Koresponsal Mapait na Pasko ng mga manggagawa sa Dolefil

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Kilala sa mamahaling presko at de-latang mga produkto ng prutas ang tatak na Dole. Sangkap ito sa mga paboritong handa tuwing Pasko at mga espesyal na okasyon. Kumikita ang multinasyunal na kumpanyang ito ng bilyun-bilyong dolyar mula sa lokal na pamilihan at inieksport nitong preskong prutas taun-taon. Pero ang kita na ito ay mula sa lupang inagaw sa mga magsasaka at hirap at sakripisyo ng libu-libong manggagawang Pilipino na binabarat at pinagkakaitan nito ng disenteng pamumuhay. Para sa kanila, mapait ang Pasko at bagong taon.

Ang monopolyong Dole

Itinuturing ang Dole na isa sa pinakamalaking eksporter ng mga produktong prutas sa buong mundo. Kumita ito ng $6.5 bilyon noong 2021. Matatagpuan ang pinakamalawak na operasyon nito sa South Cotabato na nagsimula anim na dekada na ang nakaraan. Sa likod ng tuluy-tuloy na paglaki ng kumpanya, ang mapang-api at mapagsamantalang pang-aagaw nito ng lupa at pagpiga ng supertubo sa libu-libo nitong manggagawa.

Sa datos noong 2020, nasa 20,000 manggagawa ang iniempleyo ng Dolefil sa Polomolok, South Cotabato, 52% ng pangkalahatang bilang na 38,500 manggagawa ng Dole Plc sa buong mundo. Humigit-kumulang 7,000 lamang sa kanila ang regular na iniempleyo ng kumpanya. Sa nakaraang mga taon, tuluy-tuloy pa ang pagtanggal ng kumpanya ng mga regular na manggagawa sa pagdadahilang “nalulugi” ang mga operasyon nito. Gayunpaman, pinasisinungalingan ito sa tuluy-tuloy na pag-empleyo ng kumpanya ng mga kontraktwal.


Pagsasamantala at pang-aalipin
sa mga manggagawa

May mga manggagawang 10 taon nang nagtatrabaho sa kumpanya pero di pa rin regular ang katayuan. Ito ay dahil nakapailalim sila sa isang kooperatiba ng paggawa na may kontrata sa Dolefil. Sumasahod lamang sila ng ₱340.00 kada araw—mas mababa nang 8% kumpara sa mababa ring sahod ng regular na mga manggagawang tumatanggap ng minimum (₱368 kada araw para sa Socsksargen).

Kasosyo ng Dolefil ang mga kooperatiba sa paggawa sa pagrerekluta at pangangasiwa sa mga manggagawang kontraktwal at seasonal. Sa pamamagitan nito, sistematikong naiiwasan ng kumpanya ang mga obligasyon sa wastong pagpapasahod, pagbibigay ng mga benepisyo at karapatan sa pag-uunyon.

Maliban sa mga kontraktwal ay mayroon ding mga manggagawa tulad ng mga picker (tagapitas) at tagarelyebo na “iniempleyo” ng mga kooperatiba. Tumatanggap sila ng pinakamababang sahod sa lahat ng mga manggagawa. Halos tatlo o apat na araw lamang ang kanilang pasok sa trabaho. Nakapailalim sila sa kaayusang pakyawan at kinakaltasan pa ng kooperatiba ang sahod nila. Karaniwang ₱700 lamang ang natatanggap nila tuwing sahuran.

Hindi makapagreklamo ang mga manggagawa dahil wala silang katiyakan sa trabaho. Ilan sa idinadaing nila ang hindi pag-ientrega ng kanilang mga kontribusyon sa SSS, Philhealth at Pag-ibig, at mapanganib sa kalusugan na mga kondisyon sa paggawa. Pilit ding pinapatrabaho ang mga harvester kahit umuulan para abutin ang mataas na kota. Lantad sila sa nakalalasong mga kemikal.


Pamaskong implasyon at krisis

Sa nagdaang Pasko, hindi pa man natatanggap ng mga manggagawa ang kanilang 13th month pay at bonus ay nagasta na nila ito sa kanilang mga isipan. Isa rito si Boyet, isang kontraktwal na manggagawa. Nakalaan na para sa bayarin sa eskwelahan at gamit pang-eskwela ang bahagi nito. May halaga ring mapupunta sa pagbabayad ng utang. Dahil minsan lamang sa isang taon, binalak niyang ipaghanda ng masasarap na pagkain ang mga anak sa noche buena.

Pero dahil sa napakataas na mga presyo ng mga bilihin, kinulang ang sahod at bonus ni Boyet at kapwa niya manggagawa sa kumpanya. Isa sa mga kasamahan niyang manggagawa ay napilitang ibenta ang mga regalong de-lata ng kumpanya, kahit mahigpit itong ipinagbabawal, para makadagdag sa panggastos sa bahay.

Para siguradong may ihahanda sa noche buena ay nangutang muna sila ng karne na babayaran naman nang huhulugan sa darating na sweldo. Dagdag ito sa buong taon nang nagpapatong-patong na mga utang dahil sa kapos nilang sweldo. Madalas, napipilitan silang isangla ang kanilang ATM card sa mga usurero sa Polomolok para makaagapay sa napakataas na gastos sa pamumuhay.

Mapait na Pasko ng mga manggagawa sa Dolefil