Rice for All—Palso, Palpak at Band-aid Solution ni Marcos Jr at DA
Hindi nakapagtatakang lumabas sa pa-survey ng isang burges na palatuntunan sa radyo na nagtatanong kung ‘nasisiyasahan sa palabas ng rehimen Marcos Jr na programang Rice for ALL,’ ang landslayd na sagot na ‘DI-NASISIYAHAN’ sa tig-₱40 presyo ng kada kilo ng bigas. Ang programang Rice for ALL ay isang desperado at panakip-butas na kibo ng ilehitimong rehimen ni Marcos Jr. sa harap ng paniningil ng mamamayan sa pangakong ₱20 na kada kilo ng bigas. Malinaw pa sa sikat ng araw na pakitang tao, at para lamang pakalmahin ang namumuong disgusto kay Marcos Jr. sa nagaganap na malawakang nakawan sa kabang yaman sa ilalim ng kanyang pamumuno, walang lubay na pagtaas ng mga bilihin, tulad ng krudo, gasolina, mataas na singil sa kuryente, tubig, at iba pang serbisyo, at kawalan niya ng gulugod na kasuhan, ipaaresto at ipakulong ang mag-amang Duterte.
Nananatili pa rin ang pamamayani at pakinabang ng masisibang importer ng bigas na tumatabo ng daang milyong piso mula sa pagkaltas ng taripa, at malaking tubò sa pagnenegosyo ng bigas, na higit pang pinalobo ng EO 62 ni Marcos Jr. na nagpababa sa taripa mula 35% tungo sa 15%. Marami nang pagdinig sa Senado at Kongreso, pero ni isang matakaw na importer ay walang natukoy para parusahan o ipakulong. Matining na may nabubuong sabwatan ang mga politikong-burukrata at mga buhong na negosyante. Samantala, ang maka-dayuhang kagawaran sa Agrikultura (DA) ay walang maibigay kundi panandaliang solusyon tulad ng Rice for ALL, pakitang-tao pero piling subsidyo na mula sa pera ng mamamayan at marami pang iba.
Ayon din sa Direktor ng National Food Authority o NFA, nakatali ang kamay nila na magbenta ng bigas at mamili ng palay dahil sa Rice Liberalization Law (RLL)—isang kabalintunaan para sa isang ahensya ng gubyerno. Higit sa anim na milyong tonelada ang kasalukuyang nakaimbak na bigas at anumang oras ay mabubulok sa halip na ibenta sa mababang presyo.
Sadyang walang maaasahan sa RLL na isinulong ni Sen. Cynthia Villar na isa sa malalaking importer ng bigas. Naging batas ito noong panahon ng kriminal at mamamatay-taong-rehimen ng matandang Duterte na nag-alis sa kontrol ng estado sa importasyon ng bigas at nagpapababa rin ng buwis o taripa sa mga iniimport na Premium na bigas. Bahagi ito ng pinasok na kasunduan ng Pilipinas sa GATT-WTO, sa ilalim ng patakarang neoliberal sa agrikultura. Hindi pa nakuntento, pumasok pa ito sa RCEP para selyuhan ang lubusang pagpatay sa lokal na agrikultura.
Kaisa at nanianiwala kami sa panawagan ng mga magsasaka, na ang ayuda sa kanilang pagsasaka at pagtangkilik sa pagpapaunlad ng lokal na produksyon ay pansamantalang tutugon sa kanilang suliraning kinakaharap. Pinakawasto ang pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa sa pamamagitan ng rebolusyonaryong agraryo at sama-samang pagkilos ng malawak na masang magsasaka. Kasabay nito, dapat na paigtingin ang mga anti-pyudal na pakikibaka para sa pagpapabuti ng kalagayan ng masang magsasaka at anakpawis. Sinusuportahan din ng PKM-TK ang pagbabalik sa usapang pangkapayaan para iabante ang naunsyaming usapin sa Comprehensive Agreement on Socio-economic Reform o CASER, bahagi nito ang Agrarian Reform and Rural Development at National Industrialisation and Economic Development hindi lamang sa kapakinabangan ng masang magsasaka kundi ng sambayanang Pilipino.