2 sibilyan, pinatay ng 2nd IB sa Masbate

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Pinaslang ng 2nd IB si Carlito Ahina sa Sityo Mabuhay, Barangay Mabini, Palanas, Masbate noong Oktubre 8. Pinalibutan ng mga sundalo at pulis ang kanyang bahay bago pagbabarilin. Kasama ni Ahina sa loob ng kanilang bahay ang kanyang mga anak nang maganap ang insidente. Nasugatan sa binti ang kanyang anak na babae.

Dating kasapi ng BHB si Ahina na isang taon nang di aktibo. Pinaslang siya matapos tumangging magpagamit sa mga sundalo para ipahamak ang BHB at masa.

Namatay naman sa labis na pagpapahirap si Norvil Generoso Pepito, residente ng Barangay Mambog, Dimasalang, sa kamay ng 2nd IB sa kampo nito sa Barangay Paguihaman, Uson, Masbate noong Oktubre 12.

Ipinatawag ng 2nd IB si Pepito sa kanilang kampo para interogahin sa paratang na sangkot siya sa isang armadong aksyon ng BHB. Ipiniit, pinahirapan at inabuso si Pepito simula Oktubre 10 hanggang 12. Naabutan pa ng kanyang asawa at kapitan ng kanilang barangay na naghihingalo si Pepito ngunit hindi na umabot nang buhay nang dalhin sa ospital.

Iligal na pag-aresto. Patraydor na inaresto ng PNP sina Kara Taggaoa ng Kilusang Mayo Uno at Larry Valbuena, presidente ng PASODA-PISTON, noong Oktubre 10. Nasa Quezon City Trial Court ang dalawa para harapin ang gawa-gawang kasong isinampa sa kanila na pagnanakaw nang patraydor silang arestuhin sa hiwalay na kasong direct assault.

Panggigipit. Dinala ng mga pulis sa presinto sa Tiaong, Quezon si Felizardo Repaso, lider-magsasaka sa Quezon at 10 pang indibidwal noong Oktubre 20. Hinarang sila sa daanan sa Tiaong habang bumabyahe papuntang Quezon City para dumalo sa isang dayalogo sa Department of Agriculture.

2 sibilyan, pinatay ng 2nd IB sa Masbate