Nagugutom ang gumagawa ng pagkain

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Hungkag para sa mga magsasaka at mangingisda ang pangako ng rehimeng Marcos na titiyakin niyang “abot-kamay” at “masustansyang pagkain” para sa bawat Pilipino. Hindi lamang wala siyang ginagawa, pinatitindi ng kanyang mga neoliberal na patakaran ang kagutumang dinaranas ng mga gumagawa ng pagkain.

Kabilang ang mga magsasaka at mangingisdang Pilipino sa mahigit 828 milyong mamamayan sa buong mundo na nakaranas ng gutom noong 2021, ayon sa United Nations Food and Agriculture Organization (FAO). Sa kabila ng taun-taong pangakong suporta sa sektor pang-agrikultura at mga programang nutrisyon ng mga nagdaang gubyerno, nanatili ang Pilipinas sa listahan ng FAO sa 63 bansa na may pinakamalaking bilang ng mamamayan na “undernourished” o kulang sa nutrisyon.

Walang suporta ang estado para agapan ang nagtataasang gastos sa produksyon sa agrikultura. Ayon sa grupong Amihan, ang kabuuang gastos sa pagtatanim ng palay noong huling siklo ay ₱53,000 sa Nueva Ecija. Pangunahin dito ang napakamahal na pataba na nagkakahalaga ng ₱16,400 para sa Urea at Triple 14. Anila, pinalulubha ng mga kalamidad na dala ng climate change tulad ng mga bagyo ang kalagayan ng mga magsasaka.

Dagdag na pasakit ang dinaranas ng mga magbubukid na paninindak at pananakot kapag ipinaglalaban nila ang kanilang karapatan sa lupa. Sa halos lahat ng sulok ng bansa, biktima ang mga magsasaka ng red-tagging, iligal na pag-aresto at detensyon, ekstrahudisyal na pamamaslang at samutsaring paglabag sa karapatang-tao. Marami sa mga kaso ng paglabag sa kanilang mga karapatan ay di umaabot sa midya at mga sentro.

Nagugutom ang gumagawa ng pagkain