[EDITORYAL] Tutulan at labanan ang tumitinding panghihimasok ng imperyalismong US sa bansa! Igiit at ipagtanggol ang pambansang soberanya!

Muling pinatunayan ng rehimeng Marcos II ang garapalang pangangayupapa nito sa imperyalismong US sa katatapos na pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa bansa nitong Nobyembre. Hawak ang bagong estratehiyang militar ng US sa rehiyong Indo-Pacific, dala ni Harris ang bagong mga kasunduan para patatagin ang kontrol nito sa Pilipinas, bilang isang andana ng depensa nito sa rehiyon laban sa China na banta sa kanyang pandaigdig na hegemonya at sa anti-imperyalistang bansang Democratic People’s Republic of Korea (DPRK). Gamit ang makaisang-panig na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), nilalayon ng US na dagdagan ang mga base militar nito sa bansa, partikular ang mga nakaharap sa South China Sea, kabilang ang Palawan. Kapalit nito ang limos na pautang at pagbibigay ng mga papaug-paog at pinaglumaang kagamitang militar ng US sa papet na AFP at rehimen.

Tahasang pagyurak sa soberanya ng bansa ang pananatili ng mga base at pasilidad militar ng US rito. Malaon na itong itinakwil at pinalayas ng nagkakaisang pagkilos ng sambayanang Pilipino kasabay ng pagbabasura sa kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay sa pagtatayo ng base militar ng US noong 1991. Ngunit ilang taon lamang matapos ito, tusong pumasok sa mga tagibang na kasunduan ang mga sumunod na rehimen para gawing lehitimo ang pagbabalik at pananatili ng mga tropa at pasilidad militar ng US sa mga kampo ng AFP.

Pinasok ng rehimeng US-Ramos ang Mutual Logistics and Support Agreement (MLSA) noong 1992, Visiting Forces Agreement (VFA) ng rehimeng US-Estrada noong 1999 at EDCA ng rehimeng US-BS Aquino pagsapit ng 2014. Sa Palawan, matapos ipatupad ang EDCA noong 2014 ay itinayo ang base militar ng US sa kampo ng Philippine Navy sa Oyster Bay, saklaw ng Ulugan Bay at sa loob ng Antonio Bautista Air Base, kapwa sa Puerto Princesa City.

Pinapaypayan at ibayo pang pinatitindi ang tensyong namumuo sa South China Sea ng nagpapatuloy na agresibong aktibidad ng US sa Asya, partikular sa Timog at Timog-silangang Asya. Malinaw na pang-uupat ng gera sa rehiyon ang nagpapatuloy na masinsing mga aktibidad militar ng US at mga kaalyado nito. Sa Palawan pa lamang, anim na pagsasanay-militar sa pagitan ng tropang US at papet na AFP ang inilunsad ngayong taon, bukod pa rito ang ilang beses na pagrerekurida ng USS Carl Vinson sa karagatang saklaw ng West Philippine Sea (WPS) kasabay ng iba pang aktibidad ng tropang US at mga kaalyadong bansa nito sa South China Sea.

Ang pagpaling ng US sa Indo- Pacific ay bahagi ng pag-ensirkulo sa China na nakikita niya bilang estratehikong banta sa kanyang hegemonyang pang-ekonomya at militar sa rehiyon at buong mundo. Dagdag pa, ang pagkakaroon ng mga gera ay pinagkikitaan nang malaki ng military industrial complex ng US at isang paraan niya ng paglutas sa krisis ng kapitalismo. Tulad ng ginawa niya noong ikalawang digmaang pandaigdig, muling isinasapanganib ng US ang bansa at ang kaligtasan ng mamamayang Pilipino. Sa pagdami ng base militar ng US sa bansa, kandidato ang Pilipinas na maging target ng mga pag-atake o kontra- atake sakaling sumiklab ang digmang proxy sa pagitan ng US at China. Malinaw sa nilalaman ng estratehiyang militar ng US sa Indo-Pacific ang estratehikong papel ng Pilipinas sa pagtitiyak na mapanatili ng US ang hegemonya nito sa rehiyon—bilang istasyon kahanay ng Australia, Japan, South Korea at Thailand.

Minana ng batang Marcos ang pagiging taksil at kolaboreytor ng kanyang lolo at amang sina Mariano at Ferdinand Marcos. Tunay na makapili at traydor ang
matatandang Marcos na kabilang sa mga nakinabang sa kayamanan at kapangyarihang kinulimbat ng imperyalistang Japan sa panahon ng pananakop nito sa bansa noong 1942-45. Matapos matalo ang Japan at sa panunumbalik ng US sabansa, mabilis namang pumaling si Ferdinand Marcos Sr. at naging pinakamasusugid na tagasilbi ng US sa loob ng 21 taong paghahari nito sa bansa.

Kapalit ang kapangyarihan at pondo para sa korapsyon, inihahain pang lalo ng ilehitimong rehimen ang bansa sa ibayong imperyalistang pandarambong at gera kontra-“terorismo” ng US. Malinaw ang lamang na pagkiling ng kanyang rehimen sa US kumpara sa nagdaang tiranikong rehimeng Duterte na nakikipaglaro pa sa dalawang nagriribalang imperyalistang bansang US at China. Matapos magpahayag ng pagiging bukas at pagtutulak sa joint oil exploration sa West Philippine Sea kasama ang China, inianunsyo ng kanyang rehimen ang pakikipagmabutihan sa US. Kaya naman hindi na nakagugulat ang pagiging labis na agresibo ng gubyerno ng China at mersenaryong tropa nito na nakabase sa mga inaangking teritoryo sa West Philippine Sea sa kapinsalaan ng mga mangingisdang Pilipino. Nitong Nobyembre lamang, hinaras ng Chinese coast guard ang isang tropa ng nagpapatrulyang Philippine Navy sa isla ng Pag-asa.

Tulad nina Marcos at Duterte, walang pinag-iba ang mga lokal na opisyales ng Palawan na nagdiwang at ikinatuwa pa ang pagbisita ni Harris. Syempre, pangunahin silang nakikinabang sa mga pondong ibinubuhos ng US sa bansa kapalit ng garapalang pagpapakatuta at pagiging sunud-sunuran sa kagustuhan at interes nito. Milyun-milyong halaga ang kinulimbat ng mga lokal na opisyales ng lalawigan, maging ang WESCOM sa mga ayudang ibinuhos ng US sa nagdaang mga taon. Kabilang dito ang P1.6 milyong halaga ng tent at mga suplay medikal na donasyon umano ng US Embassy Civil Affairs Team (CAT) nitong Agosto.

Ang lantarang pagpapakatuta ng ilehitimong rehimeng Marcos II at mga lokal na opisyal ng Palawan sa imperyalismong US ay tahasang pagbebenta sa soberanya ng bansa at pagwalang bahala sa kaligtasan ng mamamayang Pilipino. May dalawang talim ang umiigting na panghihimasok- militar ng US sa bansa—una, ang paggamit sa bansa bilang base-militar nito laban sa mga karibal sa hegemonya, at ikalawa, ang pagpapaigting ng gerang panunupil ng estado laban sa lahat ng pwersang nakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Lalong pinalilinaw nito ang planong pagwasak sa rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan sa nakaraang anim na taon ay nakatudla sa pagsupil sa lokal na pakikibakang bayan laban sa imperyalismo.

Pero sadyang nahihibang ang WESCOM, AFP, ang reaksyunaryong gubyerno at US sa paniniwala nitong maigugupo nila ang marubdob na pakikibaka ng mga Palaweño para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Mula nang nakaugat sa lalawigan ang Partido Komunista ng Pilipinas, tulad sa iba pang bahagi ng bansa, nahinang na ang di- mapapatid na ugnayan dito ng mga Palaweño. Pinatunayan ito ng maringal na rebolusyonaryong kasaysayan ng lalawigan na kahit ilang ulit na naiwan ng hukbo bago tuluy-tuloy na nakilusan mula dekada ‘90 ay hindi namatay ang apoy
ng rebolusyonaryong paglaban ng mga Palaweño. Palagi nilang hinihintay ang pagbabalik ng Bagong Hukbong Bayan, ang tunay nilang hukbo at tagapagtanggol.

Matatandaang matapos mabigo ang Joint Task Group-South at North ng WESCOM na itinayo noong 2017, binuo ang Joint Task Force Peacock noong 2020 sa hibang na pangarap na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Palawan. Kasabay nito ang pagpakat bilang karagdagang tropang pasista ng 3rd Marine Battalion Landing Team (MBLT-3). Mula noon, inilunsad sa lalawigan ang pinakamatindi, pinakamalawak at pinakamasinsing atake laban sa nakikibakang mamamayan ng Palawan. Binuhusan ng pondo at rekurso ang WESCOM, ganundin ang lokal na TF-ELCAC sa pamumuno ni Jose Chavez Alvarez sa tabing ng “gera kontra-terorismo” ni Duterte. Ito rin ang kontra-mamamayang gerang ipinagpapatuloy ng ilehitimong rehimeng Marcos at tiyak na lalo pa itong titindi sa susunod na mga panahon habang mas humihigpit ang kontrol ng US sa bansa.

Dapat tutulan at labanan ang lahat ng anyo ng panghihimasok ng US sa Palawan at buong bansa. Hindi nito dapat pahintulutang gawing pambala sa kanyon ang mga Pilipino o gawing lunsaran ng panibagong digmaan. Dapat ilantad at kundenahin ang lantarang pagpapakatuta ng ilehitimong rehimeng US- Marcos, mga lokal na opisyal ng Palawan at ng AFP at WESCOM sa lahat ng pakana ng US. Kasabay nito, dapat igiit at ipaglaban ng mamamayan ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.

Ang laban para ipagtanggol ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas ay bahagi at pangunahing layunin ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat itong patuloy na isulong at paigtingin sa harap ng ibayong imperyalistang pagsaklot.

[EDITORYAL] Tutulan at labanan ang tumitinding panghihimasok ng imperyalismong US sa bansa! Igiit at ipagtanggol ang pambansang soberanya!