Humakbang nang malaki, kamtin ang matatayog na tagumpay

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishHiligaynonBisaya

Lipos ng diwang rebolusyonaryo, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay puno ng determinasyon na humakbang nang malaki pasulong at kamtin ang matatayog na tagumpay sa bagong taong 2023. Determinado ang Partido na ibayong konsolidahin at palakasin ang sarili at buong-tatag na pamunuan ang komprehensibong pag-abante ng demokratikong rebolusyong bayan sa buong bansa.

Walang dalang pangako ng kaginhawaan o kahit kaunting pag-alwan sa buhay ang bagong taon para sa masang Pilipino sa ilalim ng pasista at papet na rehimeng US-Marcos. Kaya determinado silang tahakin ang rebolusyonaryong landas na siyang tanging nagbibigay sa kanila ng pag-asang baguhin ang landas ng kanilang kapalaran.

Palubha nang palubha ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa. Habang mayorya ng mamamayan ay sadlak sa kahirapan at kagutuman, nagpapakasasa naman sa yaman ang kakarampot na naghaharing uring malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa, at mga ahente nilang burukratang kapitalista. Milyun-milyong mga manggagawa at magsasaka ang labis-labis na pinahihirapan at dinadahas ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Araw-araw na kinakaharap ng sambayanan ang iba’t ibang mukha ng tatlong halimaw na ito: pagsirit ng presyo ng mga bilihin at mga serbisyo, mababang sahod, kawalan ng trabaho, kawalan ng lupa, mataas na upa sa lupa, at tumataas na gastos ng abono at pestisidyo. Daan-daan libo ang pinalalayas para bigyang-daan ang mga minahan at plantasyon.

Kinukurakot ng iilan ang pondo ng bayan. Pinapaburan ang mga kroni o kaibigan sa negosyo at mga sindikatong kriminal. Winawaldas ang pondo sa mga proyektong pampasiklab pero walang katuturan, at sobra-sobrang gastos sa parasitikong militar at pulis, habang kulang na kulang ang pondong laan sa nabubulok nang mga serbisyong panlipunan. Gabundok ang utang ng gubyerno na sa taumbayan ipinapapasan. Kinakaltasan ng buwis ang nakaririwasang kapitalistang dayuhan, pero hindi ang masang salat sa ginhawa.

Ipinatutupad ang mga batas at patakarang neoliberal na pabor sa mga dayuhang malalaking kapitalista at oligarkiya sa pinansya, at mga kasosyo nilang malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa. Todo-todo ang liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas, asukal at iba pang dayuhang produkto. Buong laya ang mga ismagler at malalaking komersyante na kontrolin ang suplay at magbulsa ng limpak-limpak na tubo sa sobrang patong na presyo.

Harap-harapan ang pang-aagaw ng China sa teritoryo at yamang pandagat ng Pilipinas, habang kabi-kabila ang pagtatayo ng US ng mga base militar sa loob ng bansa. Ginagatungan nito ang digmang-sibil upang maibenta ang kanilang sarplas na sandata sa AFP. Peste ang mga pasistang sundalo sa mga barangay na nagdadala ng lalong malupit na terorismo ng estado. Ginigipit ang mga lider at kasapi ng unyon at pang-masang organisasyon, sinisindak, dinadakip, ikinukulong, tinotortyur at pinapatay. Walang-habas ang paninibasib sa taumbayan.

Ang rehimeng Marcos ngayon ang kumakatawan sa lahat ng batas at patakarang nagpapahirap at pumapatay sa taumbayan. Nasa katauhan ni Marcos ang pinakabuktot na mga aspeto ng mga naghaharing uri: sugapa sa yaman, walang-malasakit sa pagdurusa ng taumbayan, sunud-sunuran sa mga dayuhan, at mapaniil sa mga nagtatanggol sa kanilang karapatan.
Habang hindi magkandaugaga ang mga manggagawa at magsasaka kung paanong maghahain ng pagkain para sa kanilang pamilya, ang pamilyang Marcos ay abala sa paghahanda ng mga piging sa napabalitang bagong-itinayong mga villa sa loob ng Malacañang, o kung anong bansa sila susunod na bibiyahe gamit ang pondo ng bayan. Minamadali ni Marcos ang Maharlika Investment Fund para gamitin ang daan-daang bilyong pondong pampubliko para pagkakitaan at paburan ang mga kroni. Niraratsada ngayon ang “cha-cha” (charter change o pagbabago sa konstitusyon) upang bigyang-daan ang 10-taong pananatili ng mga upisyal ng gubyerno sa poder. Samantala, nagtetengang-kawali si Marcos sa sigaw para sa umento sa sahod, pagbaba ng presyo at iba pang hinaing ng taumbayan.

Makabuluhang pagbabago sa takbo ng buhay ang hangad ng taumbayan. Kaya naman nakatanaw ang sambayanang Pilipino, laluna ang masang api at pinagsasamantalahan, sa pamumuno ng Partido at sa tangan nitong sulo na nagbibigay-tanglaw sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa maaliwalas na bukas.

Buo ang paniniwala ng Partido na kaya nitong abutin ang layuning konsolidahin ang kanyang hanay at pamunuan ang komprehensibong pagsulong ng rebolusyon. Determinado ang namumuno nitong mga kadre sa lahat ng antas na ibigay ang lahat para dalhin sa mas mataas na antas ang lakas ng Partido at ang lawak at sigla ng rebolusyonaryong kilusan.

Dapat puspusang magpalakas ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Higit na itaas ang kaalaman at gagap ng mga kadre at kasapi ng Partido sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang paglalapat nito sa rebolusyong Pilipino at aplikasyon sa araw-araw na mga gawain. Kailangan ang kilusang pagbabalik-aral sa mga batayang prinsipyong inilatag ng Partido. Isagawa ang malawakang pag-aaral sa mga sulatin ng dakilang kasamang Jose Ma. Sison upang magsilbing gabay sa pagtatasa at paglalagom ng ating mga gawain. Tukuyin ang mga kalakasan at kahinaan, at ilatag ang plano para sa mabilis na pagsulong. Palakasin ang demokrasya at nagkakaisang pagkilos sa ilalim ng pamumuno ng Komite Sentral.

Pahigpitin ang pagsapol sa teorya at praktika ng linyang masa. Sa kalunsuran at kanayunan, naghihintay ang masang api at pinagsasamantalahan na magkaisa sa ilalim ng bandila ng Partido. Handa silang magbangon at sama-samang magmartsa. Gawing sentro ng mga pakikibakang masa ang mga pabrika, pagawaan, mga kampus, pamayanan, tanggapan, ospital at iba pa. Itatag ang pinakamalapad na pagkakaisa laban sa anti-mamamayan, makadayuhan at pasistang rehimeng Marcos. Padagundungin ang martsa ng bayan at yanigin ang pundasyon ng paghahari ng mga mapagsamantala at mapang-aping uri.

Sa taong ito, ihanda natin ang masigla at makulay na pagdiriwang sa ika-50 taong anibersaryo ng pagtatatag ng National Democratic Front (NDF) upang itanghal ang mga tagumpay nito sa pagbubuklod sa sambayanang Pilipino at pagsulong ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Sa harap ng masang nakikibaka, mangangatog si Marcos, Duterte at lahat ng kahila-hilakbot na pasista. Kasama ang Bagong Hukbong Bayan, dadalhin nila ang digmang bayan sa wala pang kapantay na antas.

Habampanahon nating parangalan ang ating dakilang mga bayani. Huwaran sila ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan, sa Partido at rebolusyon. Sila’y dakilang mga punong nagbigay lilim at katatagan sa gubat. Kung saan sila dating nakatayo, ngayo’y tumatagos ang sinag ng araw, naghahatid ng alab sa libong bagong punong nililinang ng iniwan nilang pamana. Hindi mapasusubalian, hitik sa buhay at sigla ang gubat ng rebolusyon.

Humakbang nang malaki, kamtin ang matatayog na tagumpay