Pananalasa ng AFP sa mga sibilyan sa Himamaylan
Hindi bababa sa 500 tropa ng 303rd IBde at pulis ang kumubkob sa mga barangay ng Himamaylan City sa Negros Oriental noong gabi ng Oktubre 5. Ipinailalim nila ang ilang barangay ng Himamaylan City halos 10 araw na lockdown. Pinalikas nila ang humigit kumulang 18,000 residente (o 16% ng kabuuang populasyon) at pinigilan ang kanilang galaw at ekonomikong aktibidad.
Bago nito, anim na sundalo ang napatay sa ambus ng BHB-South Central Negros sa nanghahalihaw na mga tropa ng 94th IB sa Sityo Sig-ang, Barangay Carabalan sa naturang syudad noong Oktubre 6. Nasundan ito ng isa pang sagupaan noong hapon ng parehong araw. Muling nagkaroon ng sagupaan noong Oktubre 8 sa Sityo Malangsa kung saan inamin ng militar na dalawang sundalo ang napatay at anim ang nasugatan.
Ginamit ng AFP ang mga sagupaang ito para lalupang patindihin ang militarisasyon sa lugar. Ibinuhos nito ang mga tropa ng 94th IB, 62nd IB, 16th Scout Ranger Company, at pwersa ng Special Action Forces sa syudad at mga helikopter, drone, spotter plane at kanyon sa malawakang operasyon.
Kinanyon ang Barangay Carabalan, partikular ang Sityo Sig-ang, at Barangay Mahalang mula Oktubre 6 hanggang Oktubre 8. Walong insidente ng panganganyon ang naitala ng mga residete na tumama sa mga tubuhan, ilog na pinagkukunan ng tubig at kalapit na kagubatan.
Pinuruhan ng militar ang Barangay Carabalan na matagal nang target nitong tayuan ng detatsment. Mula Oktubre 6, kinordon ang mga sityo nitong Sig-ang at Medel sa kabila nang wala na roon ang nakasagupa nitong yunit ng BHB. Pitong manggagawa sa tubuhan ang hinuli at tatlong araw na ikinulong at ipinailalim sa matinding tortyur at interogasyon. Puno ng pasa at sugat sina Pablo Abela Jr., Lito Abela, Angelo Abela, Alpredo Abela, Homer Liansing, Angelo Alejo at Hendro Alejo nang pauwiin sila ng militar.
Pinalabas nitong napaslang sa isang pekeng engkwentro noong Oktubre 10 ang tagapagsalita ng BHB-Negros na si Ka Juanito Magbanua sa Sityo Medel. Ibinalita rin nitong “engkwentro” ang pagpapaulan ng bala ng 94th IB sa 15 kabahayan ng Tribu Ituman-Maghat-Bukidnon sa Purok Maliko-liko, Sityo Cunalom sa parehong barangay noong Oktubre 12.
Nilimitahan ng mga sundalo ang kilos ng mga residente. Itinayo nila ang napakaraming tsekpoynt kung saan pinilit ang lahat na magpakita ng papeles para makadaan. Itinaboy nila ang mga residente sa kanilang bahay at ikinulong sa mga ebakwasyon. Pinagbawalan silang kapanayamin ng lokal na midya.
Sa kasagsagan ng operasyon, maraming bahay ang niransak at pinasok ng militar sa hinalang tagasuporta sila ng BHB. Kinatay pa ng mga sundalo ang ilang alagang hayop ng mga magsasaka. Nakabalik lamang sa mga baryo ang mga bakwit noong Oktubre 15 sa kanilang paggigiit.
Matagal nang nagsasagawa ng mga operasyong kombat ang 94th IB para hawanin ang Himamaylan para sa mapangwasak na pagmimina, pagtotroso at iba pang imprastruktura. Bahagi ang syudad sa target na tayuan ng Ilog-Hinabangan River Basin Project. Ang mga kabundukan nito ay sagana sa mga mineral na target naman ng mga kumpanya sa mina. Ang mga proyektong ito ay mahigpit na tinututulan ng mga residente sa lugar.
Papalawak na pokus ng militarisasyon
Binuhusan din ng militar ng mga tropa ang karatig lugar ng Himamaylan. Tinatayang 200-300 sundalo ng 62nd IB ang nag-ooperasyon sa mga hangganan ng mabundok na bahagi ng Canlaon, Guihulngan, Moises Padilla at Vallehermoso.
Nagsimula ang pangungubkob ng militar noong Oktubre 10 matapos palibutan at iransak ng 30-kataong yunit ng 62nd IB ang bahay ni Plesing Menosa sa Barangay Calupaan, Vallehermoso. Labis na troma ang dinanas ng pamilyang Menosa dahil sa ginawa ng mga militar.
Sa Barangay Hilaitan at Hibaiyo sa Guihulngan, sapilitang pinasok ng mga sundalo at hinalughog ang mga bahay ng mga residente. Nagpapakalat ang mga sundalo ng mga larawan ng kung sinu-sinong pinararatangan nilang mga kasapi ng hukbong bayan.
Sa Moises Padilla, pinaulanan ng bala ng mga sundalo ang bahay ni Merlinda Benero sa Sityo Tagbak, Barangay Macagahay noong Oktubre 13. Ninakaw nila ang limang manok ng pamilyang Benero.
Bilang tugon, naglunsad ng operasyong isnayp ang hukbong bayan noong Oktubre 12 laban sa 62nd IB sa Sityo Mapun-as, Barangay Guba, Vallehermoso. Isang sundalo ang napatay.