Koresponsal Pang-aagaw ng lupa sa Isabela sa tabing ng kaunlaran

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Mayaman sa rekursong dagat at lupa ang bayan ng Divilacan, isang lugar sa prubinsya ng Isabela na nakasandig sa Sierra Madre at nakatanaw sa Pacific Ocean. Mayroon itong 12 barangay at halos 6,000 residente. May lawak itong 89,000 ektarya. Malaking bahagi ng bayan ay maituturing na lupaing ninuno ng katutubong Dumagat at Agta. Idineklara itong munisipalidad noong 1969.

Sa likod ng inilalakong imaheng paraiso ng bayan, atrasado ang kabuhayan at lugmok sa hirap ang mamamayan ng Divilacan. Walang titulo o anumang katibayan sa pagmamay-ari ng lupa ang karamihan sa mga residente. Sinamantala ito ng mga panginoong maylupa, burukrata-kapitalista at kanilang mga dayuhan at lokal na kasosyo para malawakang agawin ang lupa ng mga katutubo at magsasaka.

Dalawang engrandeng proyektong imprastruktura—ang 62-kilometrong Ilagan-Divilacan Road at Divilacan Airport—ang inilatag sa bayan para sa kapakinabangan ng mga mang-aagaw ng lupa. Inilarawan na pag-“asenso” ang Ilagan-Divilacan Road, kalsadang nagdudugtong sa bayan sa kabisera ng Isabela. Pero sa halip na asenso, delubyo ang hatid nito sa mamamayan nang matabunan ng landslide ang halos buong baryo at sakahan ng Barangay Sapinit noong 2019. Resulta ang landslide ng ginagawang konstruksyon na umuka sa gilid ng kabundukan at pumutol sa mga punong tatagusin ng kalsada. Ipinatagos ang kalsada sa protektadong kagubatan ng Sierra Madre.

Noong 2013, nilinlang ng lokal na gubyerno ang Agta Sapinit Tribal Council para pahintulutan ang proyekto kapalit ng irigasyon, eskwelahan, health center at iba pang serbisyo para sa mga taga-Sapinit. Walang natupad ni isa sa mga pangakong ito. Ni hindi nakatulong ang daan sa mga magsasaka sa pagluluwas ng kanilang mga produkto. Sa halip, naging daan pa ito para padulasin ang pang-aagaw ng lupa ng mga pulitiko at lokal at dayuhang negosyante sa mga sakahan ng mga residente. Kinatuwang ng mga mang-aagaw ang malupit na 95th IB.

Taong 2014 nang marahas na dinemolis ng mga pulis at kampon ng noo’y gubernador na si Faustino Dy Jr ang komunidad ng Barangay Dipudo para bigyang-daan ang internasyunal na paliparan. Sinakop nito ang 112-ektaryang lupa sa tabing-dagat at ang 8-ektaryang niyugan. Gamit ang kanyang pwesto, binraso ni Dy ang mga residente para ibenta sa kanya sa halagang ₱250,000 ang lupa at pumayag sa relokasyon. Inilipat sila ni Dy sa sulok ng gubat na sakop ng Northern Sierra Madre Natural Park (NSMNP). Nasa 14 kilometro ang layo nito mula sa dagat na pinagmumulan ng kanilang pagkain at kabuhayan.

Sadyang gusto rin ng estado na patayin sila sa gutom dahil ipinagbabawal ng NSMNP ang pagkakaingin at pag-uuling na ikabubuhay sana ng mga inilipat doon. Kalaunan nilisan din ito ng mga magsasaka dahil sa kawalan ng kabuhayan. Walang hakbang na isinagawa para kilalaning barangay ang relokasyon. Hanggang ngayon, hindi tapos kahit ang maliit na day care sa lugar. Walang maayos na sistema sa tubig at iba pang pampublikong serbisyo. Ito ay sa kabila ng nakalaang pondo para rito na ₱3 milyon.

Hindi ligtas ang mga islang bahagi ng lupang ninuno ng mga Agta. Inagaw din ng mga Dy ang 24-ektaryang Honeymoon Island at ginawang pasyalan ng mga turista. Sinalaula nila ang sagradong libingan ng mga Agta doon na tinayuan ng mga negosyong resort, restawran at iba pang pasilidad. Gayundin ang ginawa ni Dy sa Gay Island, na “iniregalo” niya kay Jose Mari Antonez, isang upisyal ng Smartmatic.

Malaking panganib na maagaw ang lupa ng mga magsasaka matapos kanselahin ng Provincial Assesors Office ang mga deklarasyon ng lupa sa bayan at ideklara ang mga ito bilang “lupang pampubliko.” Mas mapapadali ang pangangamkam ng lupa na pinangangasiwaan mismo ng lokal na gubyerno. Ibinebenta ng mga ito ang primera klaseng mga lupa, laluna ang mga nasa baybay.

Ang “lupang pampubliko” na para sana sa mamamayan ay iilan lamang ang nakikinabang sa ilalim ng estadong umaaktong pinakamalaking panginoong maylupa. Matagal nang lantad sa mga mamamayan ng Isabela, lalo na sa mga katutubong Agta ang iba’t-ibang iskema ng gubyerno sa pang-aagaw ng lupa. Sa nakaraan, nasa anyo ito ng pagtatatag sa NSMNP, National Greening Program at ngayon, sa Coastal Development Plan.

Pang-aagaw ng lupa sa Isabela sa tabing ng kaunlaran