Cha-cha at mga hakbanging neoliberal, iraratsada ngayong 2023

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaBisaya

Desidido ang alipures ni Marcos sa Kongreso na iratsada ang “cha-cha” (charter change o pagbabago sa konstitusyon) sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Ayon sa pinuno ng komite sa pag-amyenda nito sa Mababang Kapulungan, maglulunsad sila ng mga “marathon hearing” (tuluy-tuloy na mga pagdinig) simula ngayong buwan para “pabilisin” ang pag-apruba sa walong panukala at resolusyon na pawang naglalayong amyendahan ang konstitusyong 1987. Noon pang Disyembre sinabi ng pinuno ng naturang komite na si Rep. Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro, 2nd District) na “kaagad” na sisimulan ang mga pagdinig sa Enero 26, at kada dalawang linggo pagkatapos nito.

Nais ng mga kongresista na tanggalin sa konstitusyon ang probisyong nagbabawal sa nakaupong presidente na muling tumakbo, at sa mga senador na tumakbo ng higit dalawang ulit, at sa mga kongresista ng higit tatlong ulit. Ipinapanukala na itakda sa 5-taong ang termino ng bawat isa, at pahintulutan ang lahat na tumakbo ng dalawang magkasunod na termino. Ibig sabihin, maaari nang umupo nang tuluy-tuloy na 10 taon ang lahat ng mga halal na upisyal ng gubyerno—mula presidente, bise presidente, senador, kongresista hanggang sa konsehal ng bayan.

Liban sa term extension, muli ring itinutulak ang todong pagbubukas sa nalalabing mga sektor sa lokal na ekonomya na protektado para sa mga negosyong Pilipino. Alinsunod na rin ito sa programang todong liberalisasyon ng rehimeng Marcos. Mistulang sirang-plaka ang kanilang pagdadahilan na makapang-aakit ito ng bagong dayuhang puhunan sa kabila nang paulit-ulit nang napabubulaanan ang kahungkagan at benepisyo nito sa lokal na ekonomya.

Isa pang panukala ang paglulunsad ng Constitutional Convention o con-con sa darating na Disyembre. Itinutulak ng mga pasimuno nito na isabay sa eleksyon para sa barangay at Sanggunian Kabataan sa Oktubre ang eleksyon ng magiging delegado (1 kada distritong kongresyunal) ng “con-con.”

Liban sa charter change, itinulak na rin ng mga upisyal at alipures ng rehimeng Marcos ang iba pang neoliberal na hakbang. Kabilang dito ang pribatisasyon ng EDSA bus carousel na nagbigay ng libreng sakay ng abereyds na 400,000 komyuter kada araw sa nakaraang dalawang taon. Isa pa ang pagsasapribado sa Ninoy Aquino International Airport, kung saan idinadahilan ang aberyang naganap noong bagong taon para muling ipailalim sa negosasyon sa pinapaborang burgesya-kumprador ang naunsyaming kontrata para rito.

Samantala, nagkabisa noong Enero 1 ang pinalawig ni Marcos Jr na Executive Order 171, ang kautusang inilabas ni Rodrigo Duterte na nagpaluwag sa natitirang restriksyon sa pag-iimport ng karne, bigas, mais at coal. Imbes na mawalan ng bisa noong katapusan ng taon, sasaklawin ng kautusan ang buong 2023. Kasabay nito ang pag-angkat ng 64,050 metriko toneladang asukal at 3 milyong metriko toneladang bigas para sa 2023. Mula Nobyembre 2022 hanggang ngayong Enero, ibinukas nito ang lokal na pamihilan sa 25,000 metriko toneladang imported na isda.

Sa unang mga araw ng taon, bumyahe si Marcos Jr, kasama ang kanyang pamilya at alipures tungong China para mamalimos ng pautang at muling aregluhin ang mga lumang kontrata para ang mga kroni naman niya ang makabenepisyo.

Kabilang sa ipinagmalaki ng rehimen ang $201.8 bagong pautang mula sa China para sa mga kontrata ng paggawa ng mga tulay at iba pang imprastruktura sa Metro Manila. Ang iba pa ay pawang “memorandum of understanding” na walang pinagkaiba sa mga kaisahan na ipinagmalaki ng nagdaang rehimeng Duterte.

Tiyak na pauna lamang ang mga ito sa mga hakbang at programang pahirap na ipatutupad ng delubyong rehimeng Marcos ngayong taon.

Cha-cha at mga hakbanging neoliberal, iraratsada ngayong 2023