14-anyos na bata, inaresto ng militar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa BisayaEnglishHiligaynon

Inaresto at ininteroga ng 94th IB noong Nobyembre 14 ang 14-anyos na batang babae na si Jelca Ariola sa Sityo Suba-Suay, Barangay Mahalang sa Himamaylan City, Negros Occidental sa paratang na anak siya ng Pulang mandirigma. Pauwi galing eskwelahan si Ariola nang lapitan ng militar at dalhin sa detatsment. Pinakawalan siya matapos ang ilang oras na panggigipit at pananakot. Sa parehong syudad, binugbog at ininteroga ng 94th IB si Tata Balasabas sa Sityo Pisok, Barangay Buenavista noong Nobyembre 11.

Iligal na inaresto ang magsasakang si Charlie Lelis noong Nobyembre 1 sa Barangay Sangat, Gubat, Sorsogon sa gawa-gawang kasong pagpatay at tangkang pagpatay. Idinawit si Lelis sa isang engkwentro ng Bagong Hukbong Bayan at mga sundalo.

Pinasabugan ng M203 at inistraping ng 203rd IBde ang mga bahagi ng Barangay Rizal, Aguas, at Pitogo sa Rizal, Occidental Mindoro, ala-1 ng madaling araw noong Nobyembre 6. Sa sumunod na araw, walang habas na pinaulanan ng bala ang katabing barangay ng Manoot, Rizal. Tinatayang 100 pamilya ang lumikas para sa kanilang kaligtasan.

Operasyong militar sa Negros

Mula Nobyembre 2, nag-ooperasyon na ang 300-400 tropa ng 62nd IB sa hangganan ng mga bayan ng Binalbagan at Isabela sa Negros Occidental at La Libertad sa Negros Oriental. Hindi bababa sa 10 barangay at 20 sityo ang apektado ng naturang operasyon. Sa ilang lugar ay nagpapatupad ng curfew ang mga sundalo. Nagkakampo rin sila sa mga sentro ng barangay, bahay ng mga residente at iba pang sibilyang istruktura. Gumagamit sila ng mga drone na nagdudulot ng takot sa mga residente dahil sa maingay nitong tunog.

Noong Nobyembre 5, iligal na inaresto si Tonie Elod matapos halughugin ng 62nd IB ang kanyang bahay sa Sityo Mabato, Barangay Talaon, La Libertad. Dinakip din nila si Joel Carpio, komprador ng baboy na taga-Barangay Cansumandi. Nilagyan ng plastik ang kanyang ulo habang kinakastigo.

Pitong magsasaka ang ininteroga at tinakot ng mga sundalo, at hindi bababa sa limang kabahayan ang pinasok at isang bahay ang niransak sa mga Barangay Macasilao at Winaswasan sa Calatrava at barangay Bug-ang at Magticol, Toboso noong Oktubre 19. Ang mga paglabag na ito ay bunga ng panibagong bwelo ng mga nakapokus na operasyong millitar sa mga bayan sa Northern Negros mula Oktubre.

14-anyos na bata, inaresto ng militar