Pahayag

Tutulan ang Mapaminsalang LRT Line-1 Cavite Extension! Ipaglaban ang Karapatan sa Panirikan at Ipagtanggol ang Kabuhayan!

, ,

Tahasang kinukundena ng National Democratic Front-Cavite (NDF-Cavite) ang tangkang demolisyon noong Nobyembre 15, sa mga kabahayan ng 6 na pamilya sa Sitio Tabon, Longos, Barangay Zapote 3, syudad ng Bacoor. Dumating ang mahigit 6 tauhan ng demolition team na may bitbit na mga maso at chainsaw, 3 tauhan ng opisina ng Bacoor Mayor Strike Revilla at 3 na guwardiya mula sa pinagsamang JR18 at VV Security Agency na armado ng mga mahahabang baril.

Bandang 8:30AM, ginambala ang komunidad nang dumating ang demolition team kasama ang mga tauhan ng opisina ng Mayor upang magbaklas ng mga nakatirik na kabahayan. Ayon sa ulat ng mga lokal na residente, sila ay ilang ulit na inintimida, tinakot at binantaan ng demolition team at mga tauhan ng munisipyo na gigibain ang kanilang mga kabahayan kung hindi inilabas ng mga lokal na residente ang kanilang mga gamit at kung hindi sila mag-self demolition.

Matatandaan na noong Septyembre 10, alas-dose nang tanghali nang sumiklab ang sunog sa komunidad na tumupok sa kabahayan ng mahigit 800 pamilya. Matapos nito, nauna pang makapagtayo ng 2 security posts ang pinagsanib na JR18 at VV Security Agency at saka nagkampo sa loob ng Sitio Kanluran. Hindi bababa sa 20 guwardiya ang araw-araw na nakapakat sa loob komunidad at may bitbit na mga mahahabang baril. Sinundan na ito ng sunod-sunod na kaso ng pang-haharass, panunutok ng baril, intimidasyon at pambabanta sa mga lokal na residente.

Kasabay ng demolisyon noong Nobyembre 15 ay ang opisyal na pagbubukas ng unang bahagi ng LRT Line-1 Cavite Extension kung saan pinangunahan ng presidente Marcos Jr. ang inagurasyon nito. Ibinukas ang unang limang istasyon na bahagi ng Phase 1 ng proyekto na sumasaklaw sa mga istasyon sa Redemptorist-ASEANA, Manila International Airport (MIA), Parañaque Intergrated Terminal Exchange (PITX), Ninoy Aquino Avenue at Dr. Santos.

Sa pagtatayo ng proyektong LRT extension, tinatayang hindi bababa sa 43,056 ang direkta at di-direktang maaapektuhan nito. Batay sa mga isinagawang pagsisiyasat, ilan dito ay ililipat sa isang resettlement site sa Barangay Santiago, General Trias na may mahigit kumulang 23 kilometrong layo mula sa syudad ng Bacoor kung saan naghahanap-buhay ang kalakhan ng masasagasaan ng proyekto. Ang nasabing pabahay na ibinigay ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ay ginagamitan ng substandard materials kung saan ang laki ay 2-3 katao lamang ang kakasya at malayo sa main highway. Aabot sa Php 600 ang buwanang hulugan ng mga relocatees at tataas pa ito matapos ang ilang taon.

Kasabay nito, patuloy na kumakaharap ang mamamayan ng Bacoor sa mga banta demolisyon, pagpapalayas at panununog. Ang LRT-1 Cavite Extension ay isa lamang sa maraming pambansang `proyektong pangkaunlaran’ na minamatang itayo at i-debelop sa lalawigan. Sa bisa ng Bacoor Comprehensive Land Use/Sea-Use Plan, binibigyang daan nito ang mga huwad at mapanirang proyekto sa ngalan diumano ng `pagpapasigla ng pamumuhunan at komersyo’ sa lalawigan. Konektado ito sa mga proyektong kumbersyon sa malawak na katubigan ng Cavite tulad ng 421-ektaryang Bacoor Reclamation Project at Diamond Reclamation and Development Project ng Frabelle Fishing Corporation. Ang dalawang proyektong reklamasyon na ito ang naging susi sa pagtatayo ng mga damubahalang imprastraktura na tinatabunan ang komunidad ng mga maralita sa syudad at sumisira sa lokal na produksyon ng Talaba, Halaan at Tahong sa tabing-dagat ng Bacoor. Isang halimbawa dito ang iniluwang proyektong Sydney Oasis ng Filinvest Land na isang condominium complex sa Barangay Talaba 6 na magpapalayas sa higit 1,000 pamilya.

Mula rito, marapat na ipagtanggol at ipaglaban ng lahat ng mamamayan ng Bacoor ang kanilang karapatan sa panirikan at kabuhayan. Sa ipinatunayan ng mayamang kasaysayan ng pakikibaka ng mga maralita, kinakailangang ilungsad ang malawakang barikadan upang harangan ang anumang tangka ng demolisyon at pagpapalayas. Susi upang mapagtagumpayan ito, ang paglulungsad ng isang malawak na kampanyang pagtatahiin ang lahat ng laban ng mamamayan sa buong syudad upang pagkaisahin ang lakas at dumaluyong sa lansangan upang igiit ang kanilang mga karapatan at sumulong sa landas ng pambansa-demokratikong pakikibaka.

Tutulan ang LRT-1 Cavite Extension!
Labanan ang malawakang pagpapalit-gamit sa lupa!

Tutulan ang Mapaminsalang LRT Line-1 Cavite Extension! Ipaglaban ang Karapatan sa Panirikan at Ipagtanggol ang Kabuhayan!