Naval Station Carlito Cunanan: base militar para sa ibayong panghihimasok at hegemonya ng imperyalismong US
Tumitindi ang interbensyong militar ng imperyalismong US sa Pilipinas upang tugunan ang estratehikong layunin nitong palawakin ang hegemonya sa buong Indo-Pasipiko at pahigpitin ang kontrol nito sa bansa at gamitin itong lunsaran ng pang-uupat ng gera sa karibal na imperyalistang China. Matingkad ito sa pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa bansa at sa probinsya noong Nobyembre 20-22. Kabilang sa layunin nito ang pagdadagdag ng lima pang bagong base militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement kung saan ang isa rito ay itatayo sa Palawan. Sa balangkas din ng EDCA naitayo ang Naval Station Carlito Cunanan (NSCC), isang baseng nabal ng imperyalismong US sa Oyster Bay, bahagi ng Ulugan Bay sa Palawan.
Ang estratehikong papel ng EDCA at NSCC sa Indo-Pasipiko
Ang EDCA ay isang hindi pantay na kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at imperyalismong US na tumutugon sa estratehikong pagpihit ng US sa Indo-Pasipiko.
Pangunahing nilalaman ng EDCA ang pagpaparami ng mga permanenteng base, tropa, at iba pang pwersang militar ng US sa bansa. Sa pamamagitan ng kasunduan na ito, nagkakaroon ng awtoridad ang US upang agresibong patindihin ang panghihimasok nito sa bansa para sa higit na kontrol at dominasyon sa ekonomya, pagkamkam ng yaman ng bansa, at paggamit ng papet na rehimen at reaksyunaryong hukbo nito sa Pilipinas para isulong ang sariling interes sa buong Asya-Pasipiko.
Malaking kabalintunaan ang pagbibigay-matwid ng imperyalismong US sa pagtatayo nito ng mga base militar sa bansa. Malinaw pa nga ang pagyurak nito sa pambansang kasarinlan ng bansa. Gayundin, nag-aasta ang US na ipagtatanggol ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, subalit ang totoo ay kakasangkapanin pa nga ng US at gagawing launching pad (lunsaran) at pusisyong militar ang bansa kapag sumiklab ang digmaan sa pagitan ng dalawang imperyalistang bansa. Patuloy pang ginagatungan ng imperyalismong US ang tensyon sa pagitan ng US at China sa rehiyon sa iba’t ibang mapang-udyok na hakbangin nito sa mga nagdaang buwan.
Maaga nang nakita at sinamantala ng US ang estratehikong pusisyon ng Palawan sa Timog Silangang Asya bilang pantapat sa China, dahilan upang maging target ito ng US para pagtayuan ng baseng militar nito sa bansa. Ang NSCC na itinayo sa Oyster Bay sa Ulugan Bay ay isa sa dalawang base militar ng US sa probinsya kabilang ang
Antonio Bautista Air Base sa Palawan International Airport sa Puerto Princesa. Ang Ulugan Bay ay isang mayamang look sa Puerto Princesa, Palawan na may kabuuang sukat na 71 kilometro kwadrado. Matatagpuan sa loob nito ang isa pang look na Oyster Bay. Sinimulang itayo ang NSCC sa ilalim ng rehimeng US-Aquino II at lihim ding pinaunlad at pinagkagastusan ng daan-milyong pondo ng bayan upang maging “mini-Subic” para pagsilbihin sa mga sundalong Amerikano at maging istasyon ng mga barkong pandigma ng imperyalismong US. Ang NSCC sa Ulugan Bay ay 160 km lamang ang layo sa Spratly Islands kung saan nakapusisyon rin ang mga pasilidad-militar ng China.
Ang NSCC ay bahagi rin ng naunang pagtitiyak ng US sa kontrol sa karagatan ng Indo-Pasipiko. Ipinagpatuloy at pinaunlad pa ito ng kasalukuyang rehimeng Biden sa inianunsyo nitong pagkakabuo ng Task Force 76/3. Ang TF 76/3 ay kumbinasyon ng mga pwersang nabal ng US Indo-Pacific Command na permanenteng nakaistasyon sa South China Sea. Permanente nitong palilibutan ang China ng mga long- range missile na ipapakat sa mga bansa sa “first island chain” (Japan, Taiwan, Pilipinas, Borneo, at iba pa). Alinsunod dito, inilunsad sa probinsya nitong Oktubre ang Kamandag 2022, isang ehersisyong militar sa pagitan ng tropa ng US at Pilipinas sa tabing ng integrasyon at interoperabilidad. Sa balangkas din ng TF 76/3 binuo ng US ang planong pagdadagdag ng isa pang bagong base militar nito sa probinsya.
Ginagamit ng US ang pagiging palaasa ng AFP at ng papet at ilehitimong rehimeng Marcos II sa ayuda ng US para palabasing kailangan ng Pilipinas ng presensyang militar ng US para ipagtanggol ito laban sa pang-aagaw ng China sa mga islang saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Kung totoong sinsero ito sa pagtatanggol sa Pilipinas, bakit sa kabila ng lantarang pang-aagaw ng China sa mga teritoryong saklaw ng Pilipinas at pagtatayo ng mga artipisyal na isla dito ay kibit-balikat at pawang buladas lamang ang US? Sa pagiging dependyente ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas at AFP sa US, binigyan pa nito ng walang limitasyong akses at paggamit ang militar ng US sa mga kalsada, himpapawid, at karagatan ng Pilipinas para sa pagtransport ng mga tropa at kagamitang militar.
Wala ring senyales ng anumang pagtutol sa planong pagdaragdag ng base militar sa probinsya ang kasalukuyang gobernador ng probinsya na si Victorino Dennis Socrates, gayundin ang mga nagdaang lokal na reaksyunaryong gobyerno na pinamunuan ni dating gobernador Jose Chavez Alvarez sa panahong itinatayo pa lamang ang NSCC. Ang pagkikibit-balikat nina Socrates at Alvarez sa itinayong NSCC ay tanda ng pangangayupapa nila, pagiging taksil at bentador ng kasarinlan at soberanya ng Pilipinas sa imperyalismong US. Kapansin- pansin din ito sa pagpapahintulot nila sa nagkakailang pagsasanay-militar na inilunsad ng mga pasistang tropa ng US at Pilipinas sa probinsya.
Ang epekto ng pagtatayo ng base militar ng US sa mamamayang Palaweño
Nang itinayo ang NSCC sa Ulugan Bay, winasak nito ang kalikasan at nagdagdag ng polusyon ng kapaligiran. Nasagasaan ng mga itinayong imprastruktura at pasilidad- militar ng US ang mayaman at protektadong bakawan, gayundin ang mga bahurang tirahan ng mga isda at iba pang nabubuhay sa karagatan. Wala ring mga permit mula sa Community Environment and Natural Resources (CENRO) ang pagpuputol ng puno sa sayt upang pagtayuan ng base samantalang itinuturing na protected area ang look. Pagkasira rin ng kalikasan ang idinudulot ng mga pagsasanay militar at mga nakalalasong kemikal pandigma.
Matindi rin ang epekto nito sa buhay, kabuhayan at ari-arian ng nasa 1,700 residente ng Brgy. Macarascas, isa sa limang baryong nakapalibot sa Ulugan Bay. Malawakang pinalayas ang mga residenteng naninirahan sa lugar matapos idemolis ang higit sa 100 tirahan upang bigyang-daan ang base militar. Nawalan ng lugar para sa hanapbuhay ang mga mangingisda dahil ang buong Ulugan Bay ay naging bahagi ng daungan ng malalaking barkong pandigma ng US. Samantala, ang mga kagubatan ng probinsya ay ginagamit bilang mga lunsaran ng mga pagsasanay ng mga sundalong Amerikano,dahilanupang pagbawalan ang mga Palaweñong magyayantok, magbabagtik at magpupulot na makapasok sa mga gubat na ito.
Naghasik din ng abusong militar ang US sa mamamayang Palaweño. Lumobo ang mga kasong pandarahas, pang-aabuso sa mga kababaihan at bata at iba pang mga paglabag ng mga mersenaryong sundalong Amerikano at AFP sa karapatang pantao ng mamamayan sa mga pinasaklaw na mga operasyon at pagsasanay militar ng US sa bansa. Halimbawa nito ang paglaganap ng prostitusyon at sex trafficking matapos itayo ang hilera ng mga bar o bahay-aliwan sa Puerto Princesa upang magsilbi sa mga sundalong Amerikano. May lumabas ding ulat na may isang van na naglalaman ng mga kababaihan ang ipinasok sa mismong sayt kung saan itinatayo ang NSCC. May mga ulat ring binabaril ng mga sundalong Pilipino ang bangka ng mga mangingisdang mapapalapit sa look.
Ang kasalukuyan at lumalalang pandaigdigang krisis na kinalulubugan ngayon ng imperyalismong US at ang pagkabahala sa lumalakas na impluwensya ng karibal na imperyalistang bansang China ang dahilan bakit tumitindi ang desperasyon ng US na higpitan ang kontrol sa Indo-Pasipiko at sa mga kolonya at malakolonyang bansa nito tulad ng Pilipinas. Planong gawin ng US na isang malaking base militar ang Pilipinas. Dahil dito, tumitindi rin ang pandarambong at pagsasamantala ng imperyalismong US sa mamamayang Pilipino.
Kundenahin ang itinayong Naval Station Carlito Cunanan sa Ulugan Bay at iligtas ang kalikasan laban sa dayuhang pangwawasak! Dapat ding ipanawagan ng mga makabayang Pilipino ang pagpapabasura ng EDCA at iba pang mga hindi pantay na tratado, kasunduang ehekutibo, kaayusan, proyekto at ehersisyo ng militar na sumusuhay at nagpapanatili ng pagkapapet ng reaksyunaryong gubyerno at armadong pwersa nito sa imperyalismong US. Dapat na patuloy na tutulan at labanan ng mamamayang Palaweño, kaisa ng buong sambayanang Pilipino, ang pagtatayo ng mga base militar ng imperyalismong US na yumuyurak sa kasarinlan ng bansa.
Igiit ang independyenteng patakarang panlabas. Palayasin ang mga tropang Amerikano sa probinsya at buong bansa sa bawat paraang posible at kailangan. Dapat na isulong ang malawak na kilusang masa na nagtataguyod ng mga anti-imperyalistang pakikibaka sa buong bansa. Ang pambansa at panlipunang pagpapalaya lamang ang tanging bibigo sa imperyalistang adyenda ng US sa Indo-Pasipiko.