Masidhing pagsasamantala sa naghihingalong industriya ng damit

,

Hindi nagsimula at hindi magtatapos sa 4,000 sinisanteng manggagawa sa mga pabrika sa Mactan Export Processing Zone (MEPZ) ang malawakang tanggalan sa industriya ng damit. Madagdagan pa ang mga mawawalan ng trabaho, babala ng mga negosyanteng kasapi ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (Conwep). Idinadahilan ng grupo ang mahina na pandaigdigang demand para sa bagong mga kasuotan. Bagamat sinabi nito na maraming pabrika ang “pansamantalang magsasara,” permanente ang pagsisisante sa mga manggagawa.

Ngayong taon lamang, nasa 3.5% hanggang 4% (10,800) na sa kabuuang 270,000 manggagawa sa mga export processing zone na nagpoprodyus ng “wearables” (damit, bag, sapatos at gamit pangbyahe) ang sinisante ng mga kumpanya, ayon sa Conwep. Maaari itong umabot sa 8% hanggang 10% o 27,0000 manggagawa kung hindi gaganda ang kundisyon ng pandaigdigang pamilihan. Kabilang sa mga pinoprodyus nila ang kasuotang tatak Adidas, Under Armour, Lululemon at iba pa. Inieksport sa US ang mahigit 80% ng nalilikhang produkto.

Matagal nang naghihingalong industriya

Noong 2019, naglatag ang Bureau of Investments ng plano para sa industriya ng damit at tela na naglayong pabilisin ang produksyon ng mga pabrika, na karamihan dayuhan, tungo sa pagiging ika-10 na eksporter ng damit sa buong mundo pagsapit ng 2026. Suntok sa buwan ang gayong ambisyon lalupa’t tuluy-tuloy ang pagdausdos ng subsektor mula dekada 1990 dulot ng katangian nitong nakaasa sa imported na materyal.

Pinatampok ng pandemyang Covid-19 ang likas na kahinaan ng pagmamanupaktura ng damit. Bumulusok nang hanggang 40% ang mga order sa eksport mula sa mga bansang may mahihigpit na lockdown. Matindi ang tama rito ng mga restriksyon na nagdulot ng kasalatan ng imported na materyal, limitasyon sa pagluluwas ng gawang produkto at matataas na gastos sa transportasyon. Sa unang apat na buwan ng pandemya, mahigit 20,000 manggagawa ang agad na tinanggal sa trabaho.

Sinamantala ng mga kumpanya sa sektor ang pagkakataong ito para lalong pigain ang lakas paggawa ng mga manggagawang Pilipino. Pinaliit nila ang kanilang mga operasyon para magbawas ng gastos sa pamamagitan ng kara-karakang pagtatanggal sa hanggang 30% ng kanilang pwersa sa paggawa, pagpako at pagbabawas ng sahod, pagbabawas ng oras ng paggawa, di pagbabayad ng mga benepisyo tulad ng 13th month pay, pwersahang pagpapabakasyon (forced leave) at mga kaayusang work-from-home.

Nagpapatuloy ang mga tanggalan at restructuring ng mga kumpanya sa gitna ng “pagbangon ng ekonomya.” Ipinagmayabang ng Foreign Buyers Association of the Philippines noong Marso na dodoble ang halaga ng mga inieksport na panamit ng bansa ngayong 2022 alinsunod sa natanggap na nitong mga order. Ibinatay ng grupo ang taya sa “pagrekober” ng subsektor na na-eksport nitong produktong may halagang ₱1.052 bilyon noong 2021. (Taliwas ito sa unang taya na ₱600 milyong lugi para sa taon.) Noong Setyembre lamang, inanunsyo ng gubyerno na siyam na multinasyunal na kumpanya ng damit ang interesadong magkaroon ng operasyon sa bansa.

Mala-aliping sahod at mga kundisyon

Bukambibig ng mga kumpanya sa damit ang dahilang “pagkitid ng merkado” para sa tuluy-tuloy na tanggalan, pagpako sa dati nang napakababang pasahod at higit pang pagpiga sa mga manggagawa. Sa kaso ng mga manggagawa sa MEPZ, kara-karaka at arbitraryo ang pagtatanggal sa mga manggagawa. Walang paliwanag o ibinigay na mga batayan sa pagsisisante sa bawat isa. Mas malala ang mga balitang agad silang pinapalitan ng bagong kontraktwal na mga manggagawa.

Matapos sisantehin ang sangkapat ng pwersa sa paggawa, agad na itinaas ang kota ng mga manggagawang natira. Ang mga hindi nakaaagapay ay pwersahang pinagbabakasyon. Sa ganito nabatid ng mga manggagawa na hindi ang “pagbaba ng mga order” ang tunay na dahilan ng mga tanggalan kundi ang lalupang pigain ang kanilang lakas-paggawa.

Aktibong nilalabanan ng mga kumpanya ang pag-uunyon ng mga manggagawa kahit bago pa magpandemya. Sa gayon, ipinagkait sa kanila ang karapatan na makipagtawaran, maglabas ng lehitimong mga hinaing at maggiit ng mas makataong kundisyon sa paggawa. Walang masusulingan ang mga manggagawang hindi pumirma sa mga papeles na nagtatanggal sa kanila at nagsampa ng kasong iligal dismissal. Wala rin silang habol sakaling muling magbukas sa hiring ang mga kumpanya.

Patay na industriya ng tela

Isa sa matagal nang idinadahilan ng mga kumpanya sa damit para magsisante ng mga manggagawa at magsara ng mga pabrika ang kahirapan ng pag-import ng materyal. Anila, nagsilipat ang malalaking kumpanya sa mga bansang may lokal na produksyon ng tela at malalaking kapasidad sa produksyon tulad ng Vietnam, India at Thailand.

Ang totoo, matagal nang patay ang lokal na industriya ng tela, na itinuturing na gulugod sa pagmamanupaktura ng damit. Huling naabot ng industriya ng tela ang kapasidad nitong magsuplay sa lokal na pagmamanupaktura noong dekada 1950 hanggang 1960.

Nagsimula itong dumausdos sa dekada 1970 matapos ipinag-utos ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr na ibaling ang industriya mula sa pagmamanupaktura para sa lokal na pabrika tungo sa pagmamanupaktura para sa eksport. Nabansot ang industriya dahil sa kawalang suporta ng estado at nangalugi at nagsisara ang mga pabrika. Tuluyan itong pinatay ng liberalisasyon sa importasyon ng gawang tela mula maagang bahagi ng dekada 1980. Sa kalaunan, maliitang paghahabi-sa-kamay (handweave) at atrasadong looms na nagpoproseso ng lokal na fiber tulad ng pinya at abaka at ang mangilan-ngilang pabrika ng telang pang-eksport ang natira sa industriya. Wala itong anumang kaugnayan sa industriya ng damit na buong nakasalalay sa imported na hinabing tela at iba pang materyal.

Masidhing pagsasamantala sa naghihingalong industriya ng damit