7 bahay, niransak ng 94th IB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Sapilitang pinasok, hinalughog at niransak ng 60 tropa ng 64th IB ang pitong bahay ng magkakaibang pamilya sa Sityo Dangalon, Barangay Hilamunan, Kabankalan City sa Negros Occidental noong Disyembre 26, 2022 ng umaga. Walang ipinakitang kahit anong mandamyento ang mga militar sa panghahalughog.

Pinasok ng mga berdugo ang bahay ng pamilya nila Albert Ramos, Leticia Sablaon, Eida Tingal, Benjie Teruel, Ramon at Analisa Tingal, Edgardo at Jonjelyn Tingal, Eddie at Vivian Teruel, Jimbert at Helen de Leon, at Kompol de Leon.

Pag-aresto. Iligal na inaresto ng mga pulis si Melanie Sumayang, organisador ng Kadamay-Rizal, noong Disyembre 23, 2022 sa Barangay Mayamot, Antipolo, Rizal. Sinampahan siya ng dalawang bilang ng gawa-gawang kasong bigong pagpatay. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Antipolo City Jail at nangangailangan ng pyansang ₱64,000 para pansamantalang makalaya. Nagpanggap na empleyado ng Meralco ang mga pulis na nag-aresto kay Sumayang. Tumayong lider ng maralita si Sumayang at pinangunahan ang laban kontra demolisyon noong 2010 sa Peña Francia sa Barangay Mayamot.

Sa kaugnay na balita, pansamantalang nakalaya ang lider-aktibista na si Marites Pielago, matapos ang higit limang buwang pagkakakulong, noong Disyembre 27, 2022 pagkatapos magpyansa. Si Pielago, tagapagtatag ng Bicolana Gabriela at upisyal ng Bagong Alyansang Makabayan sa Bicol, ay inaresto sa gawa-gawang kasong pagpaslang at bigong paslang noong Hulyo 28, 2022.

Samantala, nakatanggap ng pambabanta sa buhay ang playwright at biktima ng batas militar ng diktadurang US-Marcos I na si Bonifacio Ilagan noong Enero 2 mula sa hinihinalang mga ahente ng estado.

7 bahay, niransak ng 94th IB