Konsultant ng NDF at lider-magsasaka, pinaslang ng militar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Pinatay ng mga elemento ng 94th IB at 47th IB sina Ericson Acosta at Joseph Jimenez noong Nobyembre 30 sa Sityo Makilo, Barangay Camansi, Kanbankalan City, Negros Occidental. Si Acosta ay konsultant ng National Democratic Front (NDF) sa usapang pangkapayapaan habang si Joseph Jimenez ay lokal na organisador ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at upisyal ng lokal na samahang magsasaka sa Barangay Camansi. Dinakip ang dalawa bandang alas-dos ng madaling araw, pero pinalabas na napatay sa isang engkwentro kinaumagahan.

Si Acosta ay isang kilalang makata, manunulat at komposer ng kanta. Kinilala siya ng Partido na isa sa importanteng kadre at mandirigma sa Negros. Naging bahagi siya ng panel ng NDFP na naghanda sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) sa pormal na usapang pangkapayapaan noong 2016.

Ayon sa paunang mga ulat ng September 21 Movement, para palabasing mayroong engkwentro sa lugar, pinaulanan ng bala ng mga sundalo ang bahay ni Ronald Francisco, kung saan nagpapahinga sina Acosta. Matapos nito, kinuha si Francisco, kanyang asawa at tatlo nilang anak at dinala sa kampo ng militar.

Noong Nobyembre 30, sa araw mismo na naibalita ang kanilang pagkamatay, nagtipon ang mga demokratikong organisasyon sa harap ng Commission on Human Rights para kundenahin ang pagpaslang sa dalawa.

Dalawa pang biktima

Pinatay din ng tropa ng 62nd IB, imbes na lapatan ng paunang lunas, ang dalawang sugatang Pulang mandirigma sa Sityo Binataan, Quinten Remo, Moises Padilla noong Nobyembre 28. Nasugatan sina Mario Baldusa (Ka Jekoy) at Janhel Sarsa (Ka Jorge) sa isang engkwentro umaga ng araw na iyon.

Imbes na gamutin, alamin ang pagkakakilanlan, at ideklarang bihag ng digma, tuluyang pinatay ng 62nd IB ang dalawa.

Dagdag ang apat sa higit 100 rebolusyonaryo at sibilyang wala sa katayuang lumaban na sadyang pinaslang ng militar mula 2017 hanggang sa kasalukuyan. Taliwas ang pagpatay sa kanila sa mga tuntunin ng makataong pakikidigma at sa mga proteksyong taglay ng mga indibidwal sa ilalim ng CARHRIHL at mga Geneva Conventions.

Konsultant ng NDF at lider-magsasaka, pinaslang ng militar