Manggagawang Palaweño magkaisa, ipaglaban ang disente at nakabubuhay na sahod
Patuloy ang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo habang nakapako ang sahod ng mga manggagawa. Kung mayroon mang pagtaas sa sahod kakarampot ito at ni hindi makahabol sa patuloy na pagtaas ng implasyon na nagpapalobo sa gastusin sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya ng mga manggagawa. Kaya ang laban para itaas ang sahod at sa nakabubuhay na sahod ang magiging kagyat na laban ng kilusang paggawa habang ang pangmatagalang layunin ay ibagsak ang sistemang kapital na siyang ganap na papawi sa sahurang-paggawa at magpapalaya sa uring manggagawa.
Barat na sahod
Ang mga manggagawa sa MIMAROPA ang may pinakamababang natatanggap na arawang sahod sa buong Region 4. Noong Mayo pa ng taong kasalukuyan sa bisa ng Wage Order # 19 (WO- 19) nang huling magkaroon ng kakarampot na umento sa sahod na nagkakahalaga lamang ng P35 mula sa dating P294 na sahod ng mga manggagawa sa mga establisimyentong mas mababa sa 10-kataong manggagawa at sa dating P320 sahod sa mga may 10 pataas na manggagawa. Sa patuloy na pagbaba ng tunay na halaga ng sahod dahil sa naitalang 8% implasyon nitong Nobyembre 2022 kung saan nagbunga ng pinakamataas na pagsirit ng mga pangunahing bilihin sa buong bansa sa loob ng 14 taon, ay halos wala nang saysay ang napakaliit na idinagdag ng sahod. Sa Palawan kung saan mas mahal nang P5-10 kada litro ang presyo ng petrolyo kumpara sa NCR, mas mataas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin laluna ang mga produktong ginagamitan ng petrolyo at mga produktong mula sa labas ng lalawigan. Malayong-malayo ang kasalukuyang sahod na P329- P355 kumpara sa P1,119 family living wage (FLW) o nakabubuhay na sahod nitong Setyembre 2022.
Kumplikadong sistema ng pagpapasahod
Sa pagpapatupad ng RA 6727 o Wage Rationalization Act noong 1989, binasag ang dating pambansang minimum na sahod tungo sa mga panrehiyong minimum na sahod na itinatakda na ng mga regional wages and productivity boards. May kapangyarihan ang huli na pag-aralan, itakda at itaas ang minimum na sahod sa bawat rehiyon, probinsya o lokalidad batay sa itinatakdang mababaw na pamantayan ng kahirapan, dinoktor na tantos ng empleyo at karaniwang gastos sa araw-araw (cost of living).
Sa ilang dekadang pag-iral ng RA 6727, nagbunga ito ng kakaiba at mas masasahol na sistema ng minimum na pasahod sa bansa. Natatangi ang rehiyon ng Timog Katagalugan sa pinakabarat na sistema ng minimum na pasahod sa buong bansa kumpara sa ibang rehiyon, na nag-iiba-iba lamang ang pasahod batay sa bilang ng mga empleyado sa empresa. Ito rin ang dahilan kung bakit ang Palawan ang may pinakamababang pasahod sa buong rehiyon. Mas masaklap pa simula nang maisabatas ang Wage Rationalization Act, nagsimula nang bumulusok pababa ang antas ng sahod ng mga manggagawa kumpara sa paglago ng tubo ng mga kapitalista. Sumahol pa ito dahil sa mga Executive Order, Wage Order at iba pang mga batas na ibayong umaatake sa karapatan ng mga manggagawa para sa disente at nakakabuhay na sahod (decent and living wage), seguridad sa trabaho (security of tenure) at karapatang mag-unyon (right to self-organization).
Ang laban sa pagpapataas ng sahod
Sa 33 taong pag-iral ng Wage Rationalization Law, umakyat na ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin nang higit sa limang ulit, ngunit tumaas lamang ang sahod nang higit sa tatlong ulit. Ibig sabihin, hindi talaga nahahabol ng mga nakaraang umento sa sahod ang pagtaas ng mga presyo ng bilihin.
Kaya wasto at napapanahon ang pagsusulong ng General Wage Increase (GWI) upang kamtin ang kagyat na umento sa sahod para bawiin ang halagang nawala dahil sa implasyon. Karugtong ng pakikibaka sa dagdag sahod ang pagsusulong ng pambansang minimum na sahod upang wakasan ang umiiral na wage regionalization sa balangkas ng RA 6727 at kasabay ang panawagang ibasura ang RA 6727 na magbubuwag naman sa mga RTWPB o Regional Wage Board (RWB).
Upang manumbalik ang antas ng minimum na sahod sa halaga na mayroon ito noong 1989—kung saan umiiral pa ang pambansang minimum na sahod, kinakailangang umabot sa halagang ₱508-573 ang minimum sa sahod sa MIMAROPA. Ibig sabihin, ₱220 na umento ang kagyat na kinakailangan upang makabalik ang sahod sa antas na naabot nito noong 1989. Ito ang makatwirang ipaglabang across-the-board wage increase. At ang laban sa pagsusulong ng GWI at pambansang minimum na sahod ay dapat maitaas sa laban tungong nakabubuhay na sahod (FLW) na P1,119.
Itaas ang sahod! ibaba ang presyo ng bilihin!
Dapat padagundungin sa mga protesta ang panawagang “Sahod, itaas! Presyo, ibaba!” Dapat singilin ang ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte sa kapabayaan ng ayuda sa mamamayan na labis na pinahirapan ng tuluy-tuloy na pagtaas ng implasyon. Dapat igiit ang pagbabasura ng mga niratsadang neoliberal na mga patakaran sa ekonomiya at labis-labis na importasyon na pumapatay sa lokal na produksyon na siyang puno’t dulo ng pagsirit na presyo ng mga pangunahing bilihin at kawalan ng seguridad sa pagkain.
Dapat magkaisa ang manggagawang Palaweño para isulong ang kampanya sa pagpapataas ng sahod at kamtin ang iba pang benepisyo. Dapat silang mahigpit na makipagkaisa sa mga magsasaka at iba pang inaaping uri para isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba na siyang tanging landas para sa kaunlarang pang-ekonomya ng bansa at magpapalaya sa uring manggagawa sa kapitalistang pagsasamantala at pang-aapi.