17-anyos na katutubo, pinatay ng 9th ID

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Pinagbabaril at napatay ng mga tropa ng 9th ID ang 17-anyos na sibilyang si Argie Salvador sa Sityo Sapang Bato, Barangay Canapawan, Labo, Camarines Norte noong Pebrero 11, ala-1:40 ng hapon.

Pinalalabas ni Major General Adonis Bajao ng 9th ID na napatay si Salvador sa isang engkwentro ng tropa nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Katutubong Manide na taga-Tanauan, Capalonga si Salvador. Naghahanap lamang siya ng pulot nang mataunan at pagdiskitahan ng mga sundalo. Rehistrado siya sa programang TUPAD ng Department of Labor and Employment.

Samantala, sa bayan ng Santa Elena, pinasok ng pitong pinaghihinalaang ahente ng estado ang bahay ni Tino Manalo noong Pebrero 4 sa Barangay Don Tomas. Pinuntahan din ng mga ito ang bahay nina Jun Barsibal at Johnny Caig noong Pebrero 5. Pinararatangan silang mga tagasuporta ng hukbong bayan.

Pagdukot. Sa Oriental Mindoro, dinukot ng mga pwersa ng 203rd Brigade si G. Elyong, residente ng Sityo Sinariri, Barangay Panaytayan, Mansalay noong Pebrero 6. Papunta siya sa tindahan para bumili ng kape nang siya’y dakipin ng mga sundalo. Kinuha siya ng sampung sundalo sa harap ng mga residente nang walang ipinakikitang kasulatan o paliwanag sa dahilan ng pagdakip.

Pekeng engkwentro. Para maghasik ng lagim at takot sa mga komunidad, nagpakana ng pekeng engkwentro ang mga yunit ng militar sa Quezon at Negros Oriental.

Noong unang linggo ng Pebrero, pinalabas ng 85th IB na nagkaroon ng engkwentro sa Barangay Butanguiad, San Francisco, Quezon. Dulot nito, naapektuhan ang kabuhayan at maging eskwela ng mga kabataan sa mga barangay ng bayan.

Hindi rin totoo ang sinasabing engkwentro ng 11th IB sa Sityo Tuyopan, Barangay Talalak, Santa Catalina, Negros Oriental noong Pebrero 4. Ayon sa lokal na kumand ng BHB, walang yunit sa lugar nang panahong iyon. Matapos nito, binugbog pa ng mga sundalo ang magsasakang si Randy Iran.

Pag-aresto. Sa Sorsogon, dinakip ng mga pulis sa gawa-gawang mga kaso ang magkapatid na sina Ramises at Willian Hubilla, pawang mga anak ng namartir na lider-rebolusyonaryo ng Sorsogon na si Andres Hubilla (Ka Magno). Inaresto si Ramises noong Pebrero 8 sa Barangay North Poblacion, Juban habang si William ay dinakip nang sumunod na araw sa Barangay Central, Casiguran. Sinampahan sila ng maraming bilang ng kaso ng pagpatay at bigong pagpatay. Si Ramises ay nauna nang “pinasuko” ng militar noong 2018 sa pagiging bahagi umano ng rebolusyonaryong kilusan.

17-anyos na katutubo, pinatay ng 9th ID