Mga residenteng naninirahan sa saklaw ng PQMI, pinalilipat ng City ENRO

Hinihikayat ng Puerto Princesa City Environment and Natural Resources Office(ENRO)angmamamayanngBrgy. Sta. Lourdes, kalapit ng abandonadong site ng Palawan Quicksilver Mines Inc. (PQMI) na lumipat para makaiwas sa risgo ng pagkakasakit. Ani City ENRO chief Atty. Carlo Gomez, nananatiling mapanganib ang site ng minahan kahit matagal nang tumigil ang operasyon ng PQMI.

Ang PQMI ay nagmina ng mercury sa nasabing lugar noon pang dekada 1970 at tumigil noong 1976. Nag-iwan ito ng napakaraming mine tailings na bumuo ng isang mala-islang reklamasyon sa baybayin ng Honda Bay. Noong 2017, apat na dekada na ang nakalilipas, nalantad ang nagpapatuloy na epekto nito matapos magpositibo ang 70 residente ng Sta. Lourdes at Tagburos, mga kalapit ng site ng PQMI sa mercury poisoning. Resulta nito, inirekomenda ng Department of Health at DENR ang ebakwasyon ng 10,000 residente pero hanggang ngayon, walang kongkretong hakbangin ang lokal na gubyerno ng syudad, maging ng probinsya.

Taliwas din dito ang naging hakbangin ng Department of Agrarian Reform (DAR) na magkaloob ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOA) na siya ngayong pinanghahawakan ng mga residenteng ayaw umalis sa lugar. Bagama’t naghanda umano ang lokal na gubyerno ng syudad ng relocation site para sa kanila, nangangamba ang mga residenteng kapag umalis sila ay mawawalan sila ng mga hanapbuhay.

Mga residenteng naninirahan sa saklaw ng PQMI, pinalilipat ng City ENRO