso 26, 2024. Gayunrin kina Divine “Ka Zoey” Soreta at Paulo “Ka Isku” Cruz na namartir sa pakikipaglaban sa Guinyangan, Quezon nitong Marso 28. Alalahanin din natin ang lahat ng rebolusyonaryong martir ng Narciso Antazo-Aramil Command-Rizal (NAAC) at ng buong Melito Glor Command sa rehiyong Timog Katagalugan at sa buong kapulaan.
Ang mga rebolusyonaryo sa lalawigan ng Rizal ay nakahandang paigtingin ang mga pakikibaka ng iba’t-ibang batayan at pinagsasamantalahang mga uri at mag-ambag sa pagpapalakas ng itinatayong mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Gayunrin ang pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran.
Tunay ngang walang ibang susulingan ang mamamayan kung hindi ang mag-armas at sumapi sa BHB sa harap ng papatinding krisis ng ating lipunan dulot ng Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo. Dahil sa lumalalim na krisis ay lumiliit ang yaman na nais dambungin ng mga naghaharing uri kung kaya’t tumitindi ang bangayan ng mga imperyalista at ng lokal na pangkating US-Marcos II at kampo ng mga Duterte. Sa harap ng kawalan ng lupa ng mga magsasaka, walang habas na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin, pagkapako ng sahod ng mga manggagawa, El Niño, pandarambong at pagbebenta ng ating mga lupain, kabundukan at karagatan sa mga dambuhalang dayuhang mamumuhunan kasapakat ang mga malalaking burgesya kumprador at mga panginoong maylupa ay patuloy silang nagbabangayan habang pinababayaan lamang maghirap ang naghihikahos ng sambayanan. Upang magawa ang lahat ng pandarambong pilit na inilulusot ang diumanong “ecomic chacha” kahit pa labag sa konstitusyon ang mga pamamaraan.
Mauugat lahat ang paghihirap na ito sa panantili ng malakolonyal at malapyudal na kaayusan ng ating lipunan dahil sa pagkontrol ng Imperyalistang US. Hindi hindi bibitawaan ng US ang Pilipinas bilang maamong malakolonya nito na bagsakan ng kanilang mga surplus na produkto, kapital, kuhanan ng mga murang hilaw na materyales at paggawa at lalo na sa harap ng giriian nila ng isa pang imperyalistang bansang Tsina na humahamon ngayon sa kapangyarihan ng US sa buong mundo.
Habang tumitindi ang krisis ay lalung bumabangis ang kaaway. Kung kaya’t parang mga asong ulol na pinakawalan ng rehimeng US-Marcos II ang AFP-PNP-CAFGU kasabwat ang NTF-ELCAC upang durugin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng BHB, patayin, dukutin, tortyurin, at takutin ang lahat ng nakikibaka para sa demokratikong interes ng mga magsasaka, manggagawa, pambansang minorya, kabataan, kababaihan at iba pang sektor.
Subalit ngayon pa lamang ay bigo na sila. Ang deklarasyon ng Kilusang Pagwawasto ng ating Partido upang iwasto ang ating mga kahinaan tulad ng suhetibismo sa anyo ng empirisismo, konserbatismo, liberalismo at burukratismo ay patunay ng muling paglakas ng armadong pakikibaka at ng buong rebolusyonaryong kilusan. Ibayong magpunyagi at lubusin ang Kilusang Pagwawasto! Itama ang mga Pagkakamali at Ipagtagumpay ang Digmang Bayan!