Pulang Saludo: Jose Maria Sison
“Walang dakilang bagay na makakamit kung walang dakilang pakikibaka at sakripisyo. Ang lahat ng sakripisyong inilalaan para sa pambansa- demokratikong layunin ay kapaki-pakinabang at hindi masasayang. Ang mga ito ay kinakailangan para kamtin ang kasalukuyang lakas ng pambansa- demokratikong kilusan.”
—Ka Joma (mula sa isang panayam sa WHO) Disyembre 1981
Si Ka Joma ay kilala rin bilang si Amado Guerrero, ang tagapangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Hukbong Bayan. Inialay niya ang kanyang buong buhay, lakas at talino para sa uring manggagawa at sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang mamamayang Pilipino at iniugit ang landas ng rebolusyonaryong pagbabago sa Pilipinas. Nagbigay siya ng malaking panahon at ambag sa pagsusulong ng pandaigdigang kilusang proletaryo at pumagitna sa paglaban at pagtatakwil sa modernong rebisyunismo at pagtatanggol sa kawastuhan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang teoretikong tanglaw sa pagpapalaya ng uring manggagawa at sangkatauhan sa kuko ng imperyalismo at lahat ng uri ng reaksyon.
Nagmula siya sa uring panginoong maylupa (PML) pero tinalikuran niya ang marangyang pamumuhay at niyakap ang interes ng uring api at pinagsasamantalahan sa Pilipinas. Wala siyang sinayang na sandali ng kanyang buhay para iambag ang lahat ng kanyang makakaya sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino. Dahil sa kanyang mga wastong pagsusuri sa lipunan at rebolusyong Pilipino, milyun- milyong mamamayan ang namulat at tumahak sa landas ng rebolusyon at nag-alay ng buhay para sa pambansa-demokratikong adhikain.
Siya ang nagturo sa mga proletaryong Pilipino kung paano pamumunuan ang rebolusyong Piipino na may dalawang yugto—ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba na siyang tanging landas para maibagsak ang mapang-api at mapagsamantalang sistemang malakolonyal at malapyudal at makamit ang kalayaan, demokrasya at sosyalismo sa Pilipinas. Ibinatay niya ang kanyang mga pagsusuri sa matatagumpay na rebolusyong proletaryo sa daigdig at sa mapanlikhang paglalapat ng Marxismo- Lenismo-Maoismo sa kongkretong kalagayan ng lipunang Pilipino.
Natatangi ang papel ni Ka Joma para sa muling pag-usbong at pagyabong ng rebolusyong Pilipino na nawaldas ng mga pagkakamali ng lumang pinagsanib na Partido na pinamunuan ng dinastiyang Lava. Maging sa panahon ng muling tatag na Partido Komunista ng Pilipinas kung saan dumaan sa masasalimuot na liko’t ikot, patuloy na naging gabay ang kanyang mahigpit na pagtalima sa mga batayang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at matalas na nagsuri sa lipunan at rebolusyon na naging giya para patuloy na taluntunin ang wastong linya sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.
Masaklaw at malalim ang mga naiwang turo at gabay ni Ka Joma para sa proletaryong Pilipino at pandaigdigang kilusang sosyalista. Sapat-sapat ang mga ito para ihatid sa tagumpay ang rebolusyong Pilipino. Sadyang kapos ang parangal para isa-isahin ang mga nagawa ng dakilang Ka Joma para sa sambayanang Pilipino. Sa pagpanaw ni Ka Joma, nawalan ang uring manggagawa at uring anakpawis ng pinakadakilang Pilipinong Komunistang lider at teoretisyan na nabuhay sa kanyang henerasyon. Ang pagpanaw ni Kasamang Joma ay hindi ang wakas, kundi ang pasimula ng mga bagong uusbong na mga proletaryong rebolusyonaryong Pilipino para ipagpatuloy ang nasimulan ni Ka Joma at ng iba pang rebolusyonaryong martir. Hamon sa bawat isa sa atin na masusing aralin at ilapat sa kongkretong praktika ang aral at gabay, ang mga matalas na pagsusuri ni Ka Joma sa iba’t ibang usaping pambansa at panlipunan.
Ang ganap na tagumpay ng rebolusyong Pilipino ang tunay na maihahandog natin sa pagpaparangal kay Ka Joma dahil ito lamang ang magiging katuparan at lulubos sa isinusulong nyang adhikain sa kanyang buong buhay para sa bansang Pilipinas. Gawin natin ang buong makakaya at ialay ang ating mga sarili upang dalhin hanggang tagumpay ang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas.