Titindi ang krisis sa paghahati ng Maguindanao

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Sa kabila ng naiulat na mga iregularidad sa plebisito ng Maguindanao noong Setyembre 17, idineklara ng Commission on Elections ang “pagpapatibay ng mamamayan” sa panukalang hatiin ang lalawigan sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur. Itinuturing ito ng mga lokal na burukrata at maimpluwensyang mga angkan bilang simula ng katuparan ng kanilang “magagandang pangarap” para sa prubinsya. Ngunit para sa mas nakararaming mamamayan, mailap pa rin ang kapayapaan at walang malinaw na kalutasan ang kanilang paghihirap.

Isa ang Maguindanao sa timog sentral Mindanao sa pinakamalawak na prubinsya sa bansa. Dito matatagpuan 288,000-ektaryang Liguasan Marsh na sinasabing nagtataglay ng langis at natural gas na nagkakahalaga ng $580 bilyon. Ito rin ang pinakamalawak na konsentrasyon ng wetlands (matubig na kalupaan) sa buong bansa. Matatagpuan dito ang masasaganang pangisdaan at malalawak na taniman ng palay at mais. Isa itong sentro ng biodiversity na tirahan ng mga endemikong ibon at iba’t-ibang uri ng mga hayop at mga halaman.

Noong 2020, nasa 1,342,179 ang populasyon ng prubinsya. Mayorya nito ay mga Morong Maguindanao at Iranun. May malaking bilang din ng mga Lumad na Teduray, Lambiangan at Dulangan Manobo. Pinakamalaki ang konsentrasyon ng Teduray sa dalawang bayan sa hilagang kanluran ng Daguma Range. May malaking bilang din ang iba pang mga grupong Lumad sa 39 na mga barangay sa siyam na mga munisipalidad.

Isa ang Maguindanao sa nangunguna sa talaan ng pinakamahirap na lalawigan sa buong Pilipinas sa datos noong 2021. Dito nakatira ang ilan sa pinakamayaman at lubos na makapangyarihang mga dinastiya na nagbabangayan sa pulitika. Marahas na nagtutunggalian ang mga ito gamit ang kani-kanilang armadong grupo. Sa loob ng mahabang panahon ng kanilang paghahari ay dumaranas ng malubhang pagdurusa ang mamamayan ng prubinsya dahil sa matinding korapsyon at walang patid na karahasan.

Magsasaka ang malaking mayorya ng mamamayan sa prubinsya. Pangunahing problema nila ang kawalan ng lupa at labis na pang-aapi’t pagsasamantala ng mga mayayamang angkan na kumukontrol ng malalawak na lupain. Dumaranas sila ng mararahas na atake at walang habas na pang-aagaw ng lupa.

Sila ang pinakabulnerableng biktima ng kampanyang “kontra-terorismo” at mga pambobomba ng AFP. Malimit din silang nadadamay sa mga rido o armadong tunggalian ng mga angkan o grupo. Ito ang mga dahilan ng malawakang dislokasyon ng kanilang mga komunidad at pagkakasira ng kanilang kabuhayan. Dulot nito ay matinding kahirapan at gutom habang maraming kabataan ang hindi nakapag-aral o napilitang huminto sa pag-aaral.

Mas titinding kahirapan at dislokasyon

Ang paghahati sa Maguindanao ay isang manipulasyon para itakda ang hangganan ng nagbabangayang mga dinastiya sa pulitika. Kontrolado ng pamilyang Sinsuat ang isang bahagi na kikilalanin na ngayon bilang Maguindanao del Norte. Sa kabilang bahagi ang kaharian ng mga Mangudadatu na naging Maguindanao del Sur. Umaasa ang pamahalaan na sa ganitong anyo ng pulitikal na akomodasyon ay mareresolba ang mga tunggalian ng makapangyarihang mga angkan. Pagkakataon ng bawat panig para igiit ang kani-kanyang kontrol sa hawak na teritoryo.

Sa hatian, walang anumang batas o programang ihinapag para sa kabutihan ng mga residente ng prubinsya. Sa halip, tiyak na titindi ang pagsasamantala at pang-aapi ng mga dinastiyang may monopolyo sa kapangyarihan. Tiyak na titindi ang pagsasamantala at korapsyon ng mga burukrata.

Mas titindi pa ang pang-aatake ng mga panginoong maylupa na nasa poder laban sa mga komunidad ng Lumad para agawin ang kanilang lupa at likas na yaman. Asahang lalawak pa ang militarisasyon sa tabing ng “pagdepensa” sa mga Lumad at Moro laban sa “terorismo.” Sa likod nito ang mga interes ng mga dayuhang kumpanya at kasapakat nilang lokal na burukrata para sa pagtatayo ng mga komersyal na plantasyon ng kahoy, agribisnes at pagmimina.

Titindi ang krisis sa paghahati ng Maguindanao