Pusakal na mga yunit ng AFP, inambus ng BHB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Tatlong ambus ang inilunsad ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa tatlong prubinsya ng bansa sa nagdaang mga linggo. Pinatamaan ng BHB ang pinakabrutal at pinakapusakal na mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kani-kanilang saklaw na erya.

Sa Surigao del Sur, tatlo ang napatay at isa ang nasugatan sa nag-ooperasyong tropa ng Charlie Company ng 75th IB nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Mahaba, Marihatag noong Oktubre 6. Nakasakay ang mga sundalo sa tatlong motorsiklo nang ambusin sila bandang ala-7:35 ng umaga. Pinaulanan sila ng bala ng mga mandirigma sa lapit na pitong metro.

Sa Masbate, inambus ng isang yunit ng BHB ang mga CAFGU na bumabyahe sa hangganan ng Barangay Mambog at Buenaflor sa Dimasalang noong Oktubre 7. Isa ang napaslang at isa ang nasugatan sa mga sundalo. Nakasakay sila sa motorsiklo at papauwi matapos ang 15-araw na pagbabantay sa detatsment ng 2nd IB sa Barangay Miabas, Palanas.

Sa Albay, tinambangan ng BHB-Albay ang 16-kataong yunit ng 49th IB sa Barangay Bagacay, Jovellar noong Oktubre 3. Pitong sundalo ang napaslang sa naturang ambus. Apat ang kumpirmadong agarang napatay sa armadong aksyon. Sa sumunod na araw, isa pang bangkay ang natagpuan sa pinangyarihan ng insidente habang dalawa ang malubhang nasugatan na namatay kalaunan.

Pusakal na mga yunit ng AFP, inambus ng BHB