Malawakang pagkakait sa serbisyong telekomunikasyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Bago pa man ipatupad ang sapilitang pagpaparehistro ng mga SIM card, laganap na ang pangambang maietsapwera nito ang milyun-milyong gumagamit sa serbisyo sa kanayunan. Mula Disyembre 27 noong nakaraang taon, obligado nang iparehistro ang lahat ng bagong SIM. Nilaanan naman ng 180 araw ang pagpaparehistro sa mga lumang SIM bago putulan ang mga ito ng serbisyo.

Kabilang sa mga nangamba si Bani at kanyang pamilya na dati nang may problema sa napakabagal na internet signal sa kanilang lugar. Para magkaroon ng signal, kailangang lumabas sa kanilang bahay nang 100 metro. Nakatira sila sa isang liblib na lugar sa Negros na halos 20 kilometro mula sa sentrong bayan kung saan may istableng signal. Kung bibyahe para magparehistro, gagastos sila ng ₱60 kada tao para sa pamasahe.

Estudyante sa Grade 9 si Bani at nakaasa siya sa kanyang selpon para sa komunikasyon sa mga kaklase at kaibigan. Ginagamit niya ito sa social media at paminsanang pagsasaliksik para sa eskwela. Ginagamit naman ng kanyang inang si Jodi ang selpon pantawag sa kanyang pamilya. Ginagamit ito ng ama niyang si Boy para sa koordinasyon sa kanyang trabaho sa konstruksyon at iba pang kabuhayan.

Noon pa rin, nagpahayag ng pangamba ang 22-anyos na estudyanteng si Josi na nakatira sa Masbate City. Madalas na inaabot siya ng limang oras o higit pa kada araw para sa kanyang pag-aaral dahil sa bagal ng signal sa kanilang lugar. Bagaman mayroon siyang ID at kaalaman sa pagpaparehistro, hirap siya sa maprosesong sistema. Batid niyang di kakayanin ng signal nila dahil malayo rin sa sentro ang kanilang lugar.

Abala at perwisyo naman ang inaasahan ni Tatay Sabat, isang magsasaka mula sa Himamaylan City, sa SIM Card Registration. Wala siyang balidong ID na pwedeng gamitin sa pagrerehistro. Kung mapipilitan, kakailanganin pa niyang kumuha nito. Doble-dobleng gastos, liban pa sa perwisyo ang idudulot nito. Ganito rin ang pangamba ni Dilly mula sa Legazpi City na hirap pa sa kanyang kabuhayan dahil sa pinsalang idinulot ng pandemya.

Ayon sa isang ulat noong 2020, 57% o 12.2 milyong pamilyang Pilipino ang hindi kunektado sa internet. Sa taon ding iyun, may isa sa pinakamabagal na internet connection ang bansa (16.76 megabytes per second kumpara sa internasyunal na abereyds na 32.01 mpbs.) Bagamat ipinagmamalaki ng mga kumpanya sa telekomunikasyon na bumilis na ang internet speed pagsapit ng 2021, pangunahin dulot ng paglatag ng mga ito ng imprastrukturang 5G, nananatiling mabagal at paputul-putol ang pangkalahatang signal sa kanayunan na nakaasa sa 3G, kundiman 2G. Pinakamalala, mabagal na nga, napakamahal pa ng serbisyo.

Palpak na sistema sa pagpaparehistro

Napatunayan ang lahat ng pangamba ng mamamayan sa unang mga oras pa lamang ng SIM Card Registration. Aberya at problema ang sumalubong sa mga nagrehistro. Ipinahayag ng marami sa social media ang dismaya sa mabagal at nakalilito, kundiman tahasang palpak, na proseso ng pagrerehistro ng kanilang mga SIM card. Marami ang nagsabing inabot sila nang ilang oras para lang makapagrehistro. Ayon pa sa iba, mabagal ang pag-“loading” ng mga website sa telekomunikasyon na ginagamit para magrehistro.

Pasado alas-11 ng unang araw ng pagrerehistro, inianunsyo ng kumpanyang Smart na nagkakaroon ng aberya ang kanilang “website” para sa pagrerehistro dahil sa napakaraming sabay-sabay na nag-aakses nito. Ganito rin ang sinapit ng website ng Globe.

Himutok pa ng ilan sa social media “ayusin niyo naman!” “anyare???” “anu na? Since 3am pa ako naghihintay makapasok sa websites” at marami pang ibang reklamo at pagkadismaya.

Samantala, pinuna rin ng mga eksperto sa teknolohiya at nagtatanggol sa digital rights at pribasiya ang lumitaw na patakaran ng mga kumpanya sa telekomunikasyon na humihingi ng “selfie” o larawan ng sarili sa pagrerehistro.

Binatikos din nila ang isiningit na mga “kasunduan” sa pagitan ng mga kumpanya at subscriber na magpapahintulot na “ibenta” o mapagkakitaan ang personal na impormasyong ibinigay ng subscriber. Dahil sa kritisismo, kalauna’y ipinalabas ng mga kumpanya sa telekomunikasyon na “optional” ito, bago tuluyang alisin sa listahan ng mga kailangang sang-ayunan para makapagrehistro.

Anila, patung-patong na paglabag sa karapatan sa pribasiya ang resulta ng SIM Card Registration dagdag pa ang aberya at malawakang pagkakait sa serbisyong telekomunikasyon na idudulot nito. Giit nila, ibasura ang SIM Card Registration! Ipagtanggol ang karapatan sa pribasiya ng mamamayan!

Malawakang pagkakait sa serbisyong telekomunikasyon