Magsasaka sa Negros, pinatay sa harap ng kanyang mag-iina

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Magkakasunod ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng Marcos sa nagdaang mga linggo. Kabilang dito ang pagpatay sa isang magsasaka, pambobomba at pag-istraping sa komunidad, at arbitraryong pag-aresto sa mga sibilyan.

Pinaslang ng tropa ng 62nd IB ang magsasakang si Victor Baldonado sa kanyang bahay sa Sityo Columbia, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Nobyembre 21, ala-6 ng umaga. Binaril siya ng mga sundalo sa harap ng kanyang asawa at mga anak.

Pinalalabas ng 62nd IB na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) si Baldonado at na napatay siya sa isang armadong engkwentro. Binihisan ng mga sundalo ang kanyang bangkay at tinabihan ng mga armas at mga dokumento para bigyang katwiran ang krimen.

Pag-aresto. Sa Negros Occidental, arbitraryong inaresto ng 62nd IB sina Wilben Callura at Juliet Callura, mga residente ng Sityo Binataan, Barangay Quinten Remo, Moises Padilla. Kasabay nito, inistraping ng tropa ng militar ang bahay ni Virgie Perolino, Roberto Gario at Jorenda Callura sa parehong sityo. Ninakaw din ang kanilang mga manok at kinatay ang alagang baboy. Dulot nito, lumikas ang 800 magsasaka mula sa sityo Oway-uway, Binataan at iba pang kalapit na komunidad.

Noong Nobyembre 25, niransak ng mga sundalo ng 62nd IB at 33rd DRC ang kabahayan sa Sityo Ngalan sa parehong barangay. Sapilitang pinasok at hinalughog ang bahay nina Zaldy Jimenez, Richard Jimenez, Robert Jimenez, Cardo Juanites at Sernel Juanites. Namalagi sa naturang mga bahay ang mga sundalo mula Nobyembre 25 hanggang 28.

Inaresto ang unyonistang si Roel Duyag noong Nobyembre 25 sa Butuan City habang nasa lamay ng kanyang ina. Koordineytor siya ng Kilusang Mayo Uno sa rehiyong Caraga. Dinala siya sa Butuan PNP Station 1 at sinampahan ng gawa-gawang mga kasong bigong pagpatay.

Pambobomba at istraping. Niyanig ng mga rocket at bala ang Purok 8, St. Peter, Malaybalay City, Bukidnon noong Nobyembre 16 matapos bombahin at paulanan ng bala ang komunidad ng 8th IB. Ganting-salakay ito ng militar matapos mapatamaan sila ng BHB sa dalawang armadong insidente. Nagpakawala ng 16 na rocket at walong beses na nang-istraping ang helikopter na MD520. Umabot sa 40 minuto ang unang ronda.

Nagkandarapa sa pagtakbo ang mga residente dahil napakalapit sa kanilang komunidad ibinagsak ang mga bomba. Nagsidapa ang mga titser at mga estudyante sa kanilang mga klasrum habang paikot-ikot ang mga helikopter sa taas ng kanilang baryo.

Pamamaril. Limang sibilyang mangangaso ang pinagbabaril ng tropa ng 24h IB sa magubat na bahagi ng Sitio Sap-al, Barangay Buneg, Lacub, Abra noong Nobyembre 27.

Dalawang magsasaka ang nasugatan sa insidente habang ang tatlo ay nakatakbo tungo sa kalapit na komunidad para humingi ng saklolo.

Nakasalubong ng mga sundalo ang lima habang nagpapahinga. Agad nilang itinaas ang kanilang armas na gamit sa pangangaso at sumigaw ng “sibilyan kami!” para hindi sila paputukan ng mga sundalo. Sa kabila nito, nagpaputok pa rin ang mga sundalo.

Pambubuwag. Marahas na binuwag noong Nobyembre 25 ng mga pulis at gwardya ang piket ng mga manggagawa ng Manila Harbour Center sa Road 10, Manila City. Winasak nila ang katatayo pa lamang na kubol ng mga manggagawa at kanilang tagasuportang kabataan. Iginigiit ng mga manggagawa ang kagyat na pagpapabalik sa trabaho at pagregularisa sa 370 manggagawang iligal na tinanggal noong 2020.

Magsasaka sa Negros, pinatay sa harap ng kanyang mag-iina