68th IB, napalayas ng mga guro at magulang

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Napalayas kamakailan ng Parents-Teachers Association o PTA ang mga sundalo ng 68th IB na nagkampo sa paligid ng Redhills National High School ng Calintaan, Occidental Mindoro.

Nagpasa ng petisyon sa kapitan ng Barangay New Dagupan ang nagrereklamong mga guro at magulang upang patalsikin ang kampo-militar ng 68th IB malapit sa eskwelahan mula pa Hulyo 2022.

Ang kampo-militar ay itinayo isang buwan bago magsimula ang face-to-face classes sa paaralan. Naitayo na ng mga pasistang sundalo ang 68 bahay sa planong 100 bahay sa kanilang kampo sa panahong inilunsad ang petisyon.

Paglalasing at hindi pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga sibilyan ang ilan sa maraming dahilan na nagpatindi ng pagnanais ng mga guro at magulang na umalis ang mga nagkakampong sundalo sa lugar.

Dagdag pa, nilalason ng mga sundalo ang isip ng kabataan para maging katanggap-tanggap ang mandatory ROTC. Kaugnay nito, nanghimasok ang mga sundalo sa inilunsad na Career Orientation sa paaralan. Ipinagsuot nila ng fatigue uniform ang mga estudyanteng walang maisuot na uniporme ng nais nilang kurso sa kolehiyo.

Samantala, binigwasan sa pangalawang beses ng BHB-Negros ang panginoong maylupang si Teotimo ‘Tim’ Ballesteros. Pinaralisa nito ang tatlo pang trak ng notoryus na panginoong maylupa noong Disyembre 26, 2022 sa Sityo Carbon, Barangay San Isidro, Toboso, Negros Occidental. Kasunod ito nang naunang pagpataw ng sangsyon sa kanya noong Disyembre 14, 2022.

68th IB, napalayas ng mga guro at magulang