Ang WESCOM, AFP-PNP at tropang US ang naghahasik ng terorismo sa Palawan
Hangga’t nananatili ang WESCOM at ang base militar ng US sa lalawigan, hindi natatapos ang pasismo- terorismong inihahasik nila sa Palawan. Ito ang tugon ng Bienvenido Vallever Command-NPA Palawan sa pinakahuling kasinungalingang ibinulalas ng AFP Western Command (WESCOM) at Palawan PTF-ELCAC na terrorist-free na umano ang lalawigan matapos umano nilang manyutralisa ang signipikanteng bilang ng CPP- NPA-NDFP. Para paniwalain ang publiko, sunud-sunod ang pagbabandera ng WESCOM ng bilang ng mga sumuko umanong kasapi ng rebolusyonaryong kilusan. Paulit-ulit pang binabansagan ang rebolusyonaryong kilusan bilang terorista at pagturing sa makatwirang pakikibaka ng sambayanan bilang mga akto ng terorismo. Ang problema, wala nang naniniwala sa kanila dahil kahit ang burgis na korte ay nagsasabing makatwiran, at hindi dapat ituring na terorismo ang rebolusyong inilulunsad ng CPP-NPA-NDFP kasama ang malawak na mamamayan para sa dakilang mithiin ng pambansang kalayaan at demokrasya.
Para sa mga Palaweño, ang tunay na terorista ay ang AFP-PNP sa pamumuno ng WESCOM na nagdudulot ng perwisyo sa kanilang buhay at kabuhayan. Sila (AFP- PNP) yaong mga nagbabawal sa mga Palaweño na magpunta sa kanilang mga kaingin at pook-hanapbuhay, nagpapataw ng curfew sa kanilang baryo, nagbabantay sa mga minahan, plantasyon ng oil palm at iba pang dambuhalang proyektong dahilan ng pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa kanilang mga lupain, at higit sa lahat, ang nangwasak sa kanilang kalikasan at lupaing ninuno. Sila yaong gumagastos nang malaki sa pagbili ng mga bala’t pampasabog na ginagamit laban sa karaniwang mamamayan sa halip na tumulong na makaahon sila sa hirap. Sila yaong mga pinasisweldo ng perang pinaghirapan ng taumbayan at nanghihiram ng tapang sa mga naghahari at sa malalakas nilang armas. At sila ang walang tigil na nanghahalihaw sa kanilang mga komunidad, nananakot, nanghaharas, nang-aaresto at pumapatay sa tabing ng gerang “anti-terorismo”.
Sa katunayan, sa buong 2022 hindi na tinantanan ng WESCOM ang Palawan sa paglulunsad ng mga pagsasanay-militar. Pitong beses itong naglunsad ng pagsasanay kung saan ang anim ay inilunsad kasama ang US. Sa mga pagsasanay na ito, walang puknat ang ginawang pagpapasabog at pagpapaputok ng mga mersenaryo at papet na tropa, ganundin ang pagpapalipad nila ng mga military drones at helicopter na naghatid ng ligalig at perwisyo sa taumbayan. Paulit- ulit itong inireklamo ng mga Palaweño dahil bukod sa natatakot silang maaksidenteng madamay ay hindi sila pinaabisuhan, ni kinonsulta kaugnay nito.
Dapat patuloy na ilantad at kundenahin ng bayan ang mga krimen at karahasan ng WESCOM, ng buong AFP- PNP at ng ilehitimong rehimeng Marcos II. Dapat buong- giting na labanan ng bayan ang marumi at brutal nilang gera sa pamamagitan ng paglulunsad ng lahat ng tipo ng pakikibaka at pagpapaigting ng digmang bayan sa kanayunan. Tanging sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayang isinusulong ng mamamayan sa pamumuno ng CPP maibabagsak ang pasista-teroristang estado ng mga lokal na naghaharing uri at imperyalista.
Andrei Bon Guerrero
Tagapagsalita, BVC-NPA Palawan