Pahayag

Wakasan ang daan-taong pang-aapi ng imperyalismong US sa Pilipinas Ipagtagumpay ang digmang bayan para sa tunay na kalayaan ng sambayanan!

, ,

Ipinagdiriwang ngayong araw ang ika-127 na taon ng pag-deklara ng taksil na si Emilio Aguinaldo sa kalayaan ng Pilipinas mula sa mga Espanyol habang buong lugod niyang pinapapasok ang imperyalismong US na nagpataw sa Pilipinas ng mas malupit at mapagsamantalang kolonyal na paghahari. Matapos ang ilang taong pagsasanay ng US sa mga lokal na naghaharing uri upang maging kinatawan nito sa pulitika at pagtatayo at pag-aarmas sa sunod-sunurang hukbo, itinatag ang papet na republika at iginawad ng US sa mga Pilipino ang huwad na kalayaan noong Hulyo 4, 1946. Hanggang ngayon, huwad ang kalayaan na ipinagdiriwang ng reaksyunaryong gubyerno tuwing Hunyo 12. Ang Hunyo 12, kung gayon, ay araw ng paggunita sa 127 taong paglaban ng mga Pilipino sa imperyalismong US at araw upang tayo’y manumpa na ipagpapatuloy at ipagtatagumpay natin ang pakikibaka para sa tunay na kalayaan ng sambayanan.

Sa ngayon, si Ferdinand Marcos Jr at kanyang papet na estado ang punong tagapagtanggol ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Lahat ng patakarang pang-ekonomya, pampulitika at pang-militar na ipinatutupad ni Marcos Jr ay nagsisilbi sa pagpapahigpit lalo ng kontrol ng US sa Pilipinas.

Sa ekonomya, pinatutupad ni Marcos Jr ang planong pangkaunlaran na sa esensya’y hakbang-hakbang na pagsasaid at pagbebenta sa natitirang lupa at likas-yaman ng bansa sa mga dayuhan. Pangita ito sa paparami at papalaking mga dayuhang negosyo sa mina, renewable energy at ekoturismo na pinapapasok ngayon sa bansa. Ang pamilihan din ng bansa ay inihahain ni Marcos Jr sa mga dayuhan upang kanilang lunurin sa sobra-sobrang produktong di na mabenta sa sarili nilang mga bansa. Halimbawa na lang nito ang Rice Liberalization Law (RLL), Executive Order 62 at iba pang patakarang nakasalig sa pag-iimport. Pinatitindi ng ganitong mga patakaran sa ekonomya ang pangwawasak sa lokal na produksyon, binabaon sa pagkalugi ang mga Pilipinong magsasaka at lalong tinatali ang Pilipinas sa atrasadong kalagayan na tagapaglikha o mapagkukunan lamang ng mga murang hilaw at semi-processed na materyales at murang lakas-paggawa.

Samantala, matingkad naman sa eleksyong midterm nitong Mayo ang lumalalang panghihimasok ng US sa pulitika ng bansa. Upang mapangalagaan ang interes nito sa bansa, kailangan ng US ng isang matibay at nagkakaisang malakolonyal na gubyerno kaya naman pinangangambahan nito ang kaguluhang dinudulot ng bangayan ng mga Marcos at Duterte para sa kapangyarihan. Dahil naiimpluwensyahan ng karibal ng US na Tsina ang mga Duterte, hindi mapalagay ang US sa posibilidad na madaig ng mga Duterte ang kampo ni Marcos Jr. Upang matiyak ng US na mahahawakan nito ang gubyerno sinuman mula sa mga lokal na naghaharing uri ang maluklok, pinakilos ng US ang mga ahente nito para sa mga pailalim na aregluhan at sabwatan bilang paghahanda para sa eleksyon sa 2028. Ang US ang nasa likod ng madayang eleksyong sinalamangka ng elektronikong pandaraya gamit ang subok na mandarayang Miru System upang garapalang alisan ng boses ang mga tunay na progresibong kandidato.

Higit sa lahat, susi ang tumitinding panghihimasok at agresyong militar ng US sa militar upang tiyakin ang paghahari nito sa Pilipinas. Iwinawasiwas ng US ang mga di-pantay na kasunduang militar tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Defense Treaty (MDT) para maipakat sa teritoryo ng Pilipinas ang libo-libong sundalo at dagdag na mga armas pandigma mula sa US at mga kaalyado nitong bansa. Ang katatapos lang na Balikatan 2025 ay nilahukan ng mahigit 17,000 na sundalo. Liban sa mga sundalong Amerikano at Pilipino, lumahok din ang Australian Defence Force at Japan Self-Defense Force. Gumastos ang US sa Balikatan 2025 ng mahigit 2.5 milyong dolyar.

Pinagmamamalaki ng AFP ang mga ehersisyong militar kasama ang US bilang pagpapataas kuno ng kakayahan ng Pilipinas na ipagtanggol ang sarili. Pinagtatakpan ng AFP ang katotohanang ang US ang numero unong lumalapastangan sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Bulag din na sumusunod ang AFP sa pangangaladkad ng US sa bansa sa pang-uupat ng digma nito sa Tsina.

Bilyong pondo rin ang inilalaan ng Pilipinas taon-taon para sa AFP Modernization Program na ginagamit para sa pagbili ng mga armas at kagamitang pandigma pangunahin sa US. Ginagamit ng berdugo at pasistang AFP ang mga armas na ito sa pagpapatupad ng teroristang kampanya ng estado laban sa sibilyang mamamayan. Sa Mindoro, labis na takot at pangamba ang dinadaing ng mamamayang Mindoreño dahil sa paghuhulog ng bomba, walang habas na pamamaril sa ere at pagpapatupad ng mga lockdown, curfew at kontrol-militar ng 203rd Infantry Brigade sa mga pamayanan. Noong 2024, tumanggap ng sampung Black Hawk helicopter ang Pilipinas bilang parte ng kontrata ng Department of National of Defense (DND) sa ilalim ng proyekto nitong Additional Utility Helicopters Acquisition Project. Dalawa sa mga ito ay ginagamit ngayon ng 203rd Brigade sa isla ng Mindoro kasama ang isa pang cobra helicopter at isang pang helicopter ng PNP. Sa mga armas na ito at paparaming operasyong militar na bumibiktima sa mamamayan ibinubuhos ni Marcos Jr, sa utos ng US, ang bilyong pondo ng taumbayan.

Kasabay ng pagdami ng presenya ng AFP sa kanayunan, pinararami na rin ang mga sundalong Amerikanong nag-ooperasyon sa bansa. Bahagi pa rin ito ng paghahanda sa Pilipinas bilang entablado ng pakikidigma ng US sa Tsina. Layunin ng US na maging normal sa paningin ng mamamayang Pilipino ang presensya ng mga sundalong Kano kagaya ng paano pinipilit ng AFP na gawing normal o pangkaraniwan ang pagdagsa ng bata-batalyong tropa nito sa pamayanan ng mga magsasaka at katutubo.

Ang di deklaradong batas militar sa Mindoro ay pangungundisyon sa isip ng masa–laluna ng mga katutubong Mangyan na pinopokusan ng mga operasyon at pakat ng AFP-PNP-CAFGU–na tanggapin ang presensya ng mga armadong pwersa ng gubyerno at ang paglabag sa karapatang tao na kaakibat ng matinding militarisasyon. Tiyak na mas matinding pang-aabuso lang ang dadalhin ng mga sundalong Kano sa mga pamayanan sapagkat sa US din naman nanggaling ang pasista-teroristang doktrinang itinuturo sa AFP-PNP-CAFGU.

Hangga’t nananatili ang kontrol ng US sa Pilipinas sa iba’t ibang larangan, hindi malaya ang mamamayan. Lalo lamang na malulugmok ang kalagayan ng mamamayang Mindoreño at ng sambayanang Pilipino hanggat ang gubyernong nakatayo ay malakolonyal at di interesado sa pagtataguyod sa interes ng bansa. Dapat matiyaga, mapangahas at malawakang imulat ng mga pambansa demokratikong pwersa sa isla ang masang Mindoreño sa kanilang anti-imperyalistang interes. Mula sa laban para sa kabuhayan ng mga Mindoreño, pagtatanggol sa lupa at ibang likas-yaman laban sa pandarambong ng mga dayuhan, pagpanagot sa AFP-PNP sa mga krimen nito sa taumbayan, dapat iangat ang lahat ng isyu at laban ng masa sa paglaban sa imperyalismong US na siya namang puno’t dulo ng kahirapan at kaapihan ng mamamayan. Dapat pagkaisahin ang mamamayan para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na siyang tanging landas tungo sa ganap at tunay na kalayaan.

Mamamayang Mindoreño, ipagtanggol ang lupa, kabuhayan at soberanya laban sa imperyalismong US! Ilantad at labanan ang kontrol ng imperyalismong US sa bansa!

Ilantad at labanan ang pandidigma ng US sa Mindoro at buong bansa!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, ang tunay na hukbo ng mamamayan!

Wakasan ang daan-taong pang-aapi ng imperyalismong US sa Pilipinas Ipagtagumpay ang digmang bayan para sa tunay na kalayaan ng sambayanan!